Paano makaiwas sa Bipolar Disorder?

Ang pagkakaroon ng bipolar disorder ay hindi kayang maiwasan, bagaman mayroong mga hakbang na maaaring gawin upang makaiwas sa sintomas na mararamdaman:

  • Unang-una, kinakailangan ang regular na gamutan na pangmeyntena sa mood ng tao. Sa paraang ito, maiiwasan ang mga biglaang pagtaas o kaya’y pagbagsak ng mood.
  • Makakatulong din ang  konsultasyon at paghingi ng payo (counseling) mula sa mga eksperto gaya ng psychologist at psychiatrist.
  • Isa pang makakatulong na makaiwas sa mga masasamang epekto ng bipolar disorder ay ang pagsasailalim sa psychotherapy. Kailangan lang sunding mabuti ang lahat ng payo ng eksperto.

Ano ang gamot sa Bipolar Disorder?

Ang taong natukoyan ng pagkakaroon ng Bipolar Disorder ay nangangailangan na ng tuloy-tuloy na gamutan habang buhay. Dahil ang sakit na ito sa pag-iisip ay hindi na natatanggal, kinakailangan ang regular na paggagamot upang makontrol ang mga pabago-bagong emosyon, lalo sa sa panahon ng depresyon at maiwasan ang posibilidad ng pagpapakamatay. May tatlong gamot na kadalasang binibigay sa taong nakakaranas ng Bipolar Disorder: Una ay Mood Stabilizer, pangalawa ang antipsychotics, at ang huli ay anti depressants. Makakatulong din ang Psychotherapy para pabutihin ang pakiramdam ng pasyente.

Ano ang mga Mood Stabilizer na gamot?

Ang mood stabilizers ay binibigay ng doktor sa pasyente upang mapigilan na umabot sa sobrang taas o sobrang baba ang mood. Layunin ng mga gamot na ito na ilagay lamang sa gitna ang mood ng tao. Ang kadlasang binibigay ay Lithium na maaaring tableta, capsule o kaya’y iniinom na likido. Ayon sa mga pag-aaral, nakakatulong ito na pababain ng 70-80% ang dalas at mga sintomas na nararanasan. Mas mababa rin daw ang mga kaso ng pagpapatiwakal sa mga taong gumagamit nito. Kailangan lamang mabantayan ang lebel ng gamot na pumapasok sa katawan sapagkat maaaring makalason ang sobrang lithium.

Ano naman ang Antipsychotics?

Ang mga gamot na antipsychotics ay binibigay din sa pasyenteng may bipolar disorder upang makontrol din ang mga biglaang pagbabago sa mood ng tao. Kadalasang binibigay ang antipsychotics upang maiwasan ang mga halusinasyon na dulot ng psychosis, ngunit natuklasan na nakakatulong din ang mga gamot na ito na ilagay sa gitna ang mood ng tao. Ang psychosis ay isang kondisyon kung saan nakakaranas ng mga bagay na wala sa realidad, maaaring makarinig ng mga boses, makakita ng mga ilusyon at makaisip ng mga imposibleng bagay gaya ng pagpapatiwakal.

Ano ang mga Antidepressant drugs?

Ang isa pang gamot na maaaring ireseta ng psychiatrist ay ang mga antidepressant drug. Tumutulong ito na bawasan ang depresyon na nararanasan sa panahong mababa ang mood ng taong bipolar. Nangangailangan ng maingat na pagbabantay ng eksperto sa paggagamot gamit ang antidepressant. Dahil sa sakit na bipolar, may pagkakataong maaaring biglaang tumaas ang mood mula sa pinakamababa, at ito ay maaaring makasama sa pag-iisip.

Ano ang maaaring ibang epekto ng mga gamot?

Ang mga iniinom na gamot sa bipolar disorder ay maaaring makapagdulot ng ibang epekto sa katawan. Maaaring makaranas ng pakiramdam ng pagsusuka, pagkalagas ng buhok, karagdagang timbang, problema sa atay at bato, at problema sa pakikipagtalik.

 

Paano malaman kung may Bipolar Disorder?

