Q: Magandang araw po doc..gusto ko lng malaman kng ano bagay na pills sakin..halos kasi nagamit ko na pero pare-pareho lang ang epekto, laging nanginginig mga laman ko, nasusuka ako, giniginaw, madaling mapagod, laging sinisingaw..eh nataakot po akong mabuntis ulit.
A: Bagamat ang ilan sa mga sintomas na iyong nabanggit ay ilan din sa mga karaniwang side effects ng oral contraceptive pills o mga pills para hindi mabuntis, hindi ako makakatiyak na yan talaga ang sanhi ng iyong mga nararandaman. Ang tanging paraan para malaman kung talaga bang side effects ito ng mga pills ay kung itigil mo ang paggamit mo nito, subalit naiintindihan ko na sapagkat ayaw mong mabuntis, hindi ito praktikal na gawin para sayo.
Ang payo ko ay magpatingin ka sa isang gynecologist (OB-GYN), upang maresetahan ka ng ibang klase na pills. Bagamat sabi mo marami kang nasubukan na pills, maaaring iba’t ibang tatak nga sila ngunit parepareho naman ang laman, karaniwan, kombinasyon sila ng estrogen at progesterone, dalawang sex hormones ng mga kababaihan. May mga alternatibo dito gaya ng mga pills na tanging progesterone lamang ang laman. Bukod dito, maaari nyo ring pag-usapan ang paggamit ng ibang uri ng family planning gaya ng IUD, mga gamot na tinuturok, at iba pa.
Isa pa, masusuri ng gynecologist ang iyong katawan kung may iba ka bang karamdaman na pwedeng magpaliwanag ng iyong mga sintomas.
Kaya ang payo ko sayo ang magpatingin ka sa OB-GYN upang magabayan ka sa bagay na ito. Kung magpapatingin ka, huwag kalimutang dalhin o alalhanin ang iba’t ibang uri ng pills na ginamit mo noong nakaraan upang magabayan ang iyong doktor.