Paano makaiwas sa pagdurugo ng ilong o nosebleeding?

Ang pagdurugo ng ilong ay maaring maiwasan sa pamamagitan ng mga simpleng hakbang tulad ng sumusunod:

  • Kung mainit at tuyo ang hangin (humid), maaaring lagyan ng petroleum jelly ang mga putas ng ilong upang panatilihing basa ang loob ng ilong. Mas madaling masugat at mapinsala ang mga ugat ng dugo sa ilong kung ito ay tuyo.
  • Iwasan ang madalas na pagsundot sa ilong
  • Iwasan ang sobrang at mapuwersang pagsinga
  • Umiwas sa paninigarilyo sapagkat maari itong makatuyo ng ilong na isang sanhi ng pagdurugo
  • Kung madalas na dinudugo ang ilong, umiwas muna sa mabibigat na gawain at magpahinga.
  • Huwag muna uminom ng mga gamot na nakapagpapanipis ng dugo gaya ng aspirin, ibuprofen, o warfarin.

Ano ang gamot sa pagdurugo ng ilong o nosebleeding?

Ang pagdurugo ng ilong ay isang karaniwang kondisyon na madali naman maibsan at malunasan kahit nasa bahay lang. Dapat lang sundin ng tama ang mga hakbang sa First Aid para sa pagdurugo ng ilong:

  • Umupo at bahagyang yumuko upang mapigilan ang pag-agos ng dugo. Mahalagang mas mataas ang ilong kaysa sa puso upang mapigilan angĀ  patuloy na pag-durugo.
  • Ipitin gamit ang mga daliri o malinis na bulak ang bahagi ng ilong na dumudugo. Gawin ito hanggang sa tumigil sa paglabas ang dugo.
  • Tapalan ng yelo ang bahagi ng ilong na dumudugo.

Ang simpleng pagdurugo ay kadalasang hindi na nangangailangan ng atensyon mula sa doktor, ngunit kung ang pagdurugo ay dahil sa nasirang ugat o sugat sa loob ng ilong, maari itong ipatingin upang mabigyan ng lunas.

 

Ano ang mga sintomas ng pagdurugo ng ilong o nosebleeding?

Ang pagdurugo ng ilong ay kadalasang nagaganap lang sa isang butas ng ilong, ngunit kung ang kaso ng pagdurugo ay grabe at umabot na sa loobang bahagi ng ilong, ang pagdurugo ay maaari ding lumabas sa parehong butas ng ilong. Maaari ding malulon ang dugo at lumabas sa bibig sa pamamagitan ng pagdura o pagsusuka. Ang iba pang sintomas na maaaring maranasan ay ang sumusunod:

  • Pagkahilo
  • Pagkalito
  • Pananakit ng ulo
  • Pagka-himatay

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang pagdurugo ng ilong ay kadalasang hindi naman talaga seryoso, at hindi dapat ikabahala. Ngunit kung ang pagdurugo ay nagiging madalas at matagal huminto, maaaring dapat nang magpatingin sa doktor. Dapat ding magpatingin kung ang pagdurugong nararanasan ay hindi lamang sa ilong kundi sa ibang bahagi ng katawan gaya ng gilagid, ihi at dumi. Kung ang pagdurugo ay may kasabay din na pagkakaroon ng mga pasa, o dahil sa pag-inom ng isang gamot, maaari ding magpatingin sa doktor.

Mga kaalaman tungkol sa Pagdurugo ng Ilong o Nose Bleeding

Ang pagdurugo ng ilong o nose bleeding ay isang karaniwang kondisyon na maaaring mararanasan ng kahit na sino. Ang pagdurugo ay maaaring nagmumula sa harapang bahagi ng ilong o kaya naman ay sa loob at mas malalim na bahagi ng ilong kung saan maraming ugat ng dugo. Kapag ang mga ugat na ito ay nasugat, nasundot o natusok, nagsisimula ang pagdurugo. Bagaman ito ay nakakagulat at minsan ay nakakatakot, ito ay kadalasang hindi naman seryoso. Ang pagdurugo ay madali namang mapipigil sa pamamagitan ng mga simpleng hakbang na pwedeng gawin kahit sa bahay lang.

Ano ang sanhi ng pagdurugo ng ilong?

Ang pinakamadalas na dahilan ng pagdurugo ng ilong ay ang pagtama ng harapang bahagi ng ilon sa anumang bagay na matigas. Halimbawa ay nauntog ang ilong sa pader o kaya ay nahampas o nasuntok sa ilong. Ang pagdurugo ay maaari ring dahil sa pagkakasundot o pagkakatusok ng anumang matalim na bagay, gaya ng mga kuko ng daliri, sa loob na bahagi ng ilong. Ang pagkakaroon ng sipon at madalas na pagsinga ay maaari ring makairita sa ilong at magdulot ng pagdurugo. Ang pabago-bagong klima ay maaari ring makaapekto sa mga ugat ng dugo na nasa loob ng ilong, at maging sanhi ng pagputok at paglabas ng dugo sa ilong.