Paano makaiwas sa pagkakaron ng ngongo o bingot?

Sa kasalukuyan, walang paraan upang maiwasan ang kondisyong ito sapagkat wala paring kakahayan ang mga eksperto upang matukoy kung sino ba ang malaki ang posibilidad na magkaron nito. Dahil sa ilang mga pag-aaral na nag-uugnay sa paninigarilyo at pag-inom ng nanay sa pagkakaron ng ngongo, bingot, at iba pang mga congenital abnormality, isang paraan upang mabawasan ang probabilidad na magkaron ng ganito ang isang sanggol ay sa pamamagitan ng pag-iwas sa yosi at alak, at regular na pagpapakonsulta sa inyong OB-GYN habang buntis.

Kung ang isang bagong panganak na sanggol ay naobserbahan na may ngongo o bingot, ipatingin kaagad ito sa doktor upang maplano ang gagawing operasyon at iba pang gamutan at sa gayon ay maiwasan ang permanenteng pagkabingot o pagkangongo ng isang bata, at mapataas ang probabilidad na maibalik sa normal ang itsura nito.

Ano ang gamot sa ngongo (cleft palate) at bingot (cleft lip)

Ang tanging lunas sa ngongo at bingot sa pangkasalukuyan ay ang pagsasagawa ng operasyon upang maretoke ang apektadong labi at gilagid. Ito ay kalimitang isinasagawa sa lalong madaling panahon. Halimbawa, maraming mga surgeon ang pabor na ang operasyon para sa bingot ay gawin sa ika-10 linggo mula sa kapanganakan ng sanggol; at ang ngongo naman ay makalipas lang ang ilan pang buwan. Subalit ang pag-schedule ng operasyon ay nakadepende rin sa kondisyon ng sanggol, at kung gaanong kalala ang pagkabingot o pagkangongo. Ang mahalaga ay mapatingnan kaagad ang sanggol upang mapaghandaan kaagad ang gagawing operasyon. Maaari ring dalawa o higit pang operasyon ang isagawa, depende rin sa kondisyon.

Bago ang operasyon, mahalagang magabayan sa wastong paraan ng pagpapasuso o pagpapakain sa sanggol.

Bukod sa operasyon, mahalaga rin ang regular na follow up sa mga doktor. Halimbawa, ang pagtubo ng mga ngipin ay maaaring hindi pantay at kailangan itong masubaybayan.

Dahil sa mahabang karanasan ng mga eksperto sa pag-oopera ng bingot at ngongo, malaki ang posibilidad na maretoke ang ngongo at bingot at maibalik sa normal ang sanggol. Maraming mga tao sa kasalukuyan na hindi mo aakalaing ngongo o bingot noong bata. Subalit para masigurado ang pinakamagandang resulta, mahalaga talagang magawa ang regular na follow-up sa mga doktor ng batang may bingot o ngongo.

Mga pagsusuri sa ngongo (cleft palate) at bingot (cleft lip)

Sapagkat ang ngongo at bingot ay maaaring makita sa eksaminasyon lamang na pisikal, walang espesyal na pagsusuri o laboratoryo na kelangang gawin sa mga sanggol na may kondisyon na ito. Subalit maaaring magrequest ang doktor ng mga tests upang makita ang mga buto sa mukha sa pamamagitan ng x-ray o CT scan, at kung may iba pang kaugnay na sakit, maaaring magpagawa ng iba’t ibang eksaminasyon.

Sa pamamagitan ng ultrasound at iba pang mga eksaminsyon, maaari naring malaman kung may ngongo at bingot ba ang isang sanggol kahit nasa matris pa ito.

Mga sintomas ng ngongo (cleft palate) at bingot (cleft lip)

Sa maraming mga kaso, ang ngongo at bingot ay natutukoy na kaagad base sa itsura ng sanggol sa pagkapanganak. Ang pagkakaron ng hiwa o butas sa gitna ng labi ay isang marka ng pagkakaron ng kondisyon na ito, at kasama na rin dito ang diperensya sa pagsasalita at minsan, sa pakikinig.

Bukod dito, kung ang pagkakaron ng bingot o ngongo ay bahagi ng isang ‘syndrome’ o iba’t ibang sakit na may kaugnayan sa isa’t isa, maaari ring magkaron pa ng ibang sintomas gaya ng karagdagang pagbabago sa anyo ng mukha, problema sa tenga at mata, at sakit sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mga kaalaman tungkol sa ngongo (cleft palate) at bingot (cleft lip)

Ano ang ngongo (cleft palate) at bingot (cleft lip)

Ang ngongo (cleft palate) at bingot (cleft lip) ay dalawang kondisyon na madalas ay magkasama, dulot ng hindi normal na pagkakabuo ng mukha habang ang sanggol ay nasa matris pa, o isang ‘congenital deformity’. Sa bingot, hindi kompleto ang itaas na labi at parang may butas o hiwa sa gitna na maaring umabot sa ilong. Sa ngongo, ang gilagid naman ang hindi kompleto at parang may butas o hiwa sa gitna. Bukod sa pagbabago ng anyo ng mukha, ang mga kondisyon na ito ay nagdudulot ng problema sa pagsasalita.

Ano ang sanhi ng ngongo at bingot?

Hindi pa talaga kompleto ang kaalaman ng mga doktor sa ngongo at bingot kaya walang simpleng kasagutan sa tanong na ito. Subalit may mga pag-aaral na nagsasabi na maaaring nasa dugo (genetic) ang pagkakaron ng ngongo; maaari ring dahil ito sa ilang mga bagay gaya ng paninigarilyo o pag-inom ng alak ng nanay ng sanggol. Sa kabila ng mga paliwanag na ito, maraming kaso ng ngongo at bingot ang walang klarong eksplanasyon, at maaaring magkaron ng sanggol na ngongo o/at bingot ang mga normal na magulang.