Paano makaiwas sa polio?

Bukod sa pagkakaroon ng malinis na kapaligiran at pagkakaroon ng ligtas na suplay ng pagkain at inumin, ang pinakamainam na paraan ng pag-iwas sa sakit na polio ay ang pagkakaroon ng bagong bakuna para sa sakit.

Ang bakuna para sa poliovirus ay kadalasang ibinibigay sa bata sa pamamagitan ng inactivated poliovirus vaccine (IPV). Ito ay itinuturok nang apat na beses mula sa ikalawang buwan, ikaapat na buwan, sa pagitan ng ika-anim na buwan at isa’t kalahating taong gulang, at ang huling turok ay sa pagitan ng ika-apat na taong gulang hanggang ika-anim na taon. Maaari lamang itong magdulot ng pananakit at pamumula sa bahagi na tinurukan.

Mayroon na ring makabagong bakuna ngayon na itinuturok nang isang beses lamang kasabay din ng ibang bakuna para sa diphtheria, tetanus at acellular pertussis (DTaP), pneumococcal infections, at hepatitis B. Ang mga ito ay magkakasama na sa bakunang Pediarix. Maaari lang din makaranas ng katamtamang lagnat sa pagpapabakuna nito.

 

Ano ang gamot sa polio?

Dahil sa ngayon ay wala pang gamot na direktang makapagpapagaling sa impeksyon ng poliovirus, ang gamutan sa sakit na polio ay nakasentro sa pangangalaga, sapat na pagpapahinga, at pagbibigay lunas sa mga sintomas na maaaring maranasan. Ang sakit na polio, tulad din ng ibang sakit na dulot ng virus, ay kusang gumagaling sa oras na magkaroon ng resistensya ang katawan sa polio virus.

Narito ang ilan sa mga hakbang na makatutulong sa mabilis na paggaling ng pasyenteng may polio:

  • Sapat na pahinga sa kama
  • Pag-inom ng mga gamot na pantagal ng pananakit
  • Mga aparato na tutulong sa paghinga ng pasyente
  • Pag-eehersisyo upang maiwasan ang pagbabagong pisikal sa anyo ng mga kalamnan
  • Sapat na pagkain na masusustansya

 

 

 

Paano malaman kung may polio?

Ang pagkakaroon ng sakit na polio ay madaling natutukoy sa pamamagitan ng pagsuri ng doktor sa mga sintomas na nararanasan ng pasyente. Maaaring ito ay ang pananakit ng mga kalamnan at kasukasuan, paninigas ng leeg at likod, abnormalidad sa pagkilos, at hirap sa paglunok at paghinga. Ngunit para makatiyak, maaaring suriin sa laboratoryo ang dumi, likido sa lalamunan, at likido sa paligid ng utak at spinal cord upang makita kung positibo sa poliovirus.

 

 

Ano ang sintomas ng polio?

Bagaman ang sakit na polio ay kilalang nakapagdudulot ng pagkaparalisa at panliliit ng mga paa, ang karamihan ng kaso nito ay pawang abortive type lamang at hindi naman humahantong sa ganitong komplikasyon. Minsan pa, ang ibang nagkakasakit ng polio ay hindi naman nakararanas ng anumang sintomas.

Ang sumusunod ay ang ilan sa mga karaniwang sintomas na maaaring maranasan ng pasyenteng may abortive type ng polio. Ang mga ito ay maaaring magtagal ng hanggang 1-10 araw.

  • Lagnat
  • Sore Throat
  • Pananakit ng ulo
  • Pagsusuka
  • Pagkapagod
  • Pananakit ng likod
  • Pananakit ng leeg
  • Pananakit ng mga kalamnan
  • Meningitis

Para naman sa paralytic type ng sakit na polio, sa simula ay maaaring akalain na ito ay karaniwang kaso lamang ng sakit na polio ngunit sa kalaunan, maaari itong humantong sa mga mas seryosong sintomas. Ang pagkakaranas ng malalang kondisyon ng sakit na polio na maaaring humantong sa pagkaparalisa ay maaaring magtaglay ng mga simusunod na sintomas.

  • Kawalan ng kakayanang kumilos
  • Matinding pananakit at panghihina ng mga kalamnan
  • Pangangayayat at panliliit ng mga binti

Pagkatapos ng pagkakasakit ng polio, maari o maaaring hindi makaranas ng post-polio syndrome o ang mga epekto ng sakit na polio na nararanasan lamang matapos gumaling mula sa sakit. Ang mga ito ay kadalasang nakaaapekto sa abilidad ng tao na makagalaw ng maayos at humahantong sa pagkabaldado. Narito ang ilan sa mga senyales at sintomas ng post-polio syndrome:

  • Progresibong pananakit at panghihina ng mga kalamnan at kasukasuan
  • Madaling pagkapagod matapos ang kahit na kakaunting pagkilos lamang
  • Hirap sa paglunok at paghinga
  • Madaling ginawin
  • Depresyon
  • Hirap sa pagmememorya at konsentrasyon

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Upang makasiguro, dapat ay magtungo na sa doktor at magpaturok ng bakuna laban sa polio bago pa man magtungo sa lugar na kilalang talamak ang kaso ng sakit na ito. Sa ganitong paraan, makaiiwas ng husto sa pagkakaroon ng sakit na polio. Marapat din na magpatingin sa doktor kung makararanas ng mga sintomas na nabanggit o kaya naman ay may kasaysayan ng pagkakasakit ng polio sa nakalipas na mga taon.

Kaalaman tungkol sa sakit na Polio

Ang polio, o poliomyelitis, ay isang nakakahawang sakit na dulot ng impeksyon ng poliovirus at nakakaapekto sa tao lamang. Maaaring ito ay karaniwang kaso lamang o abortive type na kadalasan ay gumagaling matapos ang isang linggong pagkakasakit, o kaya ay seryosong karamdaman na nakaaapekto sa central nervous system kabilang ang utak at spinal cord at maaaring magdulot ng pagkaparalisa, hirap sa paghinga o kaya ay kamatayan.

Gaano kalaganap ang sakit na Polio?

Sa panahon ngayon, ang sakit na polio ay hindi na kasinglaganap kung ikukumpara sa mga nakalipas na dekada. Ito ay nakaaapekto na lamang sa iilang lugar sa region ng Gitang-silangang Asya, Timog Asya, at ilang mga bansa sa Africa. Sa Pilipinas, ang mga ng sakit na ito ay bibihira na lamang.

Ano ang sanhi ng sakit na Polio?

Ang polio ay dulot ng impeksyon ng poliovirus na maaaring makuha sa mga kontaminadong inumin at pagkain. Ang kontaminasyon ay nagmumula sa tae ng apektadong indibidwal kaya naman ang pagkakasakit nito ay may kaugnayan sa pagiging madumi ng kapaligiran at kawalan ng malinis na suplay ng tubig o pagkain.

Sino ang maaaring magkasakit ng Polio?

Ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na polio ay tumataas sa mga taong dumadayo sa lugar na talamak ang kaso ng sakit na ito, lalo na kung hindi naman nabakunahan. Ang mga taong nagbubuntis, mga bata, at mga indibidwal na may mahinang resistensya, ang siyang may pinakamataas na panganib ng pagkakaroon ng sakit na maaaring humantong sa pagkaparalisa.

Ano ang maaaring komplikasyon ng sakit na Polio?

Ang malalang kondisyon ng polio ay maaaring humantong sa pansamantala o permanenteng pagkaparalisa, panliliit ng mga binti, balakang at paa. Kaya naman, ang mag batang nagkaroon ng sakit na ito ay kadalasang nagiging baldado na habang buhay.