Paano makaiwas sa COPD?

Ang pagkakaroon ng sakit na COPD ay may malinaw na dahilan, at iyon ay ang paninigarilyo. Kung kaya, malinaw rin ang paraan para ito ay maiwasan. Huwag nang manigarilyo o kaya’y itigil na ang nakasanayang gawain na ito. Madaling sabihin ngunit mahirap gawin lalo na sa mga taong nasanay na at ginawa na itong parte ng kanilang buhay. Upang epektibong matigil ang paninigarilyo, kinakailangan ang disiplina sa sarili at pagsunod sa ilang programa na tumutulong sa pagtigil nito. Makatutulong din ang ilang gawaing at aktibidad, gaya ng regular na pag-eehersisyo at pagkain ng masusustansya, na nakapagpapasigla ng kabuuang kalusugan ng tao pati na ang mga baga.

Ano ang gamot sa COPD?

Ang sakit na COPD ay nagagamot at kung kaya, hindi dapat lubusang mabahala. Bagaman ang gamutang ito ay mangangailangan ng masusing disiplina at kooperasyon. Ang paggagamot sa sakit na COPD ay mayroong apat na layunin:

  • Pabagalin ang progreso ng sakit
  • Bawasan ang nararansanang mga sintomas
  • Pabalikin ang dating kalusugan
  • Iwasan ang mga susunod pang pag-atake ng sakit

Bago ang lahat, kinakailangang itigil nang tuluyan ang paninigarilyo, sapagkat ito ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng sakit na ito. Pagkatapos nito’y maaaring resetahan ng ilang gamot na makatutulong pahupain ang mga sintomas na maaaring maranasan. Narito ang ilan sa mga gamot na pinapainom sa mga pasyenteng may COPD:

  • Bronchodilators. Ito ang mga gamot na kadalasang naka-inhaler. Tumutulong ito na pahupain at paluwagin ang namamagang mga tubong daluyan ng hangin. Kabilang dito ang albuterol, levalbuterol, tiotropium, at salmeterol.
  • Nilalanghap na steroid. May ilang gamot na corticosteroid na tumutulong paluwagin ang mga daluyan ng hangin at pinipigilan  ang mga susunod pang malalalang pag-atake ng sakit. Kabilang dito ang fluticasone at budesonide.
  • Iniinom na steroid. May ilan ding uri ng gamot na iniinom na makatutulong din pahupain ang mga katamtamang sintomas ng sakit na COPD. Bagaman ang mga ito ay may epekto gaya ng diabetes, katarata, karagdagang timbang, osteoporosis, at ilang mga impeksyon.
  • Phosphodiesterase-4 inhibitors. Ito ang bagong uri ng gamot na binibigay para sa malalalang kaso ng COPD. Halimbawa nito ay ang roflumilast. Tumutulong din ito na pahupain ang pamamaga sa daluyan ng paghinga.
  • Theophylline. Ito ang murang gamot na inirereseta para sa mga sintomas ng sakit na COPD. Tumutulong ito na paluwagin ang daluyan ng hangin at pahupain ang matinding pag-uubo na dulot ng sakit na COPD.
  • Antibiotic. Ang pagkakaroon ng mga impeksyon sa daluyan ng paghinga ay maaaring makapagpalala ng kondisyon. Kung kaya, ginagamitan din ng antibiotic ang pagkakaroon ng sakit na COPD.

Minsan pa, sa mga malalalang kondisyon na mayroong pagkasira ng baga, maaaring magsagawa ng transplantasyon o pagpapalit sa nasirang baga ng isang bago at malusog. Ito ay isang major na operasyon na kailangang paghandaan ng husto.

Paano malaman kung may COPD?

Ang sakit na COPD ay kadalasang nasusuri lamang sa panahon na ito ay malala na at mahirap nang maagapan pa. Ito’y sapagkat kadalasan nagpapatingin lamang ang mga taong mayroong ganitong sakit kung kailan sila’y dumadanas na ng mga malubhang sintomas ng COPD. Kung kaya, mahalagang magpatingin agad at matukoy kung positibo sa COPD habang maaga pa. Upang matukoy ang pagkakaroon ng COPD, maaring isagawa ang mga sumusunod na pagsusuri:

