Mga kaalaman tungkol sa amputation

Ano ang amputation at para saan ito?

Ang amputation ay isang pamamaraang medikal ng pagputol ng bahagi o buong haba ng biyas ng braso, hita, kamay, paa, o mga daliri. Ito ay isang mahalagang uri ng operasyon na isinasagawa lamang kapag wala nang pag-asang mailigtas ang bahagi ng biyas na napinsala dahil sa impeksyon, aksidente, kanser at iba pang kondisyon na maaaring magdulot ng pagkalat ng sakit sa iba pang bahagi ng katawan.

Kanino at kailan ito isinasagawa?

Ang pamamaraan ng amputation ay maaaring isagawa sa kahit na sinong tao ayon sa rekomendasyon ng doktor. Ang mga kadalasang dahilan ng pagputol ng mga biyas ay ang matinding pinsala na dulot ng impeksyon, pagkabulok ng mga kalamnan, kanser, o kaya ay aksindente.

Ang mga matitinding impeksyon sa mga biyas na hindi na nalulunasan ng kahit na anong gamot ay kadalasang humahantong sa pagputol na lang ng mga ito. Madalas itong nangyayari sa mga taong may sakit na diabetes at problema sa pagdaloy ng dugo. Dahil sa mga kondisyon na ito, nahihirapan sa paggaling ang mga sugat at impeksyon sa mga biyas. Kapag hindi isinagawa ang amputasyon, maaring mabulok ang kalamnan ng biyas o kaya ay patuloy na kumalat ang sakit sa ibang bahagi ng katawan. Ganito rin ang ginagawa kapag ang kanser ay nagmula sa bahagi ng mga biyas.

Ang mga taong naaksidente na nagkaroon ng matinding pinsala sa mga biyas ay maaaring sumailalim din sa amputasyon. Mas makabubuting putulin na lamang ang bahaging ito sapagkat maaaring maging sagabal na lamang ang bahaging ito na nasira ng aksidente. Tandaan na ang pagputol ng mga biyas ang pinakahuling solusyon na ikokonsidera ng doktor.

Paano ito isinasagawa?

Ang pagpuputol sa biyas ay isinasagawa sa operating room at maaring mangailangan na manatili sa ospital ng 1 hanggang 2 linggo o higit pa, depende sa kondisyon. Maging ang pamamaraan ng pagputol ay depende rin sa kondisyon ng pasyente. Ang pasyente ay inilalagay sa general anestisya o kaya sa ibabang bahagi lang ng katawan.

Sinisimulan ang hiwa sa bahaging naiiba ang kulay, temperatura at pulso. Tinatanggal ng surgeon ang lahat ng laman na apektado ng impeksyon at pinsala, habang iniiwan ang lahat ng malulusog na bahagi. Inaayos ang pagputol at sinasara ang lahat ng ugat-daluyan ng dugo. Kadalasan ay pinuputol ito at hinuhulma para maayos na malagyan ng artipisyal na paa o kamay.

Gaano katagal ang paggaling mula sa amputation?

Depende sa bahagi at paraan ng pagputol at sa kondisyon ng pasyente, ang paggaling ay maaring magtagal ng ilang linggo. Babantayan sa ospital ang pasyente habang ginagamot hanggang sa tuluyang maghilom ang sugat. Sa oras na maghilom ito, maaari nang simulan ang rehabilitasyon. Ang rehabilitasyon sa pasyente ay binubuo ng paggamit ng mga artipisyal na binti o braso, paggamit ng saklay, panunumbalik ng lakas at suportang mental at emosyonal sa pasyente.

Mga Kaalaman tungkol sa Transplantasyon ng Organ

Ano ang transplantasyon ng organ?

Ang transplantasyon ng organ ay isang pamamaraang medikal na tumutukoy sa paglilipat ng malusog na organ mula sa katawan ng isang tao patungo sa katawan ng isa pang tao. Ito ay isinasagawa upang mapalitan ng malusog at gumaganang organ ang pumapalya nang organ ng katawan. Alalahanin na ang transplantasyon ng organ ay isang kritikal na hakbang sapagkat kakailanganing sumailalim sa isang major na operasyon, at hindi rin sa lahat ng pagkakataon at nagtatagumpay ang transplantasyon.

Kanino isinasagawa ang transplantasyon?

Ang pagsasagawa ng transplantasyon ay isang mahusay na pamamaraang medikal na makaliligtas buhay ng mga pasyenteng nasa kritikal na sitwasyon, ngunit hindi lahat ng pasyente na nangangailangan nito ay maaaring bigyan na lang basta-basta ng isang bago at malusog na organ sapagkat mayroong mga konsiderasyon na isinasaalang-alang sa paglilipat ng organ. Unang-una, bawal maglipat ng organ sa taong mayroong impeksyon, sakit na mahirap makontrol, problema sa mga gamot at pag-inom ng alkohol, at iba pang seryosong karamdaman.

