Matagal nang hindi nakaka-amoy

Q: doc, matagal na po hindi nakakaamoy…tapos yung sipon ko taon na po ang binilang…wala kasi po akong pera pam pakonsulta..

A: Ang kawalan o kabawasan sa pang-amoy ay isang medikal na kondisyon na kung tawagin ay ‘anosmia’. Maraming posibleng sanhi ang anosmia o kawalan ng pang-amoy, kabilang na dito ang ‘congestion’ o pagbabara sa ilong na siya namang maaaring dulot ng isang ‘polyp’ o laman na naka-usli. Posible rin na kung ikaw ay nagtatrabaho sa isang pabrika ng mga kemikal gaya ng pesticide ay maka-apekto din ito sa iyong pang-amoy. Isa paring posibilidad ay ang pagkabawas ng pang-amoy na dulot ng regular na pag-inom ng ilang mga klase ng gamot.

Ang pang-amoy ay may relasyon sa panlasa ng isang tao. Kung ito ay higit na sa isang taon, maaaring may bara sa ilong na siya ring sanhi ng sipon. Kung ganito ang kaso, hindi basta basta mawawala ang kondisyong ito, maliban na lang kung matanggal ang bara, gaya ng polyp, sa pamamagitan ng operasyon. Naiitindihan ko na wala kang perang magpakonsulta pero pwede mong subukang magpatingin sa mga pampublikong ospital gaya ng PGH kung saan libre ang konsulta upang masuri ang iyong kalalagayan.

Kakaibang naaamoy na walang pinanggagalingan

Q: Magandang hapon sa iyo doc.. meron po kasi akong napasin sa aking pang amoy, meron pong hindi maganda, mabaho, malangsa at hindi maintindihan. Nanggagaling po sa ilong ko pero nandun p rin siya. minsan nawawala pero bumabalik din pagkaraan ng ilang oras

A: Kung tama ang aking pagkakaintindi sa iyong tanong, ang iyong nabanggit sa akin ay isang hindi-pangkaraniwang sintomas na kung tawagin ay “phantosmia”, isang kondisyon kung saan ang isang tao ay nakakaamoy ng iba’t uri ng mga amoy na wala namang pinanggagalingan.

May ilang mga posibleng dahilan kung bakit ito nangyayari. Una, maaaring ito’y resulta ng isang impeksyon. Pangalwa, maaari ring ito’y isang uri di-karaniwang aktibidades sa utak na parang “seizures”. Pwede ring ito’y dahil sa ‘migraine’ na isang uri ng sakit sa ulo.

Sa dami ng posibilidad, mas maganda kung ipatingin mo ang iyong sintomas sa isang neurologist o kahit sinong doktor upang masuri ng mabuti. Mahalagang maikwento mo kung mayroon pang ibang mga sintomas na nararamdaman. Bagamat may mga sanhi nito na baliwala lamang, may mga sanhi rin na seryoso, kaya’t ito’y ipatingin sa lalong mabilis na panahon.