Anong mga pagkain ang dapat sa mga may diabetes?

Q: Doc may diabetis kasi ang mommy ko, na hospital siya last August,tanong ko lang po ano ba ang mga pagkain n dapat at hindi dapat niya kainin at anung supplement ang kailangan niyang inumin para ma control or ma maintain ang kanya normal blood sugar. Kasi po hangang ngaun ng take parin siya ng insulin. maraming Salamat po. I am willing to wait for your response.

Kumain ng ayon sa Glycemic Index

A: Para sa mga may diabetes, ang mahalagang konsepto sa pagkain ay ang Glycemic Index, isang paraan upang sukatin ang abilidad ng mga pagkain na pataasin ang asukal sa dugo (blood sugar). May mga inihanda akong artikulo sa Kalusugan.PH na nagtatala ng mga karaniwang pagkain na mababa ang glycemic index (at dahil dito’y makakatulong sa mga may diabetes), at ang mga pagkain na mataas ang glycemic index at dapat iwasan o bawasan ng mga may diabetes. Ang mga artikulo ay narito:

Mga pagkain na mababa ang Glycemic Index

Mga pagkain na mataas sa Glycemic Index

Mga mahalagang prinsipyo ng pagkain

Para sa mga may diabetes, mahalaga na ang pagkain ay sapat lamang sa pangangailangan. Huwag kumain ng madami; kahit ang mga masusutansyang pagkain, kung napasobra, ay nakakasama. Damihan ang prutas at gulay, bawasan ang mga matataba at malalangis na pagkain; piliin ang bahagi ng karne na hindi mataba, at huwag kalimutang isama ang isda.

I-monitor ang asukal a dugo o blood sugar

Okay ba ang pagkain mo? Upang masubaybayan kung maayos ba ang pagkain, magandang magkaroon ng glucose monitor sa bahay, na nagsusukat ng antas ng asukal sa dugo sa pamamagitan ng isang maliit o portable na kagamitan. Tanungin ang iyong doktor kung paano ito gamitin at saan nakakabili ng ganito.

Ampalaya: Natural na pampababa ng asukal

Marami nang pag-aaral ang nagpapatunay na ang ampalaya (bitter gourd; Momordica charantia) ay may kakayahang magpababa ng blood sugar, at makatulong sa mga taong may diabetes. Subalit ito ay ‘supplementary’ lamang; ibig-sabihin, tulong lamang at hindi pwedeng humalili sa gamutan na inireseta ng doktor. Epektibo ba ang mga tableta ng ampalaya na inaalok sa mga botika? Wala ring patunay ang mga ito. Sa ngayon, ay ating masasabi lamang ay malaki ang posibilidad na may benepisyo ang ampalaya bilang bahagi ng pang-araw-araw na pagkain sa mga taong may diabetes. Kaya para sa mga tagapag-luto sa mga may diabetes, maghain kayo ng ampalaya – anumang luto – sa inyong mga ‘pasyente’.

Iwasan o bawasan ng may diabetes: Pagkaing mataas ang glycemic index

Ang glycemic index (GI) ay isang paraan upang sukatin ang abilidad ng isang pagkain na pataasin ang antas ng asukal sa dugo (blood sugar) pagkatapos kumain. Sapagkat ang ugat ng diabetes ay mataas na asukal sa dugo at ang kawalan ng kakayanan ng katawan na kontrolahin ito, rekomendado para sa mga may diabetes ang pagkain ng mga pagkain na mababa ang glycemic index.

Ang glycemic index ay binubuo ng mga numero mula 0 hanggang 100. Itinuturing na mababa ang glycemic index ng isang pagkain kung ang grado nito ay mababa sa 55. Itinuturing naman na mataas ang glycemic index ng isang pagkain kung ang grado nito ay mataas sa 70.

Heto ang listahan ng mga karaniwang pagkain na MATAAS ang glycemic index, at dahil dito, dapat iwasan o bawasan ng mga taong may diabetes. Subalit, tandaan na hindi lamang glycemic index ang konsiderasyon sa pagpili ng pagkain. Depende sa inyong kondisyon, dapat iwasan din ang mga pagkain na mataas ang kolesterol, uric acid, at iba pa. Isa pa, kahit anong pagkain, kung nasobrahan, ay nakakasama sa kalusugan. Ang payo ko nga sa mga pasyente ko ay hindi pag-iwas, kundi pag-bawas sa kanilang mga paboritong pagkain.

