Ang glycemic index (GI) ay isang paraan upang sukatin ang abilidad ng isang pagkain na pataasin ang antas ng asukal sa dugo (blood sugar) pagkatapos kumain. Sapagkat ang ugat ng diabetes ay mataas na asukal sa dugo at ang kawalan ng kakayanan ng katawan na kontrolahin ito, rekomendado para sa mga may diabetes ang pagkain ng mga pagkain na mababa ang glycemic index.
Ang glycemic index ay binubuo ng mga numero mula 0 hanggang 100. Itinuturing na mababa ang glycemic index ng isang pagkain kung ang grado nito ay mababa sa 55. Itinuturing naman na mataas ang glycemic index ng isang pagkain kung ang grado nito ay mataas sa 70.
Heto ang listahan ng mga karaniwang pagkain na MATAAS ang glycemic index, at dahil dito, dapat iwasan o bawasan ng mga taong may diabetes. Subalit, tandaan na hindi lamang glycemic index ang konsiderasyon sa pagpili ng pagkain. Depende sa inyong kondisyon, dapat iwasan din ang mga pagkain na mataas ang kolesterol, uric acid, at iba pa. Isa pa, kahit anong pagkain, kung nasobrahan, ay nakakasama sa kalusugan. Ang payo ko nga sa mga pasyente ko ay hindi pag-iwas, kundi pag-bawas sa kanilang mga paboritong pagkain.
Tingnan din ang Listahan ng mga pagkain na mababa ang glycemic index.
Mga pagkain na mataas ang glycemic index
- Kanin (plain rice)
- Cornflakes, rice krispies
- White bread (ordinarying tinapay)
- Mga kakanin, cake
- Maple syrup
- Pakwan
Bakit ang mga karne at isda ay hindi kasama dito?
Ang glycemic index ay sukat ng asukal sa mga pagkain na nagbibigay ng ‘carbohydrates’. Ang mga karne, isda, at iba pa ay pinagmumulan ng protina, hindi ng carbohydrates, kaya hindi sila masusukat ng glycemic index. Subalit ang prinsipyo ng pagkain ng sapat lamang na karne, ang pag-iwas sa mga taba at sobrang pagkain, ay dapat isakatuparan.