Q: Ok lang po ba yong hindi dinudugo every month? 2 months po muna bago magkaron or 3 months po, hindi po ba nakakasama yon?
Maraming posibleng sanhi ang hindi buwanang pagdating ng menstruation, o iregular na pagregla sa isang babae. Ang depinisyon ng ‘madalang na pag-regla’ ay higit sa 35 na araw bago dinadatnan, mula sa unang araw ng huling regla hanggang sa unang araw na ikaw ay muling dinatnan. Banggitin natin ang mga karaniwang kadahilanan.
Kung regular parin naman bagama’t matagal ang pagitan, ang tawag dito ay ‘oligomenorrhea’, halimbawa, kung kada 8 na linggo, o eksaktong bawat dalawang buwan ang pagitan ng dalaw, ang maaaring dahilan nito ay:
- Pagbabago ng ‘hormones’ na dala ng pagbabago sa ilang bahagi ng katawan kagaya ng thyroid o ng pituitary gland, na natatagpuan sa ulo.
- Ikaw ba ay mahilig sa sports at athletics gaya ng pagtakbo? Ang mga ‘hardcore’ na atleta, o mga taong mahilig tumakbo o pasukin at iba’t ibang sports ay napag-alamang mas madalang ang pag-regla kompara sa ibang babae.
- Ang PCOS, polycystic ovary syndrome, isang kondisyon kung saan ang mga obaryo ng babae ay napupuno ng maliliit na parang butlig. Ito’y maaari ring sanhi ng madalang na pag-regla.
Kung ang pag-regla naman ay madalang at hindi regular (hindi mo nahuhulaan kung kelan dumadating), ang maaring sanhi nito ay ang sumusunod:
- Pag-inom at pagbabago sa pag-inom ng mga pills at iba pang paraan ng family planning gaya ng ‘injectables’ at mga IUD.
- Stress
- Pagbabago sa pagkain
- Impeksyon, pamamaga, o pagkakaron ng bukol sa iba’t ibang bahagi ng katawan, lalo na sa matris.
- Pag-inom ng iba pang gamot, gaya ng mga ‘pampalabnaw ng dugo’ at iba pa.
Para makasigurado, magpatingin sa OB-GYN o iba pang doktor para sa ikaw ay ma-examine at masuri ang karagdagang mga sintomas upang ikaw ay mabigyan ng kaukulang payo.