Tingnan din ang Listahan ng mga pagkain na mababa ang glycemic index.

Mga pagkain na mataas ang glycemic index

    Kanin (plain rice)
  • Cornflakes, rice krispies
  • White bread (ordinarying tinapay)
  • Mga kakanin, cake
  • Maple syrup
  • Pakwan
  • Anumang pagkain na ‘baked’ gaya ng mga tinapay, cake, pie, etc. ay maaaring mataas din ang glycemic index, depende sa mga sangkap na ginamit.
  • Bakit ang mga karne at isda ay hindi kasama dito?

    Ang glycemic index ay sukat ng asukal sa mga pagkain na nagbibigay ng ‘carbohydrates’. Ang mga karne, isda, at iba pa ay pinagmumulan ng protina, hindi ng carbohydrates, kaya hindi sila masusukat ng glycemic index. Subalit ang prinsipyo ng pagkain ng sapat lamang na karne, ang pag-iwas sa mga taba at sobrang pagkain, ay dapat isakatuparan.

    Para sa may diabetes: Mga pagkain na mababa ang glycemic index

    Ang glycemic index (GI) ay isang paraan upang sukatin ang abilidad ng isang pagkain na pataasin ang antas ng asukal sa dugo (blood sugar) pagkatapos kumain. Sapagkat ang ugat ng diabetes ay mataas na asukal sa dugo at ang kawalan ng kakayanan ng katawan na kontrolahin ito, rekomendado para sa mga may diabetes ang pagkain ng mga pagkain na mababa ang glycemic index.

    Ang glycemic index ay binubuo ng mga numero mula 0 hanggang 100. Itinuturing na mababa ang glycemic index ng isang pagkain kung ang grado nito ay mababa sa 55. Itinuturing naman na mataas ang glycemic index ng isang pagkain kung ang grado nito ay mataas sa 70.

    Heto ang listahan ng mga karaniwang pagkain na mababa ang glycemic index, ang rekomendado sa mga taong may diabetes. Subalit, tandaan na hindi lamang glycemic index ang konsiderasyon sa pagpili ng pagkain. Depende sa inyong kondisyon, dapat iwasan din ang mga pagkain na mataas ang kolesterol, uric acid, at iba pa. Isa pa, kahit anong pagkain, kung nasobrahan, ay nakakasama sa kalusugan.

    Mga pagkain na mababa ang glycemic index

    • Brown rice (ang regular na kanin ay MATAAS ang GI)
    • Pasta (spaghetti, ravioli, etc.)
    • Gatas
    • Yoghurt
    • Kamoteng kahoy
    • Nilagang gabe/ube
    • ‘Oats’ na pang-umagahan; ‘Muesli’
    • Mani

    Mga prutas na mababa ang glycemic index

    • Buko
    • Ubas (grapes)
    • Mansanas (apple)
    • Orange
    • Dalandan
    • Suha
    • Hilaw na mangga

    Mga gulay na mababa ang glycemic index

    • Mga ‘beans’ gaya ng sitaw, bataw, patani
    • kamatis
    • Repolyo (cabbage)
    • Lettuce
    • Red pepper (sili)
    • Bawang
    • Sibuyas
    • Talong
    • Carrots

    Bakit ang mga karne at isda ay hindi kasama dito?

    Ang glycemic index ay sukat ng asukal sa mga pagkain na nagbibigay ng ‘carbohydrates’. Ang mga karne, isda, at iba pa ay pinagmumulan ng protina, hindi ng carbohydrates, kaya hindi sila masusukat ng glycemic index. Subalit ang prinsipyo ng pagkain ng sapat lamang na karne, ang pag-iwas sa mga taba at sobrang pagkain, ay dapat isakatuparan.

    Bawal ba ang gatas sa mataas ang uric acid?

    Q: bawal ba ang gatas sa mataas ang uric acid?

    A: Hindi bawal ang gatas sa mga taong mataas ang uric acid. Kabaliktaran nga eh. May mag pag-aaral na nagsasabi na may benepisyo ang gatas sa mga taong may gout o mataas ang uric acid.

    Tingnan ang listahan ng mga pagkain ng mataas sa uric acid upang matuto pa tungkol sa paksang ito.