  • Pulmonary function test. Gumagamit ng spirometry upang masukat ang pangkabuuang kalusugan ng mga baga. Ang pasyente ay pinabubuga ng hangin sa isang tubo na konektado sa intrumetong spirometer na susukat naman kung ang baga ay malusog.
  • X-ray sa dibdib. Maraming sakit at kondisyon sa baga ang maaaring matukoy sa pamamagitan ng X-ray sa dibdib. Kabilang na ang sakit na COPD.
  • CT Scan. Madaling natutukoy ang pagkakaroon ng emphysema, isang sakit na bumubuo sa COPD, gamit ang computerized tomography scan. Gamit ito, nasisilip ang maliliit na detalye ng baga, maging ang maliliit na alveoli na apektado ng sakit na ito.
  • Arterial blood gas test. Sa pamamagitan ng pagsusuring ito, natutukoy ang kakayanan ng baga na magbigay ng oxygen sa dugo at kunin ng carbon dioxide dito. Ang hindi balanseng lebel ng oxygen at carbon dioxide ay maaarig nangangahulugan ng pagkakaroon ng COPD.

 

 

Ano ang mga sintomas ng sakit na COPD?

Ang pagkakaranas sa mga sintomas ng sakit na COPD ay hindi agad lumalabas hanggat hindi ito nakapamiminsala ng malaki sa baga na habang tumatagal ay lumalala pa nang husto. Narito ang ilan sa mga sintomas na maaring maranasan sa pagkakaroon ng malalang kaso ng COPD.

  • Ubo na tumatagal ng 3 buwan o higit pa.
  • Hirap sa paghinga lalo na pagkatapos ng pagkikilos
  • Matundog na paghinga (wheezing)
  • Paninikip ng dibdib
  • Pagkakaroon ng plema sa umaga
  • Pabalik-balik na pag-ubo na may kasamang plema na maaring kulay dilaw, berde o walang kulay
  • Pag-aasul ng labi at mga kuko
  • Madalas na pagkakaroon ng impeksyon sa baga
  • Kawalan ng lakas sa pagkilos
  • Di inaasahang pagbawas ng timbang

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kinakailangan ang agarang atensyong medikal sa oras na makaranas ng sumusunod:

  • Hindi makahinga
  • Matinding pananakit ng dibdib
  • Hirap sa paghinga na halos hindi na makapagsalita

Sa oras na madiagnose pa lang ng sakit na COPD, tiyakin na ang regular na pagpapatingin ng kondisyon sa pagamutan. Tandaan na ang sakit na ito progresibo kung hindi gagamutin. At kung mapapabayaan, ay maaaring humantong mas malalalang komplikasyon.

Mga kaalaman tungkol sa Chronic Pulmonary Obstructive Disease o COPD

Ang Chronic Pulmonary Obstructive Disease o COPD ay ang tumutukoy sa mga sakit na nakaaapekto sa baga at sa daluyan ng paghinga na siyang nagdudulot ng pagbabara sa daluyan ng hangin at hirap sa paghinga. Ang dalawang kondisyon na karaniwang bumubuo sa sakit na ito ay ang emphysema at chronic bronchitis.

Ang emphysema ay ang sakit na tumutukoy sa unti-unting pagkasira ng mga mga alveoli, ang mga mala-ubas na dulo ng mga maliliit na tubong (bronchioles) daluyan ng hangin sa baga. Ang chronic bronchitis naman ay ang sakit na tumutukoy sa pamamaga ng pang-ibabaw na patong ng mga tubong daluyan (bronchial tubes) ng hangin papunta at palabas ng baga.

Ang pinsala sa baga na dulot ng sakit na COPD ay hindi na maibabalik sa dati, kung kaya makabubuting maagapan kaagad ang sakit bago pa ito makaapekto sa buong baga.

Gaano kalaganap ang sakit na COPD sa Pilipinas?

Lubos na nakababahala ang paglaganap ng sakit na COPD sa Pilipinas. Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto sa Philippine College of Chest Physicians (PCCP), tinatayang aabot sa 20% ng populasyon ng bansa sa taong 2014 ang apektado ng sakit na COPD at patuloy pang dumadami. At hindi lahat ng kabilang sa populasyon na ito ay batid na sila ay mayroon nang COPD.

Ano ang sanhi ng sakit na COPD?

Ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng sakit na COPD ay ang paninigarilyo ng mahabang panahon. Ang usok na nagmumula sa sigarilyo na direktang pumapasok sa baga ang siyang nagdudulot ng iritasyon sa mga tubong daluyan ng hangin, pati na ang mismong baga. Sinasabing 20% ng mga naninigarilyo ay maaaring magkaroon ng sakit na ito.

