Biglang paglaki ng tiyan: Anong gagawin?

Q: Bakit po bigla lumaki ang tiyan at puson ko?ano po ang maaari kong gawin?

A: Ang paglaki ng tiyan (abdominal enlargement) ay maraming posibleng sanhi, mula sa mga karamdaman ng gastrointestinal system (tiyan at bituka) at sa mga karamdaman sa reproductive system (matris, pwerta, atbp.), at maging epekto ng karamdaman sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Narito ang ilang sa mga karaniwan:

1. Pagkabuntis. Kung ikaw ay isang babae na dinadatnan ng monthly period at nakikipagtalik sa nakaraang mga buwan, ito ay dapat nasa unahan ng mga konsiderasyon. Nakakaramdam ka ba ng mga sintomas ng pagbubuntis? Kung oo, bakit hindi ka magpapa-pregnancy test para ito’y masiguro.

2. Iristasyon sa tiyan at bituka (Irritable Bowel Syndrome), na may sintomas rin ng pagkirot sa tiyan, parang ‘bundat’ ang tiyan, pagtatae, pagtitibi, at iba pa.

3. Mga bukol sa tiyan o matris, kasama na dito ang myoma sa matris at iba pa. Ang mga ito ay karaniwang dahan-dahan ang paglaki pero pwede ring hindi kaagad mapansin.

4. Tubig sa tiyan (ascites) na siya namang dala ng sakit sa atay, bato, o puso. May mga karamdaman kaba sa mga ito?

5. Ang paglaki ng tiyan dahil sa pagdami ng taba sa bandang tiyan at puson, dala ng pagbabago sa pagkain o bilang side effect ng ilang mga gamot, ay isa ring posibilidad.

6. Bukod sa mga ito, marami paring ibang dahilan ang biglaang paglaki ng tiyan.

Upang matiyak kung alin sa mga ito ay siyang sanhi, magpatingin sa iyong doktor upang matuklasan kung ano ang iyong ‘diagnosis’. Tatanungin ka ng mga tanong gaya ng ‘Kailan mo ito unang napansin?’ at ‘Ano pang ibang sintomas na iyong nararamdaman?’.