Mga Paniniwala sa Pagkakaroon ng appendicitis

Appendicitis mula sa pagkilos matapos kumain

Madalas nating naririnig ang paniniwalang maaari daw tayong magkaroon ng appendicitis kung tatakbo, tatalon, maglalaro o anumang pagkilos matapos magpaka-busog sa pagkain. Maaari daw pumasok ang kinain sa appendix na siyang magpapasimula ng impeksyon at appendicitis. Totoo nga ba?

Bago ang lahat, dapat muna nating malaman na ang proseso ng pagtunaw, mula sa pagpasok ng pagkain sa bibig, sa pagdaan nito sa tiyan at mga bituka, hanggang sa umabot ito sa lugar kung nasaan ang appendix, ay tumatagal ng 6 hanggang 8 na oras. Ito’y sapagkat ang pagkain ay nananatili muna sa tiyan ng ilang oras para matunaw, at marahan namang dumadaan sa mga bituka upang masipsip ang sustansya. Kung kaya, ang pagkilos kaagad pagkatapos kumain ay malabong makapagdulot ng appendicitis.

Marahil, ang maaari lamang maging problema kung kikilos kaagad pagkatapos kumain ay ang pananakit ng tiyan dahil sa impatso o hindi natunawan.

Appendicitis mula sa maliliit na buto ng prutas

May isa pang paniniwalang nagsasabi na maaari din magkaroon ng appendicitis kung lulunukin ang maliliit na buto ng mga prutas gaya ng bayabas, pakwan at kamatis. May posibilidad daw kasi na pumasok ang maliliit na butong ito sa appendix na siyang magpapasimula ng appendicitis. Totoo nga ba?

Ayon sa mga pag-aaral, ang pagkakaroon ng appendicitis dahil sa mga maliliit na buto ay posible ngunit sobrang mababa ang posibilidad. Nangyayari lamang ito kung may mahinang pantunaw. Sa ngayon, ang karamihan ng mga kaso ng appendicitis, ang sanhi ay ang pagbabara ng dumadaang tinunaw na pagkain o kaya naman ay tumor na dulot ng kanser. Napakaliit lamang ng porsyento ng mga kaso ng karamdamang ito ay dulot ng pagbabara ng buto, kung kaya hindi pa rin maituturing na dahilan ng pagkakaroon ng appendicitis ang paglunok ng buto.

 

Ano ang gamot sa pasmadong kamay at paa?

Q: Ano po ang gamot sa pasmadong kamay at paa?

A: Ang pasma ay isang sakit na walang eksaktong kahulugan sa kaalamang medikal, subalit ito’y maaaring kaugnay sa mga tinatawag na ‘occupational problems’ o mga karamdamang konektado sa trabaho. Narito ang ilang mga payo na pwedeng makatulong na maibsan ang sakit na dala ng pasma:

Pang-sandaliang gamot sa pasma

1. Ipahinga ang apektadong bahagi ng katawan. Kapag nasosobrahan, pwedeng sumakit ang mga kamay at paa lalo na kung magdamag mo itong ginamit.

2. Kung ito ay paga, pwedeng lagyan ng ‘hot compress’ upang maibsan ang sakit.

3. Marahang hilutin ang apektadong bahagi. Pwedeng gumamit ng ‘massage oil’, ‘lana’, o iba pang pwedeng ipanghilot.

4. Uminom ng pain reliver gaya ng Ibuprofen pero huwag masanay sa paggamit ng mga ganito.

Pang-matagalang gamot sa pasma:

1. Huwag pwerashin ang mga kamay at paa. Kung maaari, magpahinga kahit sandali lang bago ituloy ang gawain.

2. Isiping mabuti ang tamang galaw. Halimbawa, kung ikaw ay labandera, mas maganda kung binabago mo rin yung direksyon ng pagkuskos pati mga muscle na ginagamit mo upang ‘masalo’ ng ibang bahagi ng kamay at paa ang trabaho.

3. Magpatingin sa doktor, physical therapist, o occupational therapist. Ipaliwanag sa kanila ang iyong mga ginagawa sa pang-araw-araw na buhay at ipakita ang apektadong bahagi ng katawan upang magkaron sila ng edeya kung anong pwedeng gawin lunas sa iyong nararamdaman.

Masama bang mahanginan ang may tigdas hangin?

Q: Masama bang mahanginan ang may tigdas o tigdas hangin?

A: Ang masamang epekto ng ‘hangin’ o ‘nahanginan’ sa katawan ng tao ay isang paniniwala na karaniwan sa ating kultura. Sa kaalamang medikal, walang malakas na ebidensya na nag-uugnay sa pagkakasakit at ‘hangin’ subalit may katotohanan rin naman na kung ang isang tao ay may sakit, magandang iwasan ang anumang matinding init, hangin, lamig, o pagkabasa. Ngunit kung ang pinag-uusapan natin ay hangin na nagmumula sa electric fan, o air-con, wala namang masama dito. Sa katunayan, sino mang may sakit – tigdas, tigdas-hangin, o sinoman – ay dapat maging komportable at maaliwalas ang pakiramdam.

Basahin ang artikulong “Tigdas Hangin” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman.

Bawal bang mabasa ang may bulutong?

Q: Bawal bang mabasa ang bulutong? maaari ba itong dumami kapag nabasa?

A: Ang bulutong o chicken pox (varicella zoster) ay hatid ng isang virus, at ito’y nawawala ng kusa. Hindi nakaka-apekto ang pagkabasa sa sakit na ito.

Ang paksa na ito ay isang karaniwang tanong. Para sa karagdagang kaalaman, basahin ang artikulong “Pwede bang maligo ang may bulutong o tigdas-hangin?” sa Kalusugan.PH.