Bukod sa paninigarilyo, ang mga taong nakalalanghap ng usok mula sa naninigarilyo (2nd hand smoke) ay maaari ding magkaroon ng sakit. Gayundin ang mga taong palagiang nakalalanghap ng polusyon sa hangin gaya ng usok mula sa mga sasakyan at mga pabreka.

Sino ang maaring magkasakit ng COPD?

Ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na COPD ay pinakamataas sa mga taong dumadanas ng kondisyon o nakasanayan na ang mga sumusunod:

  • Naninigarilyo. Ang mga taong “chain smoker” ang may pinakamataas na posibilidad na magkaroon ng sakit na COPD. Apektado rin ang mga taong tumatanggap ng 2nd hand smoke na nagmumula sa mga taong naninigarilyo.
  • Pagkakaroon ng hika at naninigarilyo. Higit na mataas rin ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na COPD sa mga taong may hika at naninigarilyo pa.
  • Malayang nakalalanghap mga kemikal at alikabok. Isa ring tinuturing na salik sa pagkakaroon ng COPD ay ang pagtatrabaho sa mga pagawaan o pabreka na mayroong mga kemikal at alikabok. Ang matagalang eksposyur sa mga ito ay nakadaragdag ng posibilidad ng pagkakasakit.
  • Edad. Ayon din sa mga estadistika, ang pagkakaroon ng sakit na COPD ay pinakamataas sa mga taong ang edad ay 35-40. Sinasabing dito nagsisimulang maranasan ang mga sintomas ng sakit.
  • Namamana. Maaari din daw maapektohan ang kalusugan ng taong may kondisyon na 1-antitrypsin deficiency. Ito ay isang pambihirang sakit na genetiko na namamana mula sa mga magulang.

Anu-ano ang maaaring komplikasyon ng sakit na COPD?

Ang mga taong dumadanas ng malalang kondisyon ng COPD ay di malayong makaranas ng mga komplikasyon na nakaaapekto rin sa baga at mga tubong daluyan ng hangin. Maaari silang magkaroon ng mga impeksyon sa baga at humantong sa pagkakaroon ng pulmonya, tuberculosis, at sunod-sunod na mga sipon at trangkaso. Maaari ding tumaas ang presyon ng dugo lalo na sa mga ugat na nagdadala ng dugo sa baga. Tumataas din ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga sakit sa puso gayundin ang pagkakaroon ng kanser sa baga. Siyempre pa, ang mga taong mayroong sakit na ito ay maaari ding dumanas ng depresyon, lalo na kung hindi na niya nagagawa ang mga dating nakasanayan niyang gawin.

Paano makaiwas sa hika o asthma?

Dahil walang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng hika, ang tangi lamang magagawa upang makaiwas sa sintomas ng sakit ay ang pag-iwas sa mga “triggers” na nakapagpapasimula ng atake ng hika. Ngunit bukod dito, maari ding sundin ang mga sumusunod na hakbang:

  • Bantayan ang paghinga
  • Agapan agad ang mga pangunahing senyales ng atake ng hika
  • Inumin nang tama ang mga niresetang gamot.
  • Magpabakuna laban sa trangkaso at iba pang sakit na maaring makaapekto sa baga
  • Regular na magpatingin sa doktor upang mabantayan ang pagbuti o paglala ng kaso ng hika.

Ano ang gamot sa hika o asthma?

Sa ngayon, wala pang gamot ang makapagpapagaling sa mismong sakit na hika. Ang tanging meron lang ay mga gamot na maka-kokontrol sa mga sintomas na nararanasan. Ngunit bago ang lahat, dapat ay maintindihan muna kung ano ang mga sanhi at “triggers” na makapagpapasimula ng atake ng hika sapagkat para maging pinakamabisa ang mga gamot sa hika, dapat ay maiwasan din ang mga nakapagdudulot nito. Ang gamot sa hika ay binubuo ng mga anti-inflammatory na gamot at mga bronchodilators na tumutulong na paluwagin ang daluyan ng paghinga. Ang mga ito ay kadalasang ginagamit sa pamamagitan ng inhalers na maaaring bitbitin o kaya ay nebulizer o breathing machine, ngunit maaari din naman na iniinom. Kumunsulta sa doktor o pulmonologist upang malaman kung ano ang nararapat na gamot para sa hika.

Paano malaman kung may hika o asthma?