Ang pasyente na makakapasa sa mga konsidersyong ito ay matuturing na “good candidate” at saka pa lang maaaring isama sa listahan ng mga maaaring tumanggap.

Kanino nagmumula ang malusog na organ?

Ang mga taong pinagmumulan ng malusog na organ ay kilala bilang mga “organ donor” at sila ay maaaring buhay o patay na. Gaya sa pagtanggap ng malusog na organ, mayroon ding pamantayan at mga konsiderasyon sa pagbibigay ng organ. Unang-una, dapat ay may pahintulot mismo ng taong pagmumulan ng organ ang pagbibigay ng kanyang organ. At pangalawa, dapat ay walang sakit o anumang impeksyon sa katawan ang pasyente. Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagbebenta ng mga laman at bahagi ng katawan para sa transplantasyon, ito ay dapat ibinibigay ng kusang loob. Wala ring pinipiling edad ang pagiging organ donor.

Anu-ano ang mga organ na maaaring i-transplant?

Ang mga bahagi ng katawan na maaarig ilipat ay ang puso, baga, atay, bato, bituka, at lapay. Bukod sa mga ito, maaari rin maglipat ng bahagi ng mga laman ng katawan gaya ng buto, balat, ugat-daluyan ng dugo, at cornea ng mata.

Paano isinasagawa ang transplantasyon?

Bago isagawa ang transplantasyon,may ilang bagay muna na isinasaalang-alang. Unang-una, inilalagay muna ang pasyente sa listahan kasama ng iba pang pasyenteng nangangailangan ng malusog na organ. Dito’y niraranggo sila base sa “success rate” o posibilidad ng matagumpay na transplantasyon. Kapag mas mataas ang success rate, mas binibigyan ng prayoridad na mabigyan ng bago at malusog na organ. Siyempre pa, tinitignan din ang kompatibilidad ng pasyenteng at ng bago at malusog na organ. Kapag ang lahat ng ito ay nalampasan, sinisimulan na ang operasyon.

Gaano kataas ang posibilidad ng tagumpay na transplantasyon?

Ang posibilidad ng tagumpay o success rate ng transplantasyon ay nakadepende sa ilang mga bagay. Depende ito sa kung anong organ ang ililipat, ilang organ ang ililipat, at sa sakit o anumang dahilan ng pag-palya ng nasirang organ na papalitan. Mas binibigyang prayoridad sa listahan ang may mataas na posibilidad ng tagumpay.

Paano paghahandaan ang transplantasyon?

Kinakailangang panatilihing malusog ang katawan bago magsimula ang transplantasyon. Kumain nang tama at mag-ehersisyo nang naaayon sa payo ng doktor. Makabubuting sundin ang lahat ng payo ng doktor bago ang pagsisimula ng operasyon.

Ano ang mangyayari matapos ang transplantasyon, at ano ang mga posibleng epekto nito?

Kadalasan, ang mga pasyente na nagkaroon ng matagumpay na transplantasyon ay nagsasabing mas bumuti na ang kanilang pakiramdam. Dahil dito, nanunumbalik ang dating sigla at lakas ng pasyente. Ngunit mayroon at mayroon pa ring panganib na hindi tanggapin ng katawan ang bagong organ at atakihin ito ng sariling immune system. Upang maiwasan ang ganitong kaso, pinaiinom ng immunodepressant drugs ang pasyente hanggang sa tuluyan nang tanggapin ng katawan ang bagong organ. Tandaan lamang din na mababa ang resistensya ng katawan sa panahong umiinom ng mga gamot na ito kung kaya makabubuting umiwas sa lahat ng lugar na maaaring pagmulan ng impeksyon.

Magkano ang magpa-transplant?

Ang halaga ng transplantasyon sa Pilipinas ay depende sa kung anong organ ang ililipat. Halimbawa, para sa bagong atay, maaaring gumastos ng hanggang 3 na milyong piso. Tiyak na mahal at magastos. Para sa ganitong isyu, maaaring lumapit sa mga institusyon na handang magbigay tulong-pinansyal gaya ng PCSO. Ang ahensyang PhilHealth ay mayroon ding programa para sa paglilipat ng bagong organ.

Paano makaiwas sa Appendicitis?

Sa ngayon, walang tiyak na paraan para maka-iwas sa pagkakaroon ng appendicitis, ang tangi lamang magagawa ay ang pagkain ng masusustansyang pagkain na mayaman sa fiber upang mas mapababa ang posibilidad na magkaroon ng appendicitis. May ilang kasabihan na maiiwasan daw ang pagkakaroon ng appendicitis kung hindi lulundag pagkatapos kumain o kaya ay iiwas sa pagkain ng mga pagkain na may maliliit na buto, subalit walang sapat na pag-aaral ang makapagpapatunay dito.

Ano ang gamot sa appendicitis?

