Paano malaman kung may tigdas o measles?

Ang tigdas o measles ay madaling matukoy sa pamamagitan lang ng obserbasyon (sa hitsura ng mga ‘rashes’) at sa pagsasalaysay ng pasyente kung paano ang takbo ng kanyang pagkakasakit. Dahil madali lamang itong matuloy, walang pagsusuri o laboratory test na kailangan isagawa para sa karaniwang pasyenteng hinihinalang may tigdas.

Subalit sa umpisa, dahil ang pangunahing sintomas ng tigdas ay kahawig ng trangkaso, maaaring mag-request ang doktor ng mga eksaminasyon gaya ng CBC (complete blood count) upang matiyak na hindi dengue o iba pang sakit ang kondisyon na nararanasan ng pasyente.

Ano ang gamot sa tigdas o measles?

Ang sagot ay wala, sapagkat ang tigdas ay isang self-limiting virus o virus na kusang nawawala. Sa madaling salita, kayang labanan ng katawan ang impeksyon ng measles at hindi ito kailangang alalayan ng gamot. Hindi epektibo ang mga antibiotics gaya ng Amoxicillin sa measles.

Sa kabila nito, may mga hakbang na maaaring gawin para mas maging komportable ang isang pasyente na may measles. Narito ang ilan sa mga hakbang na ito.

1. Para sa lagnat na mas mataas sa 38 degrees Celsius (kung sinukat sa kilikili), maaaring uminom ng Paracetamol (500 mg) isang beses kada anim na oras.

2. Uminom ng maraming tubig at iba pang likido upang hindi ma-dehydrate o maubusan ng tubig ang katawan. Tandaan, anumang kondisyon na may lagnat o anumang pagkakasakit ay pwedeng magdulot sa dehydration, na maaaring magpalala sa sakit. Para sa ubo’t sipon ang pag-inom ng mga medyo mainit na inumin o sopas ay nakakapag-bigay ginhawa.

3. Para naman sa ‘red eyes’ o mapulang mga mata, maaaring linisin ito ng cotton balls na may maligamgam na tubig. Huwag kamutin ang mata.

4. Dahil mabilis masilaw o sensitibo ang mga mata na may tigdas, lalo na sa umpisa, umiwas sa maliwanag na lugar. Gumamit ng mga kortina sa loob ng bahay.

5. Magpatingin sa doktor kung may mga komplikasyon o kakaibang sintomas, gaya ng hirap sa paghinga, pag-ubo ng dugo, mataas na mataas na lagnat (lagpas 40 degrees na higit sa 24 oras), pananakit ng tainga, at iba pa.

6. Umabsent muna sa trabaho o iskwelahan habang may tigdas upang hindi makahawa. Umiwas din sa mga bata o buntis lalo na sa mga hindi pa nabakunahan laban sa tigdas.

Paano maka-iwas sa tigdas o measles?

Ang tigdas o measles ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagpapabakuna o immunization (vaccination). Ang bakuna laban sa tigdas (measles vaccine) ay maaaring ibigay bilang isahang turok sa ika-9 na buwan ng bata o pataas. Kasama rin ang measles sa three-in-one na bakuna ang tinatawag na MMR (Mumps o beke, Measles o tigdas, at Rubella o tigdas-hangin). Ito’y maaaring makamtam sa mga klinikang pambata (mula sa inyong pediatrician) o pinakamalapit na ospital.

Maski mga matatanda ay maaaring magpabakuna ng MMR, at ito’y higit na rekomendado sa mga buntis, sapagkat ang tigdas-hangin ay maaaring magsanhi ng komplikasyon sa sanggol. Kung ikaw ay may tigdas, iwasan muna ang pakikihalubilo sa mga tao, lalo na sa mga bata at mga taong wala pang bakuna sa tidgas at hindi pa nagkakaroon nito. Tandaan rin: Ang tigdas ay nangyayari lang isang beses sa buhay ng tao; kung nagkaroon ka na ng tigdas, ligtas ka na sa panibagong pagkakasakit nito.

Ano ang mga sintomas ng tigdas o measles?

