Pamamanhid at pagsakit ng talampakan

Q: Doc, ano bang uri ng sakit na laging sumasakit ang talampakan lalo na pag bagong gising at medyo namamanhid?

A: Ang pamamanhid at pagsakit ng talampakan (numbness ang pain in the big toe) ay mga sintomas na maraming posibleng sanhi. Isa sa pangkaraniwan ang ‘gout’. Ito ay kilala bilang “mataas ang uric acid” sapagkat totoo nga na ang puno’t dulo ng kondisyon na ito ay ang mataas na antas ng ‘uric acid’ sa dugo. Kilala ang gout na maging malala sa umaga pagkagising. Sa umpisa ang pakiramdam ay maaaring parang pamamanhid tapos habang lumalala ang kondisyong ito ay mas ramdam ang pagkirot at pananakit. Ito’y pinakakaraniwan din sa talampakan, ngunit maaari ring maramdaman sa ibang kasukasuan o joint. May kamag-anak ka ba na may gout or mataas ang uric acid? Kung oo, posibleng ito ay nakakasagabal sa’yo. Tingnan ang artikulo sa Kalusugan.PH tungkol sa uric acid para sa iba pang kaalaman.

Isa pang posibilidad ay ang tinatawag na ‘bunion’, kung saan may problema sa korte ng buto sa iyong talampakan. Mahilig ka bang magsuot ng mga sapatos na masikit sa dulo? Kung oo maaaring ito ang dahilan.

Kung ikaw ay may diabetes o mataas ang blood sugar, o kung may mga kamag-anak ka na may diabetes, isa ring posibilidad na dahil sa diabetes ang pamamanhid ng iyong talampakan. Tingnan ang artikulo sa Kalusugan.PH tungkol sa blood sugar para sa iba pang kaalaman.

May mga iba paring posibilidad gaya ng ‘peripheral artery disease’, ‘sciatica’, at iba pa; tanging ang doktor na aktwal na na-examine ka lamang ang makakapagbigay ng diagnosis. Alin man sa mga ito ay iyong karamdaman, magandang magpatingin ka sa doktor upang ma-examine ang iyong paa at magawan ka ng mga laboratory tests na magsusuri ng dugo mo kung mataas ba ang uric acid o blood sugar.