Paano makaiwas sa malaria?

Sa ngayon ay wala pang nagagawang bakuna ang mga siyentipiko upang tiyak na makaiwas sa sakit na malaria, ngunit malaki ang papel ng tamang kalinangan sa pagkakaiwas sa sakit na ito. Narito ang ilang mga hakbang na makatutulong na pababain ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na malaria:

  • Iwasan ang mga lugar na may kaso ng malaria. Kung hindi rin naman mahalaga ang pagpunta sa mga lugar na napapabalitang may kaso ng sakit na ito, mas makabubuting umiwas na lamang sa pagbiyahe patungo sa lugar na ito.
  • Regular na mag-spray sa bahay. Matataboy ang mga lamok na nagdadala ng sakit kung regular na magiispray ng gamot kontra sa mga insekto.
  • Gumamit ng kulambo. Isa sa mga pinakasimple at pinakamabisang pang-iwas sa kagat ng lamok ay ang paggamit ng kulambo sa pagtulog.
  • Magdamit ng may mahabang manggas at pantalon. Hanggat maaari, takpan ang balat na nakalabas upang maiwasang makagat ng lamok.
  • Gumamit ng insect repelant. Makatutulong din ang paggamit ng mga lotion o iba pang gamot na ipinapahid sa balat na mahusay sa pag-iwas sa kagat ng lamok.

Laging maging handa at alerto lalo na kung hindi maiiwasang bumisita sa lugar na talamak ang kaso ng malaria.

Ano ang gamot sa malaria?

Ang paggagamot sa sakit na malaria ay nakadepende sa sumusunod:

  • Anong uri ng parasitikong Plasmodium ang nagdudulot ng malaria
  • Kung gaano kalala ang kondisyon ng sakit
  • Saang lugar maaaring nakuha ang sakit
  • Edad
  • Nagbubuntis

Ang mga karaniwang gamot naman na binibigay para sa sakit na malaria ay ang sumusunod:

  • Chloroquine
  • Quinine sulfate
  • Hydroxychloroquine
  • Mefloquine
  • Kombinasyon ng atovaquone at proguani

Ang paggagamot din ay maaaring maiba-iba depende sa resistensya ng parasitikong nakaaapekto sa pasyente. May ilang uri kasi ng Plasmodium na nakabuo ng resistensya sa gamot na chloroquine sa paglipas ng panahon at kinakailangan nang mabigyan ng ibang gamot.

Habang ginagamot, kadalasan ay susuriin ng doktor ang dugo araw-araw upang mabantayan ang progreso ng paggaling. Kung epektibo ang naging gamutan at wala naman komplikasyon na nakuha mula sa paggagamot, ang mga sintomas na dulot ng malaria ay kadalasang nawawala na sa loob ng 48 oras, at tuluyan nang mawawala ang parasitiko sa loob ng 2 hanggang 3 araw.

Paano malaman kung may malaria?

Ang pagkakaroon ng sakit na malaria ay madaling natutukoy sa pamamagitan ng pagsusuri sa dugo o blood test. Dito’y maaaring makatiyak kung:

  • positibo sa sakit na malaria
  • anong uri ng parasitiko ang nagdudulot ng sakit
  • anong gamot ang dapat ibigay para sa sakit

Ang pagsusuring ito ay ginagawa sa laboratoryo ay sinisilip sa ilalim ng microscope ang sample ng dugo mula sa pasyenteng pinaghihinalaang may sakit na malaria. Ang resulta ng pagsusuri sa dugo ay maaaring makuha ng mabilisan o kaya ay pagkatapos ng ilang araw.

Ang ilan pang pagsusuri at eksaminasyon ay maaari ding isagawa sa mga pasyenteng pinaghihinalaan may sakit. Maaaring ito ay ang sumusunod:

  • Pagsusuri sa atay upang matukoy kung gaano kalala ang pinsalang dulot ng sakit sa atay
  • Complete Blood Cvount o CBC upang matukoy kung mayroon nang kaso ng anemia dahil sa sakit na malaria
  • Pagsusuri ng blood glucose o sugar upang masukat din ang label ng asukal sa dugo na apektado rin ng sakit.