Sa simula, ang pagkakaroon ng hika ay hindi agad natutukoy sapagkat ang iba’y wala namang malinaw na sintomas na pinapakita. Upang matukoy ang pagkakaroon ng hika, maaaring isagawa ang ilang pagsusuri sa baga at daluyan ng paghinga. Maaaring gumamit ng spirometry kung saan sinusuri ang nagaganap na paninikip ng daluyan ng paghinga sa pamamagitan ng pagsukat sa hangin na pumapasok sa baga. Maaari din magsagawa ng Peak Flow Test upang masukat kung gaano kalakas ang baga. Ang anumang senyales ng panghihina ng baga ay maaring dahil sa hika. Maaari din suriin ang baga sa pamamagitan ng X-ray para matanggal ang posibilidad ng pagkakaroon ng ibang sakit sa baga.

Ano ang mga sintomas ng Hika o asthma?

Ang pamamaga at sobrang mucus sa mga daluhan ng paghinga ang nagdudulot ng mga sintomas na nararanasan sa pagkakaroon ng hika. Ang mga sintomas na maaaring maranasan kasabay ng atake ng hika ay ang sumusunod:

  • Pag-ubo, lalo na sa gabi
  • Matunog na paghinga o wheezing
  • Hirap sa paghinga
  • Paninikip ng dibdib
  • Panghihina
  • Hirap sa pagtulog

Sa ibang kaso naman kung saan malala ang atake ng hika, ang indibidwal ay maaaring makaranas ng sumusunod:

  • Pamumutla
  • Pagpapawis
  • Mabilis at putol-putol na paghinga
  • Hirap sa pagsasalita
  • Pag-aasul ng labi at mga kuko

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang mga sintomas ng karaniwang kaso ng hika ay madali namang nalulunasan sa pamamagitan ng mga gamot na nireseta para sa hika. Ngunit sa pagkakaroon ng malalang kaso ng hika, maaaring maging sobrang mapanganib at makamatay. Ang malalang kaso ng hika ay maaaring ituring na emergency kung nahihirapan na sa paghinga at hindi bumubuti ang pakiramdam kahit pa may gamutan.

 

Mga kaalaman tungkol sa hika o asthma

Ang hika o asthma ay isang karaniwang kondisyon kung saan nagkakaroon ng paninikip at pamamaga sa daluyan ng paghinga, at dahil dito, nakakaranas ng pag-ubo at hirap sa paghinga. Minsan, ang pag-atake ng hika ay nagiging sagabal sa mga gawain lalo na kung ang mga sintomas na nararanasan ay mas matindi. Sa ngayon ay wala pang gamot na makapagpapagaling sa mismong hika, ang tangang nagagawa lang ay kontrolin ang mga sintomas na nararanasan.

Ano ang sanhi ng hika?

Wala pang katiyakan kung ano nga ba ang sanhi ng pagkakaroon hika, ngunit sabi ng ilang eksperto, ito raw ay namamana mula sa magulang na may hika. Ang tanging malinaw lang, mayroong “triggers” na nakapagpapasimula ng atake ng hika.

Ano ang mga “triggers” ng atake ng hika?

Ang pag-atake ng hika ay maaaring magsimula dahil sa ilang triggers. Maaaring ang mga ito ay nagdudulot ng iritasyon o allergic reaction sa daluyan ng paghinga kung kaya’t nagkakaroon ng pamamaga at paninikip. Narito ang ilan sa mga tinuturong triggers ng hika:

  • Mga allergens gaya ng alikabok, pollen mula sa halaman, at balahibo ng hayop.
  • Impeksyon sa daluyan ng pag-hinga gaya ng sipon at ubo
  • Pagpapagod
  • Malamig na hangin
  • Usok mula sa mga sasakyan at pabrika
  • Mga gamot na iniinom gaya ng apirin, ibuprofen, at naproxen
  • Stress
  • Buwanang dalaw sa mga kababaihan

Sino ang maaring magkaroon hika?

Ang pagkakaroon ng hika ay pinakamataas kung ikaw ay may kadugong mayroon ding hika. Mataas din ang posibilidad ng pagkakaroon nito kung mayroon allergies sa ilang mga bagay, o kung sobra ang timbang o overweight. Ang mga taong naninigarilyo ay may posibilidad din na magkaroon ng hika, gayundin ang paninigarilyo habang buntis na maaaring maipasa sa dinadalang bata.