Paano malaman kung may leukemia?

Kung hinihinalang ang isang tao ay may leukemia, kabilang sa mga pagsusuri na maaaring gawin ay ang complete blood count (CBC) upang makita ang presensya ng mga abnormal na cells at pagbabago sa bilang ng mga normal na cells, at bone marrow biopsy o ang pagsilip ng bahagi ng utak ng bato (bone marrow) sa ilalim ng microscope upang mas makita ang mga abnormal na cells. Ang biopsy na ito ay kalimitang ginagawa sa pamamagitan ng pagtusok ng isang malaking karayom sa buto (kalimitan, sa may balakang) at paghila ng sample mula dito.

Depende sa uri ng leukemia at sa pasyente, maaaring magpagawa ng karagdagang mga test. Kabilang dito ang pag-biopsy ng kulani, CT scan, X-ray, MRI, at iba pa.

Ano ang mga sintomas ng leukemia?

Ano ang mga sintomas ng leukemia?

Ang unang naapektuhan ng leukaemia ay ang tatlong klase ng blood cells: ang red blood cell, white blood cell, at platelet.

Mga sintomas dahil apektado ang mga red blood cell

Dahil apektado ang mga red blood cells, parang may ‘anemia’ ang mga may leukemia, at maaaring makaranas ng mga sintomas gaya ng paghihina, hapo, hirap huminga, madaling mapagod, pagkahilo, at iba pa.

Mga sintomas dahil apektado ang mga platelet

Ang mga platelet ay responsable sa pagpigil sa pagdudugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan at kung apektado ang produksyon ng platelet sa bone marrow, maaari itong magdulot sa mga sintomas gaya ng pagiging madaling magsugat o magpasa (easy bruisability), madaling magdugo (halimbawa, mag sipilyo lang ay dumudugo na agad ang mga gilagil), at pagkakaron ng mga tuldok-tuldok na parang mga pasa.

Mga sintomas dahil apektado ang mga white blood cell

Ang mga white blood cell naman ay bahagi ng immune system na lumalaban sa mga impeksyon ay kung apektado ang produksyon nito, magdudulot ang leukemia sa pagiging sakitin ng pasyente, at pagiging madalas magkaron ng mga singaw, ubo, at iba pang impeksyon.

Iba pang mga sintomas

Bukod sa mga ito, ang pagbabawas ng timbang (weight loss) ay isa ring sintomas na karaniwan sa lahat ng mga kanser. Marami paring ibang pwedeng maging sintomas ang leukemia dahil sa mga komplikasyon nito.

Mga kaalaman tungkol sa leukemia

Ano ang leukemia?

Ang leukemia ay isang uri ng kanser na nakakaapekto sa utak ng buto (bone marrow), kung saan ginagawa ang mga blood cells. Sa leukemia, nagkakaron at dumadami ang mga blood cells na abnormal at nakaka-apekto ito sa pagkakaron ng mga normal na blood cell. Dahil dito, ang mga sintomas ng leukemia ay konektado sa problema ng kakulangan ng iba’t ibang uri ng blood cell. Dahil kulang sa red blood cells, may mga sintomas ng leukemia na parang anemia. Dahil kulang sa platelet (ang cell na responsable sa pagpigil ng pagdurugo), may mga sintomas ng pagdudugo.

Ano ang ALL, AML, at iba’t ibang klase ng leukemia

Merong apat na karaniwang uri ng leukemia: acute lymphoblastic leukemia (ALL), acute myeloid leukemia (AML), chronic lymphocytic leukemia (CLL) at chronic myeloid leukemia (CML). Ang ALL ay karaniwang nakakaapekto sa mga bata (edad 2-5), habang ang AML naman ay nas nakakaapekto sa mga matatanda. Ang pagkakaibang-uri ng leukemia ay may epekto sa anumang gamutan ang maaaring isagawa sa isang pasyente.

Gaanong kalaganap ang may leukemia?

Ang leukemia ang pinaka-karaniwang kanser sa mga bata, at pang-12 na pinaka-karaniwang kanser sa buong mundo. Sa Pilipinas, isa rin ito sa mga pinakamalaganap na kanser, at kabilang ito sa Top 10 na pinaka-karaniwang kanser sa bansa. Noong 2010, itinalang may higit na 3,000 na bagong kaso ng leukemia sa Pilipinas.

Ano ang sanhi ng leukemia?

Hindi pa natutukoy ng mga mananaliksik kung ano ang sanhi ng leukemia, bagamat hinihinala na may kaugnayan dito ang genetics (namamana).

Gaanong katagal mabubuhay ang taong may leukemia?

Ayon sa Philippine Cancer Society, sa mga nagkaron ng leukemia mula 1993 hanggang 2003, 5.2% ang buhay pa pagkatapos ng limang taon. Ngunit nakadepende ito sa uri ng leukemia, depende kung maagapan ng gamutan, at depende din sa pasyente. Bawat tao ay iba’t iba ang reaksyon sa iba’t ibang sakit kaya mahirap itong masabi.