Pagkahilo sa byahe, paano maiiwasan?

Ang pagkahilo sa byahe o motion sickness ay isang karaniwang kondisyon na maaaring maranasan ng kahit na sino sa tuwing bumabyahe, sa sasakyan man, eroplano, barko, o tren. Dito’y makakaranas ng hindi komportableng pakiramdam gaya ng pagkahilo, pagpapawis nang malamig, pamumutla, panghihina, pagsusuka at pagliliyo. Ang lahat ay maaaring makaranas ng pagkahilo sa biyahe ngunit ito ay mas madalas makaaapekto sa mga batang ang edad ay 2 hanggang 12 na taon, mga buntis, at mga indibidwal na hindi sanay sa pagbabyahe. Ang pagkakaranas ng pagkahilo sa byahe ay buhat ng paggalaw na nakaaapekto sa loob na bahagi ng tenga (inner ear) na siyang responsable sa pagpapanatili ng balanse ng katawan.

670px-Avoid-Motion-Sickness-with-Viban-Eyewear-Step-1

Narito ang ilan sa mga simpleng hakbang na makatutulong para maiwasan ang pagkahilo sa byahe:

1. Pumwesto sa bahaging hindi masyadong mararamdaman ang paggalaw. Kung madalas na nakararanas ng pagkahilo sa byahe, mainam na pumuwesto sa bahagi ng sasakyan na hindi masyadong nararamdaman ang paggalaw. Ito ay kadalasang nasa harapang bahagi na malapit sa drayber ng sasakyan o  anumang uri ng transportasyon.

2. Tumingin sa malayong lugar. Ang pagdungaw sa bintana at pagtanaw sa mga bagay na nasa malayong lugar o pagtingin sa horizon ay makatutulong na mabawasan ang pagkahilong dulot ng motion sickness.

3. Panatilihin sa isang puwesto ang ulo. Kung ulo ay mananatiling nasa isang posisyon lamang, malayong maramdaman ang pagkahilo sa byahe. Makabubuti ang pagsandal ng ulo sa sandalan ng upuan.

4. Huwang maninigarilyo. Nakaka-kontribyut ang paninigarilyo sa pakiramdam ng pagkahilo kung kaya makatutulong ang pag-iwas dito, gayun din sa lugar na may mga naninigarilyo.

5. Iwasang kumain ng mamantika at maanghang na pagkain. Mas mabilis makaramdam ng pagkahilo ang mga taong kumain pa lang ng maaanghang at mamantika. Mabuting iwasan din ito.

6. Huwag uminom ng alak. Kahit naman wala sa byahe, ang pag-inom ng alak ay sadyang nakapagdudulot ng pagkahilo.

7. Uminom ng gamot kontra hilo. Makabibili sa mga suking tindahan at butika ng mga gamot na pangontra sa hilo tulad ng meclizine (Bonamine). Mabuting inumin ito isang oras bago ang byahe.

8. Huwag magbabasa habang nasa byahe. Nakadaragdag lamang ng hilo kung magbabasa habang gumagalaw ang sasakyan.

9. Buksan ang bintana at magpahangin. Kung nahihilo na sa byahe, mainam na buksan ang bintana at magpahangin. Makatutulong ito para mabawasan ang pagkahilong nararamdaman.

10. Umiwas sa mga taong nakararanas din ng motion sickness. Ang simpleng panonood o pakikinig sa taong nakararamdam ng pagkahilo ay maaaring makahawa at magdulot din ng pagkahilo sa byahe.