Bata, bata, paano ka ginawa? Ang pagkabuo ng sanggol mula pagtatalik hanggang pangangak

Kabataan

Sa artikulong ito, nais kong ipaliwanag, para sa pakinabang ng taong bayan, ang kwento ng pagkabuo ng isang sanggol, mula sa pakikipagtalik ng kanyang mga magulang, hanggang sa kanyang pagsilang sa mundong ito. Bagamat ito’y palaging nagaganap sa ating buhay, nakakagulat na marami paring mga maling paniniwala tungkol sa buong prosesong ito.

Hindi layon ng artikulong ito ay pagdebatihan kung kailan ang saktong sandali na naguumpisa ang ‘buhay’ o pagiging ‘ganap na tao’. Ang matitiyak ko lang ay ito’y isang proseso patungo sa pagbuo ng isang sanggol.

UNANG KABANATA: PAGBIBINATA AT PAGDADALAGA

Bago pa man magsama ang babae’t lalaki at kanilang semilya upang makabuo ng isang sanggol, ang proseso ng paglikha ng buhay ay nag-uumpisa na sa mga katawan nila. Habang ang isang babae ay nagdadalaga, may mga pagbabago sa kanyang katawan na naghahanda upang siya’y maaaring magdalang-tao. Kasama na dito ay paglaki ng kanyang mga suso, bilang preparasyon na kung siya’y magkaron ng anak ay maaari siyang magpasuso dito. Buwan-buwan, may mga pagbabagong nagaganap sa bahay-bata (uterus) at obaryo (ovary) ng isang babae upang maghanda sa posibleng pagkabuntis, kabilang na dito isang itlog (egg cell) na inihahanda kung sakaling magkaron ng sperm cell (semilya) na makikipag-ugnay dito. Kung hindi naman mangyari ito, ang ilan sa mga produkto ng paghahandang ito ay inilalabas ng katawan sa pwerta ng babae, at ito ang tinatawag na ‘pagregla’ o monthly period. Ang prosesong ito, sapagkat nangyayari buwan-buwan, ay siyang basihan ng mga natural family planning methods. Ayon sa mga pag-aaral, ang kakayahang makabuntis ng isang lalaki ay nag-uumpisa sa edad 12-14.

Sa mga lalaki naman, may mga pagbabago rin sa pagbibinata na naghahanda sa kanila upang magkaron ng kakayahang makabuntis ng babae. Ang mga itlog sa bayag ay naguumpisang magpalaki at magpadami ng mga sperm cells, na siyang nakikipag-ugnay sa itlog ng babae para magumpisa ang pagbubuntis. May mga bahagi ring ng katawan sa bayag at sa may daluyan ng semilya (vas deferens) na naguumpisang gumawa ng likido na may mga sangkap upang panatilihing may enerhiya ang mga sperm cells na ‘lumangoy’ papunta sa itlog ng babae. Ang likido na ito ay tinatawag na semilya o tamod. Ang pagkakaron ng ‘wet dreams’ o mga pagkakataon kung saan paggising ng isang binata ay basa ang kanyang brief dahil sa paglabas ng semilya, ay indikasyon na nagaganap na ang mga pagbabagong ito. Isa pang pagbabago ay ang paglaki ng ari ng lalaki (Tingnan ang artikulong ito tungkol sa ‘average size’ ng ari ng lalaki). Ayon sa mga pag-aaral, ang kakayahang makabuntis ng isang lalaki ay nag-uumpisa sa edad 13-15.

PANGALWANG KABANATA: PAKIKIPAGTALIK

Ang pakikipagtalik o ‘sexual intercourse’ ay ang paglabas-pasok ng ari ng lalaki sa pwerta ng babae. Dahil nalilibog ang kanilang katawan, may mga pagbabago gaya ng paglabas ng mga likido na nagpapadulas sa pwerta ng babae, at ang pagtigas ng ari ng lalaki. Kapag patuloy ang estadong ito na nalilibog ang lalaki at ang kanyang ari ay gumagalaw o ginagalaw, siya ay lalabasan ng semilya o tamod. Ito ay pwedeng mangyayari sa pagjajakol at ito rin ay nangyayari sa pakikipagtalik. Isang paraan ng family planning ang ‘withdrawal method’ o ang pag-alis ng ari ng lalaki sa ari ng babae upang sa labas ng katawan pumutok ang semilya, subalit hindi ito ganong ka-tiyak na paraan dahil sa totoong buhay ay mahirap i-alis ang ari ng lalaki sa kasabikan ng sandali.

