Kaalaman tungkol sa Pangangalaga ng Bibig o Oral Hygeine

Ang bibig ang itinuturing na pangunahing pasukan ng iba’t ibang bagay patungo sa loob ng katawan. Dito pumapasok ang pagkain na kinakain at inumin na iniinom sa araw-araw. Pumapasok din dito ang hangin na nilalanghap na mahalaga sa paghinga. Bukod pa rito, isa rin ito sa mga unang napapansin tuwing nakikisalamuha sapagkat ito ang ginagamit sa pagsasalita at pakikipag-usap. Kaya naman, marapat lamang na ito ay bigyan ng sapat na atensyon at tamang pangangalaga.

bibig

Ang pagpapabaya sa bibig ay maaaring humantong sa ilang mga kondisyon na tiyak na makaaapekto sa kalidad ng pamumuhay, mga pagkain na makakain, kabuuang kalusugan, at pakikisalamuha sa ibang tao. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Pagkabulok o pagkasira ng mga ngipin
  • Mga kondisyon sa gilagid
  • Mabahong amoy ng hininga

Paano mapapangalagaan ang kalusugan ng bibig?

Ang kalusugan ng bibig ay nakadepende sa mga uri ng pagkain ng kinakain, wastong pamamaraan ng pagkain, at pagmementena sa mismong bibig. Kaugnay nito, maaaring sundin ang sumusunod na mga hakbang:

1. Regular na pagsesepilyo.

Ang regular na pagsesepilyo ng mga ngipin ang pangunahing paraan ng pagpapanatiling malinis ng bibig. Sa tulong nito, maaalis ang mga nakasiksik na pagkain sa ngipin na siyang pinamumugaran ng bacteria na siya namang sanhi ng pagkasira ng ngipin. Ugaliin ang pagsesepilyo nang hindi bababa sa 2 beses sa isang araw. Kung maaari, gawin ito lagi pagkatapos kumain. Siguraduhin ding gumagamit ng maayos na sepilyo at epektibong toothpaste.

2. Iba pang pamamaraan ng paglilinis sa bibig.

Bukod sa pagsesepilyo ng ngipin, siguraduhin ding malilinis ang iba pang bahagi ng bibig gaya ng dila at mga gilagid. Maaaring gumamit ng mouthwash upang mabawasan ang mga bacteria sa bibig, o kaya ay gumamit din ng dental floss upang lubos na maalis ang mga nakasiksik sa pagitan ng mga ngipin. Makatutulong din ang pagnguya ng chewing gum sapagkat nagpaparami ito ng laway na tumutulong naman sa pag-iwas ng pagdami ng bacteria sa bibig.

Basahin ang mga alternatibong paraan ng paglilinis sa ngipin: Alternatibong panlinis ng ngipin.

3. Pagpapatingin sa dentista.

Ugaliin ang pagbisita sa dentista upang matignan kung may kailangang ayusin sa ngipin at maagapan na kaagad ang tuluyang pagkasira nito. Huwag nang hintayin pang makaramdam ng pananakit at pangingilo sa ngipin bago magpatingin. Kung maaari, gawi nang 2 hanggang 3 beses sa isang taon ang pagpapa-check-up sa dentista.

4. Pagbabantay sa mga iniinom at kinakain.

Limitahan ang dami ng mga pagkain at inuming may mataas na lebel asukal, lalo na kung walang sapat na panahon sa paglilinis ng ngipin. Ang mga naiiwang asukal sa bibig ang siyang pangunahing sanhi ng pagkasira ng ngipin. Bawasan din ang mga pagkain at inumin na acidic sapagkat maaari itong makasira sa tibay ng ngipin.

