Paano makaiwas sa pasma o muscle spasm?

Ayon sa mga matatanda, makakaiwas sa pasma kung iiwasan ang biglaang pagbabago sa kondisyon ng katawan: hindi dapat biglang mababasa, maiinitan, malalamigan, o magugutom. Ang mga ito’y walang basihan sa modernong Medisina ngunit kung ito ay gumagana sa iyong karanansan, walang masama na subukan ito. Kung hindi naman maiiwasan na magtrabaho at mapagod, mangyari lamang na sabayan ito ng pag-inom sa mga inuming may electrolytes gaya ng mga sports drink upang mapalitan ang nawawalang electrolytes sa katawan. Maaaring magpatingin sa Occupational Therapist o Rehabilitation Medicine Doctor upang malaman kung nasososobrahan ba o hindi wasto ang paggamit mo sa iyong mga kalamnan. Ang pagbawas sa trabaho, ang sapat pamamahinga, at ang regular na pag-eehersisyo ay maaari ring makatulong sa pag-iwas sa pasma.

Ano ang gamot sa pasma o muscle spasm?

Ang pasma o muscle spasm ay maaaring malunasan sa pamamagitan ng ilang pamamaraan. Ang ilan ay sumusunod:

  1. Pag-inom ng pain relievers – Mga gamot gaya ng Ibuprofen, Paracetamol, at Mefenamic Acid ay maaaring makatulong na mawala sa kirot at iba pang pakiramdam na iniuugnay sa pasma.
  2. Hilot o massage  – Ang pag-hilot o pag-haplos sa apektadong bahagi ng katawan ay nakaka-relax sa mga kalamnan at maaaring magpabuti sa pakiramdam ng pasma. Maaaring gamitin ang Efficasent Oil o anumang liniment / ointment sa paghilot.
  3. Ipahinga ang pasmadong bahagi ng katawan – Dahil pag nagpahinga, marerelax ang bahagi ng katawan na may pasma.

Paano malaman kung may pasma?

Ang pagkakaroon ng pasma ay kadalasang natutukoy sa sarili (self-diagnosed) lamang. Sapagkat hindi naman ito nakapagdudulot ng seryosong karamdaman, kadalasan ay hindi na ito nangangailangan pa ng atensyong medikal para matukoy.  Ngunit para makasigurado, maari pa ring lumapit sa doktor. Kadalasan ito ay tinutukoy sa pamamagitan ng pisikal na obserbasyon at sa pamamagitang interbyu o pagtatanong sa pasyente. Maaaring tanungin kung kailan ito nararanasan, kung gaano ito tumatagal, pati na kung gaano ito kadalas nararanasan. Sa mga kaso naman ng pabalik-balik na pasma, maaaring magsagawa ng blood tests upang matukoy kung may kakulangan sa enzyme ng katawan.

Ano ang mga sintomas ng pasma o muscle spasm?

Ang kadalasang sintomas ng pasma ay ang pananakit ng mga kalamnan. Ang kirot na ito ay maaring nagmumula sa isang bahagi lamang at kumakalat sa paligid na kalamnan. Maaaring panandalian lamang o kaya naman ay tumatagal ng ilang oras. Maaaring manikip ang mga kalamnan (contractions) at may kasama pang panginginig, pamamanhid, pagpapawis, at paglitaw ng mga ugat o varicose veins.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kung ang pasma ay nagdudulot ng matinding pananakit at nakakasagabal na pang-araw-araw na gawain, makabubuting magpatingin na sa doktor. Ang malalalang kaso nito ay maaaring sintomas ng mas seryosong karamdaman na nakaaapekto sa nerves at muscles.

Mga kaalaman tungkol sa pasma o muscle spasm

Ang pasma ay isang karamdaman kung saan ang mga kasu-kasuan at kalamnan ay biglaang makakaranas ng pagkirot o hindi komportableng pakiramdam. Walang eksaktong katumbas na kahulugan ang pasma sa Ingles o sa modernong Medisina, subalit ang salitang ito ay maaaring nag-ugat sa salitang “spasm”. Ang kaugnayang ito ay pinalalim pa ng makabagong paliwanag mula sa modernong Medisina na ang pasma ay maaaring dulot sa kapaguran ng mga kalamnan o “musculoskeletal spasm”.

Ano ang sanhi ng pasma o muscle spasm?

Ang tinuturong dahilan ng pagkapasma ng kalamnan ay ang kakulangan ng tubig (dehydration) at electrolytes sa katawan. Ito ay maaaring dahil din sa pagkapagod o sobrang pagtatrabaho (over fatigue) ng mga kalamnan. Maaaring ito rin ay dulot ng ibang sakit gaya ng myotonia, o kaya naman ay dulot ng kakulangan sa ilang enzymes ng katawan gaya ng myophosphorylase, phosphorylase b kinase, phosphofructokinase, phosphoglycerate kinase, at lactate dehydrogenase.

Ayon naman sa klasikong paniniwala, ang pagkapasma ay konektado din sa biglaang pababago ng temperatura sa paligid ng kalamnan. Halimbawa, kung nagtrabaho ng matagal at biglaang babasain ng malamig na tubig ang bahagi ng kalamnan na napagod, mararanasan ang pagkapasma. Bagaman ang paniniwalang ito ay hindi suportado ng siyentipikong pag-aaral. Ayon pa kay Propesor Michael Tan ng UP, ang pasma ay maaaring isang paraan ng katawan upang ipahiwatag na nasosobrahan na ito sa trabaho.

Sino ang maaaring ma-pasma?

Ang pagkakaranas ng pasma ay maaaring maranasan ng kahit na sino. Wala itong pinipiling edad o kasarian.