Kung ang ari ng lalaki ay nakapasok sa pwerta ng babae habang siya ay labasan ng semilya o tamod, ang mga sperm cells ay maguumpisa nang maglakbay (at lumangoy) papunta sa mga ‘fallopian tube’ ng babae. Ang paglalakbay na ito ay maaaring abutin ng dalawang araw. Kung sa panahong ito ay nagkataong nakahanda o ‘ready’ ang babae sa pagbubuntis at may itlog na nakahanda (ovulation), pwedeng maabot ng isang sperm cell ang egg cell at magsama sila.

Ang pagsasama ng itlog (egg cell) at sperm cell ay tinatawag na ‘fertilization’ at siyang naguumpisa ng pagbubuntis. Naghahalo ang ‘DNA’ ng babae at ng lalaki upang lumikha ng panibagong DNA na syang magtatakda ng mga katangiang pisikal ng sanggol. Narito sa DNA na ito ang mga mamanahing karakteristiko ng sanggol, ngunit hindi natin tiyak kung paano ito eksaktong nangyayari. Pagkatapos magsama ng egg cell at sperm cell at maging isang ‘zygote’, ang pagsasamahang ito ay parang buto na kapag dumapo sa balat ng bahay-bata o uterus ay magpapaumpisa ng mga proseso ng paglilihi at pagbubuntis.

Bakit nagkakaron ng mga kambal? Narito rin ang sagot sa tanong na ito. Diba sabi natin, ang babae ay naglalabas ng isang egg cell kada buwan. Paminsan, dalawa (o higit pa) na egg cell ang lumalabas, at kapag dalawa dito ay ‘nadapuan’ ng magkaibang sperm cell at pareho din silang makakadapo sa balat ng bahay-bata, maaaring pareho silang magiging sanggol at sila ang tinatawag na fraternal twins o kambal pero hindi magkamukhang-magkamukha. Pwede din naman na ang iisang zygote na mahati para magbuo ng dalawang baby. Dahil sila’y nagmula sa iisang zygote, sila’y magiging magkamukhang-magkamukha o kung tawagin ay identical twins.

PANGATONG KABANATA: PAGLILIHI AT PAGBUBUNTIS

Mabilis ang pagdami ng mga cell ng napakaliit na zygote. Kahit na sobrang liit nito sa umpisa, ito ay magpapaumpisa ng iba’t ibang pagbabago sa katawan ng babae. Una sa lahat, titigil na ang monthly period dahil sa pagbabago ng antas ng progesterone at estrogen, mga sex hormone ng mga babae. Ang mga pagbabago ito ay mararanasan ng babae bilang mga senyales ng pagbubuntis. Basahin sa Kalusugan.PH kung ano-ano ang mga senyales na ito.

Nabubuo ang inunan o placenta sa bahay-bata o uterus. Ang placenta ay responsible sa paghahatid ng nutrtisyon at pangkongkolekta ng dumi sa lumalaking sanggol. Ang umbilical cord (ugat ng pusod o higod) naman ang siyang nagdudugtong sa sanggol at sa placenta.

Sa loob ng 9 na buwan na pagbubuntis, nabubuo ang iba’t ibang bahagi ng katawan ng sanggol. Halimbawa, sa ika-18 haggang 20 na linggo, maaari nang malaman kung babae o lalaki ba ang sanggol sa pamamagitan ng ultrasound. Makikita sa ultrasound ang lag-develop ng iba’t iba pang bahagi ng katawan hanggang sa ito’y handa nang mabuhay sa labas ng bahay-bata.

Sa loob ng pagbubuntis, mahalaga ang check-up sa doktor o sa barangay health centre para matiyak ang kalusugan ng sanggol at ng buntis. Bawat 4 na linggo ang rekomendadong check-up hanggang ika-28 na linggo, tapos bawat dalawang linggo hanggang ika-36 na linggo, at mula sa ika-16 linggo ay linggo-linggo na. Sa mga prenatal check-up na ito, titingnan ang lagay ng sanggol gamit ang physical exam and kung kinakailangan, maaaring magsagawa ng ultrasound.

