Ang mga Dapat Mong Malaman Tungkol sa Nunal

Ang nunal, o naevi sa terminong medikal, ay ang itim o kulay tsokolate na marka na tumutubo sa balat ng kahit anong bahagi ng katawan. Ang pagkakaroon ng nunal ay maaaring mula pa sa kapanganakan, o kaya nama’y umusbong habang tumatanda. Habang tumatagal, ang nunal ay maaaring magbago. Maaring ito ay lumaki, umumbok, o magbago ang kulay. Kadalasan ay may buhok na tumutubo dito, at minsan maaari ding mawala sa paglipas ng panahon.

Ano ang sanhi ng pagkakaroon ng nunal?

Ang nunal ay nabubuo kapag ang mga cells ng balat, o melanocytes, ay nagkumpolkumpol sa halip na kumalat. Ang melanin na matatagpuan sa melanocytes ang nagbibigay kulay sa balat, kaya’t sa pagkukumpol na ito, lumalabas ang maitim na nunal.

Ano ang meron sa nunal na tinutubuan ng buhok?

Gaya rin ng ibang bahagi ng balat, ang nunal ay maaring magkaroon ng hair follicle kung kaya’t tinutubuan din ito ng buhok. Ito ay normal at walang dapat ikabahala.

Paano malalaman kung ang nunal ay isang kanser?

Bagama’t ang karamihan sa mga nunal ay hindi naman maaaring makapagdulot ng kaser, mayroon pa ring posibilidad na humantong sa kanser ang ilang nunal. Ang nunal na nagiging kanser ay malaki at naiiba ang hitsura kaysa sa normal na nunal at  kadalasang umuusbong lamang sa pagkalampas ng edad na 30. Kung ang nunal ay biglaang nagbago sa hugis, kulay at sukat, mas makabubuting ipatingin ito sa doktor upang masuri kung ito ay kanser. Maaari ring makitaan ng pagdurugo, pangangati at pananakit ang nunal na nakakakanser. Tinatawag na melanoma ang nunal na kanser.

Ano ang dapat gawin kung ang nunal ay nakaka-kanser?

Ang nunan na pinagsususpetsahan na may kanser ay kadalasang inaalis sa pamamagitan ng operasyon o surgery, o kaya naman ay sinusunog o cauterisation. Ngunit bago ito gawin, kailangan munang makatiyak kung ang nunal nga ay isang kanser. Maaari itong suriin sa pamamagitan ng biopsy. Mangyari lamang na magpakonsulta sa isang dermatologist ukol dito.

Ligtas bang ipatanggal ang nunal?

Bukod sa impeksyon, allergy sa anestisya, o kaya’t pinsala sa nerve cells, wala nang iba pang nakakabahalang komplikasyon ang maaaring makuha sa pagpapatanggal ng nunal. Kinakailangan lamang lumapit sa respitadong doktor upang makatiyak na ligtas ang isasagawang pagpapatanggal sa nunal. Ang dapat mo lang ikabahala ay ang maaaring pagkakaroon ng peklat sa sugat na makukuha mula sa isinagawang operasyon.