Paano maka-iwas sa sakit ngayong tag-ulan at tag-baha

Tag-ulan na naman, at sa panahong ito, bukod sa pagdagsa ng ulan ay nariyan rin ang posibilidad na tayo’y madatnan ng mga iba’t ibang sakit na maaari namang maiwasan. Ang mga halimbawa nito ay ang cholera, na siyang na-ulat na dumadami ang kaso sa Pilipinas, ang leptospirosis na kaya nagdudulot ng sakit ay dahil sa tubig-baha, at iba pang mga karamdaman. Ating alamin ang ilang mga hakbang upang makaiwas sa sakit:

1. Siguraduhing ligtas ang pinagkukuhanan ng tubig. Ang ligtas na tubig ay napakahalaga para sa kalusugan. Tuwing tag-ulan, maaaring maapektuhan ang ating mga pinag-iigiban ng tubig, kaya’t dapat, maging segurista. Ang tubig na hindi tiyak ay dapat huwag ring gamitin na panghugas ng gulay, prutas na kakainin.

2. Pakuluan ang tubig na hindi sigurado. Kung hindi nakakatiyak sa kalidad ng inyong tubig, pakuluan ang tubig (dapat, kulong-kulo talaga) ng di kukulang na isang minuto. Bago magpakulo ng tubig, maaari ring salain ang tubig, at hayaan itong nasa lalagyan upang mahulog sa ibaba ang mga maliliit na sedimento. Basahin ang artikulong “Paano tiyaking malinis ang inuming tubig” sa Kalusugan.PH

3. Panatilihing wasto ang pagtapon ng dumi. Ang dumi ng tao ay isang pinagmumulan ng mga mikrobyong nagdadala ng cholera at iba pang sakit. Maaaring hindi ito problema para sa iba, ngunit sa panahon ng tag-ulan at tag-baha ay ito’y nagiging isang problema para sa marami. Dapat malayo sa mga pinagkukunan ng tubig gaya ng mga ilog, balon, at iba pa.

4. Iwasang magbabad sa tubig-baha. Ang sakit na leptospirosis ay dala ng mga mikrobyong galing sa mga daga at iba pang hayop, na maaaring dalhin ng tubig baha at makapasok sa balat ng tao. Kung mayroon kayong mga anak, pagbawalan silang maligo sa tubig baha. Alamin kung ano mga sintomas ng leptospirosis sa Kalusugan.PH at basahin ang mga kaalaman tungkol dito.

5. Huwag hayaang maipon sa mga lalagyan ay tubig na hindi gumagalaw o stagnant water. Ang mga tubig na naipon sa mga lalagyan ay maaaring maging lugar kung saan lumaganap ang mga lamok na syang nagdadadala ng dengue. Alamin kung paano maka-iwas sa dengue sa Kalusugan.PH

6. Magpatingin kaagad sa doktor kung may mga sintomas tulad ng di-mapigilang at/o malatubig na pagtatae, mataas na lagnat, pagsakit ng tiyan at ng katawan, upang maagapan ang anumang sakit na nakuha.

Paano tiyakin na malinis at ligtas ang inuming tubig

Gumamit ng malinis na tela para salain ang tubig bago ito pakuluan

Lalo na ngayon at tag-ulan at marami tayong mga kabaayang apektado ng baha, ating balikan ang mga hakbang na dapat gawin upang maging malinis ang tubig. Bakit nga ba kailangang malinis ang tubig? Sapagkat sa mga oras na ganito na maraming baha, maaaring kontaminado ang tubig ng mga mirobyo na maaaring magdulot ng sakit, gaya ng typhoid, cholera, at iba pang mikrbobyo na pwedeng magdulot ng impeksyon sa tiyan na siya namang mauuwi sa pagtatae, pananakit ng tiyan, pagsusuka, lagnat, at iba pa. Narito ang mga hakbang upang masigurong ligtas ang tubig na inyong iinumin:

1. Hanggat maaari, iwasang gumamit ng tubig na maaaring nakontamina ng tubig-baha. Kung wala nang ibang mapagkunan ng tubig, mas piliin ang dumadaloy na tubig (flowing water) kaysa sa tubig na hindi dumadaloy (stagnant water).

2. Kung ang tubig ay madumi o hindi klaro, ito’y salain muna gamit ang isang malinis na tela o tuwalya. Maaaring ipantakip ang tela sa pagsasalinan ng tubig upang masala ito.

.2. Pakuluan ang tubig gamit ang kalan, uling, o anumang paraan. Hindi sapat na painitin lamang ang tubig; dapat ito’y kumukulo ng hindi kukulang ng ISANG BUONG MINUTO bago patayin ang apoy.

Siguraduhing kumukulo ng hindi kukulang ng ISANG BUONG MINUTO

3. Kung hindi makakapagpakulo ng tubig, maaaring gumamit ng bleach (halimbawa, Clorox) o kaya ng tableta ng Chlorine. Maglagay ng TATLONG PATAK ng bleach sa bawat litro ng tubig, haluin ang tubig ng mabuti, at maghintay ng 30 minuto bago ito gamitin. Kung ang paraang ito ang gagamitin, huwag kalimutang salain parin ang tubig gamit ang tela bago ipatak ang bleach o gumamit ng tableta.

3. Itago ang tubig sa mga malinis na lalagyan, maganda sana kung may takip.