5. Pag-iwas sa paninigarilyo at sobrang pag-inom ng alak.

Ang paninigarilyo ay isa sa mga nangungunang dahilan ng pagkasira ng kalusugan ng bibig. Dahil ito sa ilang mga mga kemikal pumapasok sa bibig sa bawat paghigop ng usok mula sa sigarilyo. Ang tar na kasamang lumalabas sa usok ng sigarilyo ay maaaring kumapit at magdulot ng paninilaw sa ngipin na mahirap maalis. Ang alak naman na may mataas na lebel ng asido ay nakasisira din sa kalusugan ng bibig.

Alamin ang masasamang epekto ng paninigarilyo at sobrang pag-inom ng alak.

Ano ang Wisdom Teeth?

Ang wisdom teeth ay tumutukoy sa apat na ngipin na pinakahuling tumutubo sa pagtanda ng tao. Ang apat na ito ay matatagpuan sa parehong itaas at ibabang mga ngipin na nasa pinakadulong bahagi malapit sa lalamunan. Ang mga ito ay nagsisimulang tumubo sa 18 hanggang 25. Kung ito ay tumubo ng maaayos at kapantay ng ibang ngipin, walang magiging problema. Ngunit sa karamihan ng pagkakataon, ito ay nalilihis ng tubo. Ang pagkakalihis na ito, na tinatawag na “impacted tooth”, ay nakakaapekto sa ibang mga ngipin o kaya naman ay nagdudulot ng ‘di kaaya-ayang pakiramdam o matinding pananakit. Ang wisdom tooth ay tinatawag din na “Third Molar.”

Bakit mayroong wisdom tooth?

Ang apat na wisdom tooth o 3rd molar ay bahagi ng kumpletong bilang ng ngiping ng isang normal na tao. Sinasabing ang bilang ng kumpletong ngipin ng isang taong nasa hustong gulang ay 32: 16 sa itaas, at 16 din sa ibaba. Sa kasamaang palad, ang wisdom teeth na pinakahuling tumutubo ay kadalasang wala nang puwesto sa panga, kung kaya madalas din na nakalihis ang pagtubo ng mga ito. Sa ganitong kondisyon, mas nagiging sagabal ang huling apat na ngipin kaysa makatulong sa iba pang mga ngipin sa pagnguya ng pagkain. At dahil dito, mas pinipili ng mga dentista na bunutin na lamang ang wisdom teeth.

Ayon sa Siensya ng Ebolusyon, ang pagkakaroon ng wisdom teeth ay higit na mahalaga sa panahon na hindi pa alam ng mga tao ang pamamaraan ng pagluluto ng pagkain, sapagkat ang mga pagkaing hilaw ay matigas at mahirap nguyain. Sa madaling salita, kailangang ng mga sinaunang tao ang karagdagang ngipin para makanguya ng matigas na pagkain. Ngunit sa makabagong panahon, kung saan napapalambot na ang mga pagkain sa pamamagitan ng pagluluto, ang wisdom tooth ay isa na lamang sagabal at maaari nang tanggalin.

Paano tinatanggal ang Wisdom Tooth?

Unang-una, dapat ay matukoy kung ano ang eksaktong posisyon ng wisdom teeth at kung kailangan nga ba itong tanggalin. Natutukoy ito sa pamamagitan ng X-ray sa bibig. Matapos ang X-ray, sinusuri ng dentista kung maayos ang tubo o “impacted” ang pagtubo ng wisdom tooth. Kung ito nga ay nalihis, maari itong tanggalin na. Depende rin sa posisyon ng ngipin, maari itong bunutin sa simpleng pamamaraan. Ngunit kung ito ay hindi pa lubusang tumutubo sa panga, maari itong operahin at hiwain ang bahagi ng panga na tutubuan ng wisdom teeth at saka kukunin ang tutubo pa lang na ngipin. Matapos ang pagbunot, ang panga ay maaaring mamaga, magdugo, at makaranas ng pananakit. Makabubuting inuman ng antibiotic at painkillers sa unang linggo matapos ang pagbunot. Upang mas maliwanagan, mas makabubuting lumapit sa pinakamalapit na dentista.