Paano makaiwas sa Lung Cancer (Kanser sa Baga)?

Walang kasiguraduhan kung paano talagang maiiwasan ang pagkakaroon ng kanser sa baga ngunit maari naman mabawasan ang posibilidad na magka-kanser kung susundin ang sumusunod:

  • Itigil ang paninigarilyo
  • Iwasan ang mga taong naninigarilyo
  • Ipasuri ang tahanan kung may bakas ng radon.
  • Iwasan ang mga carcinogenic na materyal gaya ng asbestos.
  • Kumain ng masusustansyang pagkain.
  • Mag-ehersisyo ng madalas

Ano ang gamot sa Lung Cancer (Kanser sa Baga)?

Kung ang kanser sa baga ay nasuri agad sa simulang antas pa lamang (Stage I o II), maaaring tanggaling ang tumubong tumor sa baga sa pamagitan ng operasyon o surgery. Subalit sa malalang kaso na kung saan kumalat na ang kanser sa mga kulani o iba pang bahagi ng katawan, ang sakit ay hindi malulunasan ng operasyon lamang. Chemotherapy ang isinasagawa sa mga malalang kaso at kumalat nang cancer sa katawan. Ang chemotherapy ay maaring iniinom o tinuturok. Gayunpaman, kadalasan ay may masasamang epekto sa katawan ang pagpapasailalim sa chemotherapy. Maaari itong magdulot ng pagsusuka at pagkalagas ng buhok.

Pwede rin isa-ilalim sa radiotherapy ang pasyente na may lung cancer. Layun ng radiation na paliitin ang mga namuong tumor at pigilan ang pagkalat nito sa katawan.

Kaakibat ng sakit na kanser ay ang matinding pananakit na mararamdaman. Kaya naman, binibigyan din ng gamot na pain killers, gaya ng hydrocodone at morphine, ang mga pasyenteng may kanser sa baga.

Iba pang gamot sa lung cancer:

  • Targeted Therapy gamit ang monoclonal antibodies at tyrosine kinase inhibitors.
  • Laser Therapy at Photodynamic Therapy – gumagamit ng mga laser o ilaw upang patayin ang cancer cells na maaring bumara sa daluyan ng pag-hinga.
  • Electrocautery – kinukuryente hanggang masunog at mamatay ang tumor na nabuo.
  • Cryosurgery – pinapalamig hangang manigas at mamatay ang tumor

Paano malaman kung may Lung Cancer (Kanser sa Baga)?

Bukod sa mga sintomas na maaaring mapansin sa mga malalang kaso ng kanser, may ilang paraan pa upang masuri ang kanser sa baga. Maaaring ito ay sa pamamagitan ng imaging tests tulad ng x-ray, CT Scan at PET Scan. Gamit ang mga instrumentong ito, malalaman kung gaano kalawak ang bahagi ng katawan na apektado na kanser na nagsimula sa baga.

Maari din magsagawa ng pagsusuri sa likido na nagmula sa baga gaya ng plema o laway. Makikita rito kung mayroong namumuong cancer cells sa baga.

Ang pinaka-epektibong paraan upang malaman kung may kanser sa baga ay ang pagsasagawa ng biopsy. Sa paraang ito, kumukuha ng maliit na bahagi ng tumor sa baga upang pag-aralan. Kapag nakumpirma ang presensya ng kanser sa baga, magsasagawa pa ng karagdagang examinasyon upang matukoy ang lawak ng apektadong bahagi ng katawan at malaman kung anong antas na ang kanser.

Ano ang mga antas o “stages” ng Lung Cancer?

Ang mga antas ng kanser sa baga ay nahahati sa kung gaano kalawak ang bahagi ng katawan na apektado ng tumor na nag-umpisa sa baga. Kinokonsidera ang sukat o laki ng tumor, gayundin ang pagkalat ng cancer cells sa mga kulani at iba pang bahagi ng katawan. Mahalagang matukoy ang antas ng kanser upang malaman kung paano ang gamutan na isasagawa sa pasyente.

  • Stage 0 – Sa pagsisimula ng kanser sa baga, ang maliit na kanser ay nasa isang bahagi ng baga pa lamang at hindi pa kumakalat sa mga kadikit na bahagi.
  • Stage I – Ang kanser na ngayon ay isa nang ganap na tumor ay makikita lamang sa baga at hindi pa kumakalat sa mga kulani o iba pang bahagi ng katawan. Malaki ang posibilidad na maagapan ang sakit sa antas na ito kung matatanggal ang maliit na tumor sa baga sa pamamagitan ng operasyon.
  • Stage II – Mas malaki na ang tumor sa baga sa antas na ito at maaring nagsisimula nang kumalat sa iba pang bahagi ng baga at sa mga kalapit na kulani. Maaari pang rin matanggal ang malaking tumor sa pamamagitan ng operasyon.
  • Stage III – Sa antas na ito, mas laganap na ang kanser at ang tumor sa baga ay mahirap o imposible nang matanggal pa sa pamamagitan ng operasyon. Kumalat na rin ang tumor sa mga istrakturang nasa labas ng baga at sa mga kalapit na kulani gaya ng sa dibdib.
  • Stage IV – Sa malalang antas ng kanser, kumalat na ang tumor sa iba pang bahagi ng katawan na malayo sa bahagi ng dibdib.

