Q: Hello doc.. 14 years old po ako. Ask ko lang may tumutubong parang bilog-bilog sa mukha ko sabi ng mga auntie ko pimples daw yun pero bat ganun di po sya natatanggal meron po akong pimples this year lang nag ka meron 2014. PEronunv nakaraan wala doc ano pano ko to matatangal.
A: Ang pagbibinata o ‘puberty’ ay sadyang panahon ng maraming pagbabago sa katawan, at sa maraming lalaki, kabilang na sa mga pagbabagong ito ang pagkakaron ng pimples o taghiyawat. Dahil ito sa paggawa ng katawan ng sebum, isang uri ng langis, ay nagbabara sa mga loob ng balat at nagiging sangkap para sa isang uri ng bacteria na tinatawag na Propionibacterium acnes na siyang nagiging sanhi ng pimples o acne.
Huwag kamutin ang mukha o kalikutin ang mga pimples. Ang pinakamagandang paraan ay paghuhugas o paghihilamos ng mukha dalawang beses sa isang araw. Hindi kailangang sobrahan ang pagkukuskos dahil baka makasira din ito sa balat.
May mga produktong maaaring mabili sa botika o sa kahit saang tindahan na pangkontra sa pimples. Ang iba din ay mga facial wash, mga cleanser sa mukha, lotion, cream, at iba pa. Ang mga produktong may taglay na salicylic acid o benzoyl peroxide ay maaaring makatulong laban sa acne. Pero hindi lahat ng produkto ay gumagana para sa lahat ng binata. Dahil iba’t iba ang ating balat at katawan, iba’t iba rin ang epekto ng mga produkto. Kaya pwede mong subukan ang mga iba’t ibang klase ng produkto, pero konting ingat lang sa mga produktong hindi kilala o aprubado ng FDA dahil baka may mga sangkap ito na nakaksama sa balat.
Sa karamihan ng lalaki, ang pagdami o pagkakaron ng pimples ay mawawala din pagkalipas ng ilang taon. Para sa ilan naman, ito’y hindi kaagad nawawala. Pero sa ngayon, hindi mo kailangang mag-alala dahil normal nga lang ito na bahagi ng pagbibinata. Kung talagang nakakasagabal sa’yo ang problema, pwede kang magpatingin sa isang dermatologist para mabigyan ka ng iba pang payo at mga gamot para dito.