Bakit nagkakaroon ng nana?

Ang nana, o pus sa Ingles, ay ang madilaw o maputing likido na lumalabas sa bahagi ng katawan na may sugat o anumang kondisyon na may impeksyon. Ang pag-nanana ay isang indikasyon impeksyon ng bacteria sa katawan. Nabubuo ang nana mula sa mga naipon na leukocytes o white blood cells na namatay sa dahil sa pakikipaglaban sa impeksyon ng mga bacteria. Ang pagnanana ay maaaring lumitaw sa iba’t ibang anyo: ang tipikal nitong itsura ay madilaw na likidong umaagos mula sa sugat, o kaya naman ay lumitaw ito bilang abscess o nana na nakabalot sa manipis na balat. Ang mga tagihawat at pigsa sa balat ay mga anyo rin ng nana na dulot ng impeksyon ng bacteria sa ibabaw na patong ng balat o epidermis.

Narito ang ilan sa mga karaniwang kondisyon na nakikitaan ng pagnanana:

  • Sore eyes na dulot ng bacterial infection
  • Tonsillitis
  • Tagihawat
  • Pigsa
  • Sugat na hindi nalinis at nagkaroon ng impeksyon

 

May nana sa sugat o tahi ng operasyon

Q: May nana ang dulo ng sugat ko, Caesarian Section po ako more than one month na ang nakakalipas, nahila ko ng bahagya ang tahi ko doon nag umpisa ang nana, tama po ba na nag inom ako ulit ng Cefalexin? Ano po ba gagawin ko?

A: Kung ang isang sugat ay merong nana ito ay isang indikasyon na may mikrobyo doon at nangangailang ng antibiotics. Subalit iba’t iba ang antibiotics at maaaring hindi angkop ay Cefalexin para sa impeksyon, pamamaga, o nana sa iyong sugat. Kaya ang payo ko sayo ay magpatingin muli sa doktor o OB-GYN na siyang gumawa ng operasyon upang sya ang makapag-reseta ng angkop na antibiotics. Dapat ito’y maagapan para hindi lumala ang impeksyon.