Pamumula ng Mata – Sore Eyes na Kaya?

Maraming dahilan ang pamumula ng mata. Nandyan ang puyat, allergy, stress, panunuyo ng mata, pagkapuwing, kemikal, droga, glaucoma, o impeksyon. Kapag may pamumula ng mata, huwag kaagad mataranta o magpatak ng kung ano-ano sa mata.

Conjuctivitis ang medical na tawag sa sore eyes. Minsan, tinatawag rin itong “pink eyes” dahil sa kulay nito. Sa ating bansa, ang mas kilalang tawag na sore eyes ay kalimitang kumakalat tuwing tag init o bakasyon.

Gaya ng nabanggit, maraming dahilan ang pamumula ng mata. Una, tanungin sa sarili: nakusot o nakamot ba ang mata? Nagpuyat ba ng ilang gabi? Ikalawa, isipin kung napuwing, natamaan, o may kemikal gaya ng sabon, shampoo, o make-up na tumama sa mata. Ikatlo: mayroon bang kakilala na may pamumula rin ng mata?

Ang pamumula ng mata mula sa pagkamot at pagkapuwing ay kalimitang pansamantala lamang. Maari itong tumagal ng ilang oras o isa hanggang dalawang araw. Halos wala itong kaakibat na sintomas maliban na lamang sa puwing na kalimitang may pagluluha. Kung minsan, sa sobrang stress o puyat, lalo na kung madalas nakaharap sa computer o telebisyon, may maliliit na ugat sa mata na pumuputok. Ito ang nagiging sanhi ng pamumula. Ang karaniwang sore eyes na alam natin ay ang nakakahawang klase.

Pamumula ng mata at iba pa

Kapag ang sintomas na kasama sa pamumula ng mata ay ang pangangati, klarong pagluluha ng mga mata, sipon, at ubo, na pabalikbalik at kalimitang umaatake kapag magabok o tuwing namumulaklak ang mga halaman, maaaring allergy ang dahilan.

Kung may kasamang paghapdi, pangangati, klarong pagluluha o pagmumutang kulay berde-dilaw, sensitibo sa ilaw, at pamamaga, maaaring sore eyes itong nakakahawa.

Ang kalimitang sanhi ng nakakahawang sore eyes ay virus. Tinatawag itong viral conjunctivitis. Tumatagal ito ng mga ilang araw hanggang isang lingo. Mabilis itong makapanghawa kung kaya pinapayong huwag kusutin ang matang apektado at ugaliing maghughas ng kamay gamit ang tubig at sabon tuwing may pagkakataon.

Ang isang uri ng sore eyes ay tinatawag naman bacterial conjunctivitis. Halos magkasingtulad rin sila ng sintomas ng viral conjunctivitis ngunit mapapansing may nana o paninilaw na muta kung may bacterial conjunctivitis. Kalimitan sa mga may ganitong impeksyon ay nakakaramdam din ng parang pagkapuwing at matinding pananakit ng mata. Sa ganitong pagkakataon, kailangang komunsulta kaagad sa isang doktor na dalubhasa sa mata o ophthalmologist. Nakukuha ba ito sa titig?

May sabi-sabi na ang sore eyes ay makukuha sa pamamagitan ng pagtitig sa isang taong may sore eyes. Wala itong katotohanan. Ang viral o bacterial conjunctivitis ay parehong nakakahawa kung may direktang kontak sa katas, muta, bahid mula sa apektadong mata. Halimabawa, ang kamay o panyo na ginamit ng isang taong may sore eyes ay maaring maihawak sa bukasan ng pinto (door-knob). Kung may ibang hahawak rin ng bukasan ng pinto at magkataong ikusot nya ang ipinanghawak na kamay sa mata, maaring mahawa rin siya. Kaya isa sa maipapayo kontra sa sore eyes ay ang pagiwas sa paghawak o pagkusot ng mata. Pinaka importante rin ang maayos na paghuhugas ng kamay.

Ano ang dapat gawin kapag may pamumula ang mata?

Kung ikaw ay nagsusuot ng contact lens, iwasan muna ang paglagay nito sa mata kung may sore eyes. Gamitin muna ang salaaming may grado habang hindi pa gumagaling ang mga mata. Dapat bang patakan kaagad ng gamot o ano mang eye drop preparation ang mata? Magdahan dahan muna. Sabi ng ilang nakatatanda, patakan daw ng gatas ng ina ang matang namumula, ngunit ito ay hindi ipinapayo ng mga doktor. Maari kasing mas makadagdag ito sa impeksyon. Ang mga nabibili namang antibiotiko na pinapatak sa mata o ang mga over-the-counter (OTC) eye preparation ay hindi rin kaagad rekomendado. Bakit? Dahil importanteng malaman muna ang dahilan ng pamumula. Ang pamumula ng mata dahil sa allergy o sa puyat ay maaring matugunan ng mga  OTC eye drops. Siguraduhin lamang na walang steroids o antibiotiko ang nasabing pampatak sa mata dahil baka mas lalo itong makasama. Kung ito naman ay viral conjunctivitis, kusa itong gagaling matapos ang ilang araw o lingo. Hindi nangangailangan ng antibiotikong pinapatak sa mata dahil hindi naman tumatalab ang antibiotiko sa virus. Kung sakali mang may kasamang dilaw na pagmumuta at malaki ang suspetsang maaring sanhi ito ng bacteria, huwag mag atubiling magpakonsulta. Maaring kailangang suriin ng espesyal na kagamitan ang inyong mata. May ilang bacteria o mikrobyo kasing mabilis makasira ng mata lalo na pag kumalat ang impeksyon. Ang ganitong klase ng sore eyes ay nangangailangan na ng antibiotikong gamutan. Tanging doktor lamang ang makapagsasabi ano nga ba ang nararapat na gamot. Huwag mag eksperimento.

Isang espesyal na paalala: May sakit sa mata na tinatawag na glaucoma. Ito rin ay maaring magpresinta ng sintomas gaya ng pamumula ng mata. Kung hindi tiyak sa dahilan ng pamumula ng mata, komonsulta kaagad sa inyong doktor.