Ang pangunahing solusyon sa pagkakaroon ng appendicitis ay operasyon o surgery. Appendectomy ang tawag sa operason na tanging para sa appendix. Bago ito isagawa, bibigyan muna ng matapang na antibiotic upang maiwasan ang posibilidad na peritonitis o ang pagputok at pagkalat ng impeksyon sa ibang bahagi ng katawan. Tuturukan ng general anesthesia at saka hihiwaan sa gilid na bahagi ng tiyan kung saan tatanggalin ang namamagang appendix. Kung sakali naman na nagkaroon ng peritonitis, maaaring linisin muna ang buong tiyan upang maalis ang kumalat na nana sa tiyan. Matapos ang operasyon, maaari nang makabalik sa gawain matapos ang 2 hanggang 3 linggo. Walang dapat na ikabahala sa pagtanggal sa appendix sapagkat wala namang magbabago sa katawan kung ito ay maalis.

Paano malaman kung may appendicitis?

Ang pagkakaroon ng appendicitis ay hindi madaling matukoy sapagkat ang mga sintomas na nararanasan dito ay kahalintulad ng iba pang kondisyon gaya ng sakit sa apdo, sakit sa pantog, UTI, sakit sa obaryo ng babae, impeksyon sa bituka, pati na ang gastritis at Crohn’s Disease. Dahil dito, maaaring magsagawa ng ilang pasusuri ang mga doktor upang makasiguro na appendicitis ang nagdudulot ng sakit. Ang ilan dito ay ang sumusunod:

  • Blood tests kung upang matukoy ang pagkakaroon ng impeksyon.
  • Urine tests upang matukoy kung ito’y sakit na dulot ng UTI
  • Mga eksaminasyon sa tiyan
  • Mga eksaminasyon sa tumbong o rectum
  • CT Scan
  • Ultra Sound

Ano ang mga sintomas ng Appendicitis?

Sakit ng tiyan ang pinakamahalagang sintomas ng appendicitis. Ang sakit ng tiyan na ito ay karaniwang naguumpisa sa gita (sa bandang itaas ng puson) at gumagapang patungo sa kanan at ibabang bahagi ng tiyan (sa kanan ng puson). Subalit importanteng idiin na maraming kondisyon ang maaaring magpahiwatig ng kahalintulad na sintomas. Isa pa, mahalaga ring idiin na maraming anyo ng appendicitis na hindi pangkaraniwan – maaaring ibang parte ng tiyan ang sumakit dahil dito. Bilang buod, ito ang mga katangian ng karaniwang sakit na nararamdaman sa appendicitis:

  • Masakit na masakit
  • Mahapdi at makirot
  • Sa bandang tagiliran / kanan ng puson
  • Lagpas na ng 24 oras
  • Hindi nawawala sa mga pain reliever

Mga iba pang sintomas ng appendicitis:

  • Kawalan ng ganang kumain
  • Pagsusuka at liyo
  • Lagnat
  • Pagtatae o pagtitibi
  • Pagiging ‘kalos’ o panghihina

 

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Sa oras na maranasan ang mga nabanggit na sintomas ng appendicitis, agad na nang magpatingin sa doktor. Ang kondisyong ito ay nangangailangan ng agarang lunas bago pa man pumutok ang namamagang appendix at magdulot ng komplikasyon.

Mga kaalaman tungkol sa Appendicitis

Ang appendicitis ay ang kondisyon kung saan namamaga ang appendix, ang tatlong pulgada na nakadugtong sa bahagi ng bituka. Ang pamamagang ito ay tinuturing na emergency o nangangailangan ng agarang atensyon, dahil kung hindi, may posibilidad na ito ay pumutok at makaapekto sa iba pang bahagi ng katawan. Sa kaso naman ng pumutok na appendix, nangangailangan ito ng matindi at agarang gamutan upang maiwasan ang impeksyon sa ibang bahagi ng tiyan. Kung mapapabayaan, maaari itong makamatay.

Ano ang sanhi ng Appendicitis?

Nagaganap ang pamamaga ng appendix kapag ito ay nabarahan ng dumi, o kaya naman ng ibang bagay na dumadaan sa bituka. Maaari din itong mamaga dahil sa pagbara na dulot ng tumor o cancer. Ang anumang impeksyon ay maaari din magdulot ng pamamaga sa appendix.

Ano ang mga komplikasyon na maaaring mangyari mula sa Appendicitis?

Ang komplikasyon ay maaaring maranasan kapag ang pamamaga ng appendix ay hindi naaagapan at ito ay pumutok. Ang pumutok na appendix ay maaaring may mga nana na kapag dumikit sa ibang bahagi ng tiyan ay magdudulot ng impeksyon. Ang impeksyon sa iba pang bahagi ng tiyan ay tinatawag na peritonitis, isang seryosong kondisyon na nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Kailangan itong magamot sa lalong madaling panahon dahil maaari itong makamatay.