Mga senyales ng pagbubuntis: Ika-pito hanggang ika-siyam na buwan

Nasa panghuling artikulo na tayo sa buwan-buwang pagtatala ng mga senyales ng pagbubuntis. Basahin ang mga sintomas ng huling tatlong buwan:

Mga senyales ng pitong buwan na buntis

Mas makakaramdam ang buntis ng pagod sa ika-pitong buwan. Dapat hinay-hinay na lang sa mga gawain at magpahinga ng madalas. Mas aktibo na ngayon ang baby sa loob ng bahay-bata at mas mararamdaman ng buntis ang pagsipa nito.

Mga senyales ng walong buwan na buntis

Malaki ang ibibigat ng sanggol sa buwang ito, kaya mas makakaramdam ang mga buntis ng pagod at pananakit sa likod at paa. Pwede ring makaramdam ng konting hingal o pagiging hirap huminga. Tuloy parin ang paggalaw at pagsipa ng baby sa loob ng bahay-bata na maaaring maka-apekto sa pagtulog.

Mga senyales ng siyam na buwan na buntis

Pwedeng makaramdam na parang binabalisawsaw o ihi ng ihi dahil sa pag-ungos ng ulo ng baby sa lagusan. Ilang araw (o minsan, oras o linggo) bago ang panganganak, lalabas sa pwerta ang tinatawag na ‘mucus plug’ na parang regla. Padalas narin ng padalas ang pagkakaron ng paghilab ng tiyan. Kapag pabilis ng pabilis at palakas ng palakas ang paghilab ng tiyan, senyales ito na malapit na ang panganganak.

MAGBASA PA: MGA SENYALES NG PAGBUBUNTIS AT PANGANGAK
Mga senyales ng una hanggang ikatlong buwan ng pagbubuntis
Mga senyales ng ika-apat hanggang ika-anim buwan ng pagbubuntis
Mga senyales ng ika-pito hanggang ika-siyam na buwan ng pagbubuntis
Mga senyales na malapit nang manganak

Mga senyales ng pagbubuntis: Ika-apat hanggang ika-anim na buwan

Katuloy ng mga senyales ng pagbubuntis mula una hanggang ikatlong buwan, narito naman ang mga sintomas ng pagbubuntis mula ika-apat hanggang ika-anim na buwan. Muli, mahalagang ipaalala na hindi lahat ng mga babae ay makakaranas ng pare-parehong sintomas.

Mga senyales ng apat na buwan na buntis

Sa ika-apat na buwan, pwedeng mawala na ang mga sintomas na naramdaman sa unang tatlong buwan. Patuloy ang paglaki ng tiyan, at paglakas ng ganang kumain. Sa kaunaunahang pagkakataon, maaari nang maramdaman ng buntis ang pagalaw o pagsipa ng sanggol sa loob ng matris – bagamat para sa iba, sa ika-limang buwan pa itong nag-uumpisa.

Mga senyales ng limang buwan na buntis

Sa ikalimang buwan, tuloy parin ang paglaki ng tiyan at kasama na dito, muli, ang pagtitibi, at pakiramdam na parang busog o “bloated” ang tiyan. Maaaring mag-umpisang sumakit ang likod at mga paa, at makaramdam ng ‘irritation’ sa balat.

Mga senyales ng anim na buwan na buntis

Maaaring mas makaranas ng pananakit ng likod dahil nadin sa kabigatan ng baby. Bilog na ang puson ng buntis dahil sa patuloy na paglaki ng baby. Mas nakakapagod na ang mga gawaing bahay kaya dapat huwag magpagod at huwag mag-atubiling magpahinga kapag nakakaramdam ng pagod.

