Mga Kaalaman tungkol sa Transplantasyon ng Organ

Ano ang transplantasyon ng organ?

Ang transplantasyon ng organ ay isang pamamaraang medikal na tumutukoy sa paglilipat ng malusog na organ mula sa katawan ng isang tao patungo sa katawan ng isa pang tao. Ito ay isinasagawa upang mapalitan ng malusog at gumaganang organ ang pumapalya nang organ ng katawan. Alalahanin na ang transplantasyon ng organ ay isang kritikal na hakbang sapagkat kakailanganing sumailalim sa isang major na operasyon, at hindi rin sa lahat ng pagkakataon at nagtatagumpay ang transplantasyon.

Kanino isinasagawa ang transplantasyon?

Ang pagsasagawa ng transplantasyon ay isang mahusay na pamamaraang medikal na makaliligtas buhay ng mga pasyenteng nasa kritikal na sitwasyon, ngunit hindi lahat ng pasyente na nangangailangan nito ay maaaring bigyan na lang basta-basta ng isang bago at malusog na organ sapagkat mayroong mga konsiderasyon na isinasaalang-alang sa paglilipat ng organ. Unang-una, bawal maglipat ng organ sa taong mayroong impeksyon, sakit na mahirap makontrol, problema sa mga gamot at pag-inom ng alkohol, at iba pang seryosong karamdaman.

Ang pasyente na makakapasa sa mga konsidersyong ito ay matuturing na “good candidate” at saka pa lang maaaring isama sa listahan ng mga maaaring tumanggap.

Kanino nagmumula ang malusog na organ?

Ang mga taong pinagmumulan ng malusog na organ ay kilala bilang mga “organ donor” at sila ay maaaring buhay o patay na. Gaya sa pagtanggap ng malusog na organ, mayroon ding pamantayan at mga konsiderasyon sa pagbibigay ng organ. Unang-una, dapat ay may pahintulot mismo ng taong pagmumulan ng organ ang pagbibigay ng kanyang organ. At pangalawa, dapat ay walang sakit o anumang impeksyon sa katawan ang pasyente. Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagbebenta ng mga laman at bahagi ng katawan para sa transplantasyon, ito ay dapat ibinibigay ng kusang loob. Wala ring pinipiling edad ang pagiging organ donor.

Anu-ano ang mga organ na maaaring i-transplant?

Ang mga bahagi ng katawan na maaarig ilipat ay ang puso, baga, atay, bato, bituka, at lapay. Bukod sa mga ito, maaari rin maglipat ng bahagi ng mga laman ng katawan gaya ng buto, balat, ugat-daluyan ng dugo, at cornea ng mata.

Paano isinasagawa ang transplantasyon?

Bago isagawa ang transplantasyon,may ilang bagay muna na isinasaalang-alang. Unang-una, inilalagay muna ang pasyente sa listahan kasama ng iba pang pasyenteng nangangailangan ng malusog na organ. Dito’y niraranggo sila base sa “success rate” o posibilidad ng matagumpay na transplantasyon. Kapag mas mataas ang success rate, mas binibigyan ng prayoridad na mabigyan ng bago at malusog na organ. Siyempre pa, tinitignan din ang kompatibilidad ng pasyenteng at ng bago at malusog na organ. Kapag ang lahat ng ito ay nalampasan, sinisimulan na ang operasyon.

Gaano kataas ang posibilidad ng tagumpay na transplantasyon?

Ang posibilidad ng tagumpay o success rate ng transplantasyon ay nakadepende sa ilang mga bagay. Depende ito sa kung anong organ ang ililipat, ilang organ ang ililipat, at sa sakit o anumang dahilan ng pag-palya ng nasirang organ na papalitan. Mas binibigyang prayoridad sa listahan ang may mataas na posibilidad ng tagumpay.

Paano paghahandaan ang transplantasyon?

Kinakailangang panatilihing malusog ang katawan bago magsimula ang transplantasyon. Kumain nang tama at mag-ehersisyo nang naaayon sa payo ng doktor. Makabubuting sundin ang lahat ng payo ng doktor bago ang pagsisimula ng operasyon.

Ano ang mangyayari matapos ang transplantasyon, at ano ang mga posibleng epekto nito?

Kadalasan, ang mga pasyente na nagkaroon ng matagumpay na transplantasyon ay nagsasabing mas bumuti na ang kanilang pakiramdam. Dahil dito, nanunumbalik ang dating sigla at lakas ng pasyente. Ngunit mayroon at mayroon pa ring panganib na hindi tanggapin ng katawan ang bagong organ at atakihin ito ng sariling immune system. Upang maiwasan ang ganitong kaso, pinaiinom ng immunodepressant drugs ang pasyente hanggang sa tuluyan nang tanggapin ng katawan ang bagong organ. Tandaan lamang din na mababa ang resistensya ng katawan sa panahong umiinom ng mga gamot na ito kung kaya makabubuting umiwas sa lahat ng lugar na maaaring pagmulan ng impeksyon.

Magkano ang magpa-transplant?

Ang halaga ng transplantasyon sa Pilipinas ay depende sa kung anong organ ang ililipat. Halimbawa, para sa bagong atay, maaaring gumastos ng hanggang 3 na milyong piso. Tiyak na mahal at magastos. Para sa ganitong isyu, maaaring lumapit sa mga institusyon na handang magbigay tulong-pinansyal gaya ng PCSO. Ang ahensyang PhilHealth ay mayroon ding programa para sa paglilipat ng bagong organ.