Ang kanser sa baga na nasa ikatlo at ikaapat na antas ay maituturing na malala na at hindi malulunasan ng simpleng operasyon lamang. Kung ang kanser ay nagsimula nang kumalat sa mga kulani na malayo sa bahagi ng dibdib, o tumubo na sa ibang bahagi ng katawan gaya ng puso at mga daluyan ng dugo, mahirap o imposible nang matanggal pa ang sakit na ito.

Ano ang mga sintomas ng Lung Cancer (Kanser sa Baga)?

Gaya rin ng ibang uri ng kanser, hindi agad nagpapakita ng sintomas sa mga unang antas ng lung cancer. Kaya naman sa karamihan ng kasong ito, nasusuri lamang ang sakit kung ito ay nasa stage 3 na o yung malalang antas ng sakit.

  • Ang malalang kaso ng lung cancer ay may sintomas na:
  • Hindi maalis-alis at pabalik-balik na ubo na kung minsan ay may kasamang dugo.
  • Pagkakaroon ng iba pang sakit sa baga tulad ng bronchitis at pulmonya.
  • Hirap sa pag-hinga at pananakit ng dibdib.
  • Pamamaga ng leeg at mukha
  • Panghihina at pananakit ng balikat at mga kamay
  • Madaling mapagod at pangihihina ng katawan
  • Kawalan ng gana sa pagkain at mabilis na pangangayayat.

Mga kaalaman tungkol sa Lung Cancer (Kanser sa Baga)

Lung Cancer

Ang lung cancer o kanser sa baga ay isang uri ng kanser na umaatake sa baga. Bagaman ito ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa mga sakit na kanser, mapa sa kababaihan man o sa kalalakihan, ito rin naman ang pinakamadaling maagapan. Kadalasan ay naididikit ang sakit na ito sa paninigarilyo, kung sa bagay, apat sa bawat limang kaso ng kanser na ito ay dulot ng paninigarilyo.

Ano ang mga sanhi ng kanser sa baga?

Mayroong ilang bagay na nakapagdudulot ng kanser sa baga. Ngunit ang maituturing na numero unong sanhi nito ay ang paninigarilyo. At higit na mataas ang tsansa ng pagkakaroon ng lung cancer sa mga taong chain smoker. Ngunit hindi lamang ang mga taong naninigarilyo ang maaaring magkasakit nito, bagkus ang mga tao ring nakapaligid sa kanya na nakalalanghap din ng usok mula sa sigarilyo. Tinatawag itong passive smoking o second-hand smoking.

Bukod sa paninigarilyo, may ilan pang tinuturing na sanhi ng pagkakaroon ng lung kanser:

  • Asbestos – Ang mga maliliit na hibla ng asbestos, kapag nalanghap at napunta sa baga, ay maaaring makapagdulot ng lung cancer. Ang mga hibla ng asbestos ay isang uri ng hibla na silica, ang materyal na ginagamit sa paggawa ng salamin, na hindi basta-bastang nawawala kapag nakapasok at dumikit sa baga.
  • Radon gas – Ito ay isang uri ng natural na gas na nagmumula sa nalusaw na uranium. Ito ay radioactive at maaring makapagdulot ng lung kanser.
  • Namamana – Ang kanser sa baga, gaya rin ng ibang uri ng kanser, ay maaaring mamana. Kung mayroong kasaysayan ng sakit na kanser ang isang pamilya, hindi malayong magkaroon din ng sakit ang iba pang bahagi ng pamilyang ito.
  • Polusyon sa hangin – Maari ding magkasakit ang taong nakalalanghap ng polusyon sa hangin. Ang polusyon na ito ay maaring nagmula sa tambutso ng mga sasakyan at usok mula sa mga pabrika.
  • Iba pang sakit sa baga – Ang baga na pinahina ng iba pang sakit, gaya ng chronic obstructive pulmonary disease (COPD) at TB o tuberculosis ay tubuan ng mga tumor at maging kanser sa baga.

Pwede parin bang magkaron ng lung cancer kahit hindi naninigarilyo?

Oo, maaari paring magkaron ng lung cancer ang mga non-smokers o mga hindi naninigarilyo. At ilan sa mga ito ay walang matutukoy na dahilan kung bakit nagkaron ng lung cancer.