Ano ang diabetes?
Ang diabetes mellitus ay isang kondisyon kung saan apektado ang abilidad ng katawan na ilipat ang asukal sa dugo papunta sa iba’t ibang bahagi ng katawan upang magamit bilang enerhiya o maiimbak sa mga cells. Ito ay isang chronic disease – isang kondisyon nangangaliangan ng matagal na gamutan.
Anong kaibahan ng Type I at Type II na diabetes?
Dalawang ang uri ng Diabetes Mellitus, Type I at Type II. Sa Type I, nawawala o nasisira ang mga bahagi ng katawan na gumagawa ng insulin, ang hormone na naglilipat ng asukal sa dugo papunta sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Sa Type II, maaari ding may kakulangan sa insulin, ngunit sa karamihan ng kaso may insulin nga pero hindi ito nagagamit ng maayos ng katawan – isang kondisyon na tinatawag na insulin-resistance. Ang Type I diabetes ay karaniwang nangyayari sa mas nakakabatang mga tao (30 pababa) na may mga kamag-anak na meron ding diabetes. Ang Type 2 naman ay mas nakakaapekto sa mga mas nakakatanda na (30 pataas). Subalit, ang dalawang uri ng Diabetes, Type 1 at Type 2, ang maaaring mangyari sa kahit anong edad. Tinatayang sa lahat ng kaso ng diabetes, 10% dito ay Type I at 90% naman ay Type II.
Dagdag kaalaman: Meron ding kondisyon na tinatawag na ‘Diabetes Insipidus’. Ito naman ay isang kondisyon kung saan ihi ng ihi ang isang tao dahil sa kakulangan ng hormone na responsable naman sa pagkontrola ng pag-ihi. Higit na mas bibihira ang sakit na ito at para hindi malito ang mga mambabasa, hindi muna natin isasama ang Diabetes Insipidus sa artikulong ito.
Ano ang sanhi ng diabetes? Paano nakukuha ang diabetes?
Walang natatanging dahilan ang diabetes, at hindi pa talaga ganap na nauunawaan ng mga mananaliksik kung ano ba talagang dahilan kung bakit nagkakaron nito. Para sa Type II Diabetes. kalimitan, ito’y kombinasyon ng iba’t ibang factors gaya ng genetics (nasa genes o ‘nasa dugo’ ng pamilya ito), paraan ng pamumuhay, gaya ng pagkain ng marami o/at pagiging overweight o mataba. Sa Type I diabetes, inaatake ng immune system ng katawan ang mga cells sa pancreas na gumagawa ng insulin, at hininalang malakas din ang impluwensya ng genetics.