PANG-APAT NA KABANATA: PANGANGAK

Sa nakatakdang panahon (kalimitan, sa ika-40 na linggo mula sa unang araw ng huling pag-reregla), ipapanganak na ang sanggol. Kapag mas maaga sa 37 na linggo ang panganganak, ang sanggol ay tinatawag na ‘preterm’, at kailangan ng adisyonal na suporta (maaaring mas mahabang panahon sa ospital). Kapag naman nanganak ng higit sa 42 na linggo matapos ang unang araw ng huling pag-regla, ito ay tinatawag na ‘post term’. Upang maiwasan ang pagiging preterm o post-term ng isang sanggol, mahalagang makipag-ugnayan sa inyong doktor.

Kapag malapit ng manganak, may mga mararanasan na senyales. Basahin ang mga ito sa artikulong “Mga senyales na malapit ng manganak” sa Kalusugan.PH..

Sa normal na panganganak sa pwerta (vaginal delivery), nauuna ang ulo ng sanggol at ito’y kusang lumalalabas sa paghilab ng mga muscle ng pwerta at tiyan, kasama ng alalay ng midwife o doktor. Paminsan, una ang paa at ito ang tinatawag na suhi o breech presentation. Kung mahirap ilabas sa pwerta ang bata, halimbawa kung ayaw bumuka ng kwelyo ng matris, kung may ibang kondisyon ang babae, maaaring caesarian section ang gawing paraan ng panganganak. Sa paraang ito, kukunin ang baby mula sa matris sa pamamagitan ng operasyon mula sa tiyan. Kung kaya’t ito ay tinatawag na abdominal delivery.

Pagpapangak, puputulin ang umbilical cord, pupunasan ang baby, sisiguraduhing nakakahinga ito ng maayos. Maaaring i-suction ang bibig at lalamunan para siguraduhing wala itong nalunok o hindi ito nasamid. Pagkatapos, titimbangin at susukatin ang baby. Sa lalong madaling panahon, ito ay ibabalik sa kanyang nanay upang maumpisahan ang breastfeeding at ang kanyang paglaki bilang isang bagong tao sa ating mundo.

Mga senyales na malapit nang manganak

Nais mo bang malaman kung anong iyong mga mararanasan kapag malapit ka nang manganak? Basahin ang artikulong ito at tuklasin ang mga ‘signs of labor’ o senyales na malapit nang manganak.

Isa hanggang apat na linggo bago manganak

Una, mas bababa ang lagay ng baby sa iyong balakang, at parang naka-ungos ang kanyang ulo sa kwelyo ng matris. Kaya pwedeng iba ang lakad mo – parang alimango o gumegewang-gewang – dahil dito. Dahil iniipit nito ang iyong pantog, para kang binabalisawsaw at ihi ng ihi. Pwede ring lumala ang mga senyales ng pagbubuntis gaya ng pananakit sa likod, pagtitibi (maaari ring pagtatae ang maranasan sa punting ito), at pagod.

Kung ineksamin ng doktor ang iyong cervix o kwelyo ng matris, maaari nyang mapuna na bumubuka na ito. Ang paglabas ng ‘mucus plug’ na parang mens o buo-buo sa puerta ay isang ring senyales na ilang araw na lamang at manganganak ka na.

Ilang araw o oras na lamang bago manganak

Kapag malapit na malapit na talaga ang pangangak, tuloy-tuloy at palakas ng palakas ang regular na paghilab ng tiyan. Kapag pumutok na ang tinatawag na ‘bag of waters’ o tubig na nasa bahay-bata, ibig-sabihin nito na malapit na malapit na talaga ang panganganak – at magpunta ka na sa ospital o lying-in clinic!

MAGBASA PA: MGA SENYALES NG PAGBUBUNTIS AT PANGANGAK
Mga senyales ng una hanggang ikatlong buwan ng pagbubuntis
Mga senyales ng ika-apat hanggang ika-anim buwan ng pagbubuntis
Mga senyales ng ika-pito hanggang ika-siyam na buwan ng pagbubuntis
Mga senyales na malapit nang manganak