Di tulad ng ibang sakit na nangangailangan ng mga instrumento at eksaminasyon sa laboratoryo, ang paraan upang matukoy ang pagkakaroon ng bipolar disorder ay sa pamamagitan ng pakikipag-usap at obserbasyon lamang. Kadalasan ay nakikipag-usap ang isang psychiatrist, ang doktor sa isip at pag-uugali, sa pasyente at magsasagawa ng detalyadong interbyu. Sa pag-uusap na ito’y inaalam kung gaano kadalas at gaano katagal ang pagbabagong nagaganap sa mood, mga pag-uugali, at mga kinikilos. Detlayado ding hinihingi ang lahat ng mga bagay na nararanasan sa panahong mataas ang pananabik, at sa panahong nakakaranas ng depresyon.

Ang mga kadalasang tinatanong sa interbyu ay ang sumusunod:

  • kasaysayan ng sakit sa pag-iisip sa sarili at sa pamilya
  • Panahon kung kailan mataas at mababa ang mood.
  • Ang lahat ng senyales na napapansin sa panahon ng kagalakan at depresyon
  • Mga naranasang sakit
  • Mga kaganapan sa buhay na nakaapekto sa emosyon
  • Mga iniinom na gamot
  • Oras at tagal ng pagtulog
  • Mga dahilan ng pagkainis
  • Mga nakasanayang gawain gaya ng paninigarilyo at pag-inom

 

Ano ang mga sintomas ng Bipolar Disorder?

Ang pangunahing sintomas ng bipolar disorder ay ang pagkakaroon ng pabago-bagong mood, mula sa matinding kagalakan ay bumabagsak sa depresyon.  Apektado din ang sigla, pag-iisip at kilos ng taong may bipolar disorder. Ang pagkakaranas ng bipolar disorder ay may dalawang bahagi: una ay ang sobrang kagalakan at kasabikan, at ang ikalawa ay depresyon.

Sa pagkakataong nasa mataas ang mood, ang indibidwal ay:

  • sobrang sigla
  • madaldal
  • Maliksi kumilos
  • hindi madaling antukin
  • mas mataas ang kumpyansa sa sarili
  • madaling maguluhan sa pag-iisip
  • madaling mainis

Sa pagkakataon naman na mababa ang mood o nakakaranas ng depresyon, ang indibidwal ay:

  • matinding kalungkutan
  • balisa at mababa ang kumpyansa
  • walang siglang kumilos
  • mas nais na mapag-isa
  • may pag-iisip ng pagpapakamatay
  • kawalan ng interes sa maraming bagay

 

Mga Kaalaman tungkol sa Bipolar Disorder

Ano ang Bipolar Disorder?

Ang Bipolar Disorder ay isang sakit sa pag-iisip kung saan nakakaranas ng mabilis na pagbabago sa mood ng isang tao. Maaaring ang simpleng bagay ay makapagdulot ng matinding kasiyahan sa isang tao na bipolar, at sa isang iglap, bigla itong malulungkot o kaya’y makaranas ng depresyon. Bukod sa pag-uugali, naapektohan din nito ang pag-araw-araw na sigla ng tao. Maaaring sa umaga’y napakasigla, ngunit makalipas ang ilang saglit, ito’y biglang tatamlay. Ito rin ay tinatawag na manic depression.

Sino ang maaaring magkaroon ng Bipolar Disorder?

Ang pagkakaroon ng bipolar disorder ay maaaring maranasan ng kahit na sino, babae o lalaki at sa kahit na anong edad, Ngunit kadalasan, ito’y nagsisimula sa dulo ng adolescence period o sa pagtatapos ng pagdadalaga at pagbibinata.

Ano ang sanhi ng Bipolar Disorder?

Ayon sa mga pag-aaral, malaki ang papel ng genetics sa pagkakaroon ng Bipolar Disorder. Sinasabing isa sa bawat henerasyon ng pamilya ang maaaring makaranas nito. Ngunit bukod sa salik na ito’y namamana, ang kaganapan sa buhay o sa paligid ay maaari ding maging mitsa ng pagkakaroon nito.  Ang mga problema sa hormones at ilang gawain na maaaring makapagbago sa pag-iisip gaya ng adiksyon sa alkohol at droga ay maituturing din na sanhi ng pagkakaroon ng Bipolar Disorder. Ang mga iligal na droga tulad ng coccaine, ecstacy at amphetamine ay maaari namang gumising sa tulog na kondisyon ng Bipolar Disorder.