Ano ang mga sintomas ng Malaria?

Ang pagkakaranas ng mga sintomas ng sakit na malaria ay kadalasang nagsisimula isang linggo matapos makagat ng apektadong lamok. Ang mga sintomas ng sakit na ito ay binubuo ng serye ng pabalik-balik na pag-atake ng lagnat na at iba pang kondisyon gaya ng sumusunod:

  • Katamtaman o malalang panginginig ng mga kalamnan
  • Mataas na lagnat
  • Matinding pagpapawis

Ito rin ay maaaring may kaakibat pa na ibang karamdaman gaya ng sumusnod:

  • Pananakit ng ulo
  • Pagsusuka
  • Pagtatae
  • Madaling pagkapagod
  • Pamamaga ng lapay
  • Pananakit ng mga kalamnan

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Agad na magpatingin sa oras na makaranas ng mataas at pabalik-balik na lagnat lalo na kung nanggaling sa lugar na may mga kaso ng malaria. Maaaring lumapit sa mga institusyon gaya ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na bihasa sa mga kaso ng karamdamang gaya ng malaria.

 

Mga kaalaman tungkol sa Malaria

Ang sakit na malaria ay isang malubha at nakamamatay na sakit na dulot ng impeksyon ng ilang uri ng parasitikong Plasmodium na kadalasang naipapasa naman sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Ito ay nagdudulot ng pabalikbalik at malubhang lagnat na may kasama pang panginginig ng katawan o kombulsyon, at nakapagdudulot ng kamatayan sa humigit kumulang isang milyong katao sa buong mundo kada taon.

Gaano kalaganap ang sakit na Malaria?

Ang sakit na malaria ay nakaaapekto sa ilang mga bansa sa mundo partikular sa mga lugar na malapit sa tropiko gaya ng mga bansa sa Africa, Gitnang Amerika, Timog Asya, at Timog-Silangang Asya, kabilang na ang Pilipinas. Sa taong 2013, tinatayang aabot na lamang sa 7,500 ang kaso ng malaria sa ilang mga probinsya ng Pilipinas na pinakamataas ay sa isla ng Palawan. Ang mga kasong ito ay bumaba na ng 83% mula sa taong 2005.

Ano ang sanhi ng Malaria?

Ang sakit na malaria ay dulot ng impeksyon ng parasitikong Plasmodium na naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng apektadong lamok. Ang parasitiko ay mananatili sa atay hanggang sa ito ay lumaki at saka umaatake sa red blood cells ng dugo upang magparami. Sila’y naghihintay naman ng bagong kagat ng lamok upang sumama sa laway nito at makapang-hawa na naman sa panibagong indibidwal.

Ang mga parasitikong plasmodium ay maaari ding maipasa ng ina sa kanyang bagong silang na anak, sa pagsasalin ng dugo, o kaya sa paggamit ng karayom na naunang tinurok sa apektadong tao.

Sino ang maaaring magkasakit ng Malaria?

Ang mga taong naninirahan sa mga lugar na talamak ang sakit gaya ng mga bansang nasa rehiyong tropiko ang may pinakamataas na panganib ng pagkakaroon ng malaria. Mataas din ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito sa mga kabataan, mga dayuhang manlalakbay at mga inang nagbubuntis. Siyempre pa, ang kakulangan ng kalaman, kahirapan, at kakulangan ng kalingang pangkalusugan ay nakapagpapataas din ng panganib ng pagkakaroon ng sakit na ito.

Ano ang maaaring komplikasyon ng Malaria?

Ang pagkakaroon ng seryosong sakit ng malaria ay maaaring makamatay sapagkat maaari itong makaapekto sa ilang mahahalagang bahagi ng katawan. Maaari itong magdulot ng ilang kondisyon sa utak gaya ng pamamaga at pagkasira nito. Maaari din nitong maapektohan ang daluyan ng paghinga, atay, lapay at bato. Maaari rin itong magdulot ng malalang kaso ng anemia at pagbagsak ng lebel ng asukal sa dugo.