MAGBASA PA: MGA SENYALES NG PAGBUBUNTIS AT PANGANGAK
Mga senyales ng una hanggang ikatlong buwan ng pagbubuntis
Mga senyales ng ika-apat hanggang ika-anim buwan ng pagbubuntis
Mga senyales ng ika-pito hanggang ika-siyam na buwan ng pagbubuntis
Mga senyales na malapit nang manganak

Mga senyales ng pagbubuntis: Una hanggang ikatlong buwan

Handog ng Kalusugan.PH sa maraming nagtatanong tungkol sa kanilang pagbubuntis ang listahan ng mga sintomas na maaaring maramdaman, buwan-buwan, ng isang babaeng nagdadalang tao. Subalit, tandaan na iba’t iba ang katawan ng bawat babae at maaaring hindi lahat sa mga sintomas na ito ay maramdaman niya. Sa katunayan, maaaring maging ibang-iba ang kaniyang karanasan sa pagbubuntis.

Kung ikaw ay nag-iisip, nangangamba, o umaasang ikaw ang buntis dahil hindi ka dinatnan, isa lang ang hakbang para makatiyak ka: gumamit ng pregnancy test. Dun din kasi mauuwi ang mga tanong kung buntis ka ba o hindi. Basahin ang artikulong “Paano gumamit ng pregnancy test” sa Kalusugan.PH para sa wastong paraan ng paggamit nito!

Mga senyales ng isang buwan na buntis

Una syempre ang pagtigil ng pagregla o ang hindi pagdating ng menstruation – ang mauna-unahang indikasyon na ang isang babae ay buntis. Maaari naring mag-umpisa ang pagbigat ng timbang. Maaari naring makaranas ng ‘morning sickness’ o pakiramdam na balisa o nahihilo sa umaga na maaaring may kasamang pagsusuka. Isa pang sintomas ay ang madalas na pag-ihi, pagiging madami ng laway, at pagiging pagod.

Maaari ring makaranas ang isang babae ng ‘cravings’ (minsan ginagamit din ang salitang ‘paglilihi’) o paghahangad ng iba’t ibang pagkain gaya ng prutas. Isa pa, pwedeng marakanas ng pagbabago sa ugali at ‘mood’: pwedeng maging mainitin ang ulo, sumpungin, o kaya naman sobrang saya.

Mga senyales ng dalawang buwan na buntis

Sa ikalawang buwan ng pagbubuntis maaaring mag-umpisa ang iba’t ibang pagbabago sa katawan gaya ng pamamanas ng paa at kamay, pagkakaron ng ‘varicose veins’ o mga kulubot na ugat sa binti, pagiging mabigat ng mga suso, at pakiramdam na laging busog.

Dahil sa paglaki ng matris, maaari naring mag-umpisa na lumaki ang waistline o bewang. At dahil ang paglaki ng matris ay nagbibigay ng preston sa tiyan, pwedeng makaramdam ang babae na parang puno ang tiyan. Pwede ring sikmurain, o di kaya makaramdam ng parang mabigat sa dibdib na indikasyon ng pag-akyat ng asido sa esophagus. Pwede ring makaranas ng pagtitibi. Panghuli, maaaring may mapansin ng discharge sa pwerta ng babae na medyo maputi – ang tinatagurian ng iba na ‘white mens’.

Mga senyales na tatlong buwan na buntis

Sa ikatlong buwan naman ng pagbubuntis, mas lalaki ang tiyan at pwede namang mag-umpisa ang paglitaw ng mga ‘stretch marks’ o mga marka ng nababanat na tiyan. Pwedeng magpatuloy o mawala ang mga ibang sintomas na ating nabanggit sa unang dalawang buwan maaari ding mas dumami o mas halata ang mga varicose veins. Gaya sa naunang mga buwan maaaring makaranas ng hilo at pagod. Subalit, pwede rin namang naka-adjust na katawan sa pagbubuntis at may pakiramdam ng pagiging masigla.

MAGBASA PA: MGA SENYALES NG PAGBUBUNTIS AT PANGANGAK
Mga senyales ng una hanggang ikatlong buwan ng pagbubuntis
Mga senyales ng ika-apat hanggang ika-anim buwan ng pagbubuntis
Mga senyales ng ika-pito hanggang ika-siyam na buwan ng pagbubuntis
Mga senyales na malapit nang manganak