Pagtatae (Diarrhea): Pangkaraniwang Sakit ng mga Bata

Walang bata na hindi dadaan sa pagtatae. Hindi pa gaanong ka-mature ay tiyan, kaya madali itong mairita, kahit sa maliit na pagbabago sa pagkain, o kaya naman kung may nalunok na mga bacteria o virus. Ang magandang balita ay “self-limiting” o kusang nawawala ang halos lahat ng pagtatae. Ngunit kung hindi maagapan, maaring magdulot sa dehydration o kawalan ng tubig sa katawan. Angdehydration ay maaring makasira sa mga mahalagang bahagi na katawan, at maaring ikamatay ng bata lalo na ng mga baby.

Obvious naman na pagtatae ang pinakamahalagang sintomas; pero maari rin itong samahan ng pagsusuka, pagsakit ng tiyan, lagnat, panghihina. Maaring mapansin na ang balat ay parang tuyo, mukhang maputla, at pag malala na, mapapansin din na parang nakalubog ang mga mata at tuyo ang lalamunan. Ito ay senyales na grabe na ang dami ng tubig na nawala sa katawan.

Kapag ang bata ay nagtatae, ang pinakamahalagang gawin ay palitan ang anumang tubig na nawala. Kung gaanong karami ang nawala, ganoon din dapat na bumalik sa katawan. Dapat din nating malaman na bukod sa tubig, may mga elemento na nawawala sa katawan habang nagtatae, kaya mahalaga ring mapalitan itong mga elementong ito. Ang “Oral Rehydration Salts” o “ORS” gaya ngOresol ay may taglay na tubig at mga elementong kailangan ng katawan kaya mas kumpleto sila kaysa tubig lamang.

Bagamat karamihan ng pagtatae ay kusang nawawala at kailangan lamang mapalitan ang tubig atelectrolytes na nawawala, may mga pagtatae rin na nakakabahala. Kabilang dito ay ang mga sumusunod:

  1. tuloy-tuloy na pagtatae
  2. tae na maitim
  3. pagtatae na may dugo
  4. pagtatae na may mataas na lagnat
  5. pagtatae na may iba pang pagbabago sa katawan gaya ng pag-iiba ng kulay

Ang mga ito ay nangangailangan ng konsultasyon sa doktor sa lalong madaling panahon.