May pintig sa tiyan kahit hindi naman buntis

Q: Doc posible po ba na meron po talagang pintig sa loob ng tyan kahit hindi buntis?

A: Oo, posibleng posible. Maraming mga kababaihan ang nakakaramdam ng ganitong sensasyon kahit hindi naman sila buntis. Yung iba nga, nagpatali na pero nakakaramdam parin ng ganito. Yung iba naman, dahil dito ay inaakala nilang buntis sila, pero hindi naman! Ang resulta, maraming mga kababaihan ang nagkakaroon ng ‘stress’ dahil sa pag-aalala kung ano bang ang ibig-sabihin ng mga pagpintig na ito sa tiyan.

Sa katunayan, hindi lamang pagpintig ng tiyan ang maaaring maramdaman ng mga babae na hindi naman buntis. Yung iba, nakakaramdam rin ng paglilihi, paglaki ng tiyan, pagtigil ng monthly period, at pagsusuka! Sa ngayon, hindi pa napapaliwanag kung anong sanhi nitong kondisyon na ito na tinatawag na pseudocyesis o false pregnancy.

Para sa iba, ang katiyakan na hindi sila buntis (o buntis talaga sila ay sapat na upang mawala ang mga ganitong nararamdaman. Yung iba naman ay lumilipas na lang ng kusa. Kung hinihinala mo na buntis ka, mas magandang magpatingin na lang sa doktor o gumamit ng pregnancy test upang makapanigurado.