Appendicitis mula sa pagkilos matapos kumain
Madalas nating naririnig ang paniniwalang maaari daw tayong magkaroon ng appendicitis kung tatakbo, tatalon, maglalaro o anumang pagkilos matapos magpaka-busog sa pagkain. Maaari daw pumasok ang kinain sa appendix na siyang magpapasimula ng impeksyon at appendicitis. Totoo nga ba?
Bago ang lahat, dapat muna nating malaman na ang proseso ng pagtunaw, mula sa pagpasok ng pagkain sa bibig, sa pagdaan nito sa tiyan at mga bituka, hanggang sa umabot ito sa lugar kung nasaan ang appendix, ay tumatagal ng 6 hanggang 8 na oras. Ito’y sapagkat ang pagkain ay nananatili muna sa tiyan ng ilang oras para matunaw, at marahan namang dumadaan sa mga bituka upang masipsip ang sustansya. Kung kaya, ang pagkilos kaagad pagkatapos kumain ay malabong makapagdulot ng appendicitis.
Marahil, ang maaari lamang maging problema kung kikilos kaagad pagkatapos kumain ay ang pananakit ng tiyan dahil sa impatso o hindi natunawan.
Appendicitis mula sa maliliit na buto ng prutas
May isa pang paniniwalang nagsasabi na maaari din magkaroon ng appendicitis kung lulunukin ang maliliit na buto ng mga prutas gaya ng bayabas, pakwan at kamatis. May posibilidad daw kasi na pumasok ang maliliit na butong ito sa appendix na siyang magpapasimula ng appendicitis. Totoo nga ba?
Ayon sa mga pag-aaral, ang pagkakaroon ng appendicitis dahil sa mga maliliit na buto ay posible ngunit sobrang mababa ang posibilidad. Nangyayari lamang ito kung may mahinang pantunaw. Sa ngayon, ang karamihan ng mga kaso ng appendicitis, ang sanhi ay ang pagbabara ng dumadaang tinunaw na pagkain o kaya naman ay tumor na dulot ng kanser. Napakaliit lamang ng porsyento ng mga kaso ng karamdamang ito ay dulot ng pagbabara ng buto, kung kaya hindi pa rin maituturing na dahilan ng pagkakaroon ng appendicitis ang paglunok ng buto.