Pagsusuka at pagbuntis: Mga karaniwang tanong

Normal lang ba ang pagsusuka sa isang buntis?

Oo, sa maraming kaso, ang pagsusuka ay normal at karaniwan sa mga buntis, lalo na sa unang tatlong buwan. Ayon sa ibang pag-aaral, nasa kalhati ng mga buntis ay nakakaranas nito. And tulad ng iyong naikwento, sa umaga ito nangyayari, kaya nga ang tawag dito sa Ingles ay “morning sickness”. Kalimitan, ang pagsusuka ay hindi grabe, pasumpong-sumpong, at pwedeng masamahan ng hilo o sakit ng ulo. Tumatagal ito ng ilang oras. Bawat babae ay may sariling karanasan tungkol dito. Kalimitan, ang sintomas ay nawawala habang tumatagal ang pagbubuntis; madalas sa ika-4 na buwan ay ito’y wala na, subalit sa ibang kababaihan, ito’y nagpapatuloy hanggang sila’y manganak.

Kung grabe ang pagsusuka; kung mukhang matamlay ang babae at nagbabawas ng timbang, maaaring ito ay ang tinatawag na ‘hyperemesis gravidarum’, isang kondisyon kung saan suka ng suka ang buntis. Kung mukhang heto ang nararamdaman ng buntis, dapat syang magpatingin na sa doktor.

Maapektuhan ba ang baby ng pagsusuka habang buntis?

Hindi naman. Sa katunayan, ayon sa ilang pag-aaral, ang pagsusuka sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis ay isang magandang senyales na maganda at normal ang takbo ng pagbubuntis. Ngunit kung matindi ang pagsusuka, maaaring maging mababa ang timbang ng baby. Kaya kung grabe ang pakiramdam mo sa pagbubuntis, magpatingin sa lalong madaling panahon.

Anong pwedeng gawin para mabawasan ang pagsusuka?

Ang mga sumusunod ay maaaring subukan, ngunit tandaan na dahil iba’t iba ang katawan ng babae, ang mga ito ay maaaring gumana sa ilan, at hindi umpeketo sa iba:

  • Uminom ng maraming tubig
  • Siguraduhing sapat ang pahinga at maayos ang pagtulog
  • Iwasan ang mga pagkain o amoy na nakakapagpasuka
  • Uminom ng salabat na gawa sa luya. May ilang pag-aaral na nagsasabing maaaring may magandang epekto ang luya sa pagsusuka.
  • Kumain ng regular, at huwag kumain ng maramihan sa isang kainan
  • Pwede bang uminom ng gamot sa pagsusuka ang buntis?

    Hanggat maaari, maganadng iwasan ang pag-inom ng gamot lalo na’t normal nga lang ang pagsusuka sa unang bahagi ng pagbubuntis. Kung malala ang pagsusuka, magpatingin sa doktor at hayaang sya ang magreseta ng gamot.