Ang mga sintomas ng tigdas o measles ay karaniwang sumusulpot makalipas ang isa hanggang dalawang linggo mula sa pagkakahawa. Ang mga sintomas ay karaniwang tumatagal ng isang linggo at dahan-dahang nawawala.

Mahalaga: Hindi sabay-sabay lumalabas ang sintomas ng tigdas. May tinatawag na ‘prodromal phase’ o pangunahing sintomas na binubuo ng mga sumusunod (maaaring hindi lahat ng ito ay maranasan):

  • Lagnat (pwedeng umabot ang temperatura sa 40 degrees C)
  • Ubo’t sipon
  • Mapulang mga mata (red eyes)
  • Masama ang pakilasa
  • Parang tinatrangkaso
  • Walang ganang kumain

Makalipas ang 2 hanggang 4 na araw pagkatapos ng pagkakaron ng lagnat at iba pang mga pangunahing sintomas, lumalabas na ang ‘rashes’ ng tigdas na nag-uumpisa sa ulo at parang kumakalat pababa sa ibang mga bahagi ng katawan. Ang ‘rashes’ ay maaaring tumagal ng 3 araw hanggang 1 linggo, at ito’y kumukupas sa balat sa gayun ding pagkakasunod-sunod: una itong nawawala sa ulo hanggang sa huling bahagi kung saan ito’y kumalat.

Pag-litaw ng mga ‘rashes’, ang lagnat at iba pang sintomas ay pwedeng mawala subalit maaari ring magpatuloy ang lagnat o sinat ngunit hindi na kasing taas noong una.

Habang nanatili ang rashes (hanggang 5 araw makatapos ang unang pagsulpot nito), ang isang taong may tigdas ay maaaring makahawa ng ibang tao na walang bakuna laban sa measles.

Masama bang mahanginan ang may tigdas hangin?

Q: Masama bang mahanginan ang may tigdas o tigdas hangin?

A: Ang masamang epekto ng ‘hangin’ o ‘nahanginan’ sa katawan ng tao ay isang paniniwala na karaniwan sa ating kultura. Sa kaalamang medikal, walang malakas na ebidensya na nag-uugnay sa pagkakasakit at ‘hangin’ subalit may katotohanan rin naman na kung ang isang tao ay may sakit, magandang iwasan ang anumang matinding init, hangin, lamig, o pagkabasa. Ngunit kung ang pinag-uusapan natin ay hangin na nagmumula sa electric fan, o air-con, wala namang masama dito. Sa katunayan, sino mang may sakit – tigdas, tigdas-hangin, o sinoman – ay dapat maging komportable at maaliwalas ang pakiramdam.

Basahin ang artikulong “Tigdas Hangin” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman.

Mga kaalaman tungkol sa tigdas o measles

Ang tigdas (Ingles: measles; medikal: rubeola) ay isang karamdaman kung saan nagkakaron ng pamamantal o rashes sa buong katawan, pagkatapos ng ilang araw na may mala-trangkasong pakiramdam (lagnat, ubo at sipon, red eyes).

Ito ay karaniwang sakit ng mga bata, at noong unang panahon, isang kasabihan na ang tigdas ay normal na bahagi ng paglaki sa mga bata. Ngayon, dahil sa pagpapabakuna, umoonti na ang mga kaso ng tigdas, ngunit marami paring naapektuhan nito.

Basahin: Mga rekomendadong bakuna para sa mga baby

Ano ang kaibahan ng tigdas sa tigdas hangin?

Magkaiba ang tigdas sa tigdas hangin (Ingles: german measles; medikal: rubella). Mas seryosong karamdaman ang tigdas sapagkat inaapektuhan nito hindi lamang ang balat, kundi ang baga (ubo’t sipon) at maaaring ang tainga. Mas matagal rin ang sintomas ng tigdas (5 hanggang 7 araw) kaysa tigdas-hangin (2 hanggang 3 araw).

Ano ang sanhi ng tigdas?

Ang tigdas ay dulot ng isang virus na ang tawag ay Morbillivirus paramyxovirus. Ito ay maaaring mahawa sa pamamagitan ng paglanghap ng hangin na may taglay ng virus — isang sitwasyon ng maaaring mangyari kung may taong may tigdas na nasa paligid.