Ano ang gamot sa nerbyos?

Q: Doc ano po gamot sa nerbiyos? Hirap kasi po ko sa pagdadrive ng sasakyan at kinakabahan ako sa tuwing aalis ako ng bahay.

A: Sa totoo lang, maski mga doktor ay hirap bigyang-kahulugan ang tinatawag nating ‘nerbyos’. Sa isang naunang katanungan, ang ating depinisyon ang ganito: “ito’y maaaring ihambing sa ‘panic attack’, o di kaya sa ‘post-traumatic stress disorder’; ang mga ito ay pawang kategorya ng karamdaman na may kaugnayan sa mga nakakalungkot, nakakatakot, nakakabigla, o nakakatarantang karanasan noong nakaraan.”

May mga gamot na maaaring ibigay ang mga psychiatrist para sa ganitong kondisyon: mga gamot na pampakalma sa isip. Kabilang na dito ay ang diazepam, fluoxetine, at iba pa. Kinakailangan ng espesyal na reseta na tinatawag na S2 para sa mga gamot na ito at maging mga pangkaraniwang doktor ay hindi basta-basta maaaring magreseta ng ganito.

Subalit ang pag-inom ng gamot para dito ay maganda lamang kung hindi gagana ang ibang hakbang upang labanan ang nerbyos. At kabilang na dito ang psychotherapy at behavioral therapy na maaaring gawin kasama na iyong doktor o ibang taong pinagkakatiwalaan mo. Tulad ng nabanggit natin: “Posibleng ang nerbyos ay dahil sa isang ‘stressor’, o isang bagay na sanhi ng ‘stress’ sa iyong buhay. Kung gayon nga, magandang maibahagi mo ang anumang nakakabagabag o nakakasagabal sa iyo sa isang taong iyong pinagkakatiwalaan. Iwasang magpuyat o gumawa ng mga sobrang nakakapagod ng aktibidad. Kumain ng wasto, iwasan ang pag-inom ng alak.”