Ang konsepto ng paglilihi, gaya ng pasma at usog, na bahagi na ng kulturang Pinoy, ay mga paniniwalang mahirap mabigyan ng katumbas sa kanluraning kaisipan. Sinasabi dito na ang nagdadalantao daw, sa unang bahagi (First Trimester) ng kanyang pagbubuntis, ay makararanas ng ilang pagnanais o cravings sa mga pagkain. Maaring ito ay mga prutas o pagkain na hindi karaniwang nakikita, gaya ng kambal na saging at binabaeng talangka. Sa ibang kaso naman, ang nagdadalantao raw ay magkakaroon ng hilig sa isang bagay na dati rati’y hindi naman pinapansin. Halimbawa, ang nagdadalantao ay biglang gumigising sa madaling-araw upang kumain. Kaakibat din daw ng konseptong ito ang pagiging moody, sumpungin, o mainitin na ulo ng mga nagdadalantao. At kung hindi naman maibigay ang kagustuhan ng naglilihi, maari daw maapektohan ang sanggol sa sinapupunan. Bukod pa rito, ang paglilihi din daw ay maaring makita sa anyo ng bagong silang na sanggol. Kung ang sanggol daw ay maputi, sinasabing pinaglihi ito sa singkamas; kung maitim, pinaglihi naman sa duhat; kung ang sanggol ay balbon, maaaring pinaglihi naman sa balot.
Ngunit ang konseptong ito ba ay may sapat na basehan? Tunay nga bang may kaugnayan ang kagustuhan sa isang partikular na pagkain sa magiging anyo ng sanggol? Sa ngayon, walang sapat na pag-aaral ang makapagpapatibay sa paniniwalang ito. Walang siyentipikong basehan ang makapag-uugnay sa maputing sanggol at sa pagkahilig ng ina sa singkamas, gayundin ang koneksyong ng maitim na sanggol sa bungang duhat. Gayunpaman, may ilang alagad ng medisina ang nagsasabing ito raw ay maaaring konektado sa pagbabagong hormonal (hormonal changes) na dulot ng pagbubuntis, bagaman ito ay hindi sapat na basehan para iugnay ang kaanyuan ng sanggol sa pinaglilihian.
Mayroon ding makabagong pag-aaral, ang epigenetics, na nagsasabing ang ilang kaganapan sa kapaligiran ay maaaring makaapekto sa kahihinatnan ng bata. Tinutukoy sa epigenetics ang mga posibleng kaugnayan ng pangyayari sa kapaligiran at ng sanggol, halimbawa, kung ang ina ay madalas makaranas ng kapaguran o stress habang siya ay nagbubuntis, ang sanggol na isisilang ay maaaring magkaroon ng ilang sakit gaya ng hypertension at diabetes. Maging ang pagkain na hinahanap-hanap ng nagdadalantao na maaari din daw makaapekto sa sanggol ay tinutukoy din sa pag-aaral na ito.
Sa konseptong antropolohikal naman, maiuugnay din daw ang paglilihi sa relasyon ng mag-asawa. Ang isang babae na kadalasang submissive o sunud-sunuran sa kaniyang asawa, sa pagkakataong siya ay nagdadalantao, ay nagiging baliktad. Ang lalaki ang siyang nagiging sunud-sunuran sa kanyang asawa sa panahong siya ay nagbubuntis at nagkakaroon ng paglilihi. Marahil daw, ang paglilihi, na naging bahagi na ng kultura, ang ginagamit na dahilan ng ilang kababaihan upang mapasunod ang kanilang asawa.
Sa huli, dahil nga magpasahanggang ngayon ay wala pa ring matibay na pag-aaral ang makasasagot kung totoo nga ba o hindi ang konsepto ng paglilihi, itintuturing ito ng mga alagad ng medisina na pawang paniniwala lamang.