Paano makaiwas sa leptospirosis?

Heto ang ilan sa mga epektibong paraan para maka-iwas sa leptospirosis:

  • Iwasang mabasa o malublob sa tubig-baha ang katawan, lalo na ang mga sugat
  • Kung lulusong sa tubig-baha, gumamit ng botas at iba pang kagamitan
  • Ang pagkakaron ng alipunga at galos sa paa ay maaaring magsilbing daan para makapasok ang leptospirosis sa katawan. Agapan ang alipunga (bisitahin ang artikulo).
  • Pagbawalan ang mga anak na maglaro sa tubig-baha o anumang tubig na hindi dumadaloy
  • Pagtibayin ang resistensya ng pamilya sa pamamagitan ng pagkain ng masustansya
  • Magpatingin kaagad sa doktor kung may mga sintomas ng leptospirosis

Ano ang gamot sa leptospirosis?

Ang gamot sa leptospirosis – kung kompirmado nga talagang leptosprosis – ay gamutan ng antibiotics. Kumalat na sa balita na ang pag-inom ng Doxycycline ang karaniwang gamot, ngunit huwag itong basta-basta inumin! Matindi ang mga side effect nito sa iba’t ibang grupo gaya ng mga buntis at mga bata. Ang Doxycycline ay nangangailangan ng reseta; magpakonsulta muna sa doktor.

Huwag kalimutan ang ang gamot ay isang bahagi lamang ng gamutan; dapat gawin rin ang mga sumusunod:

  • patuloy na pagkain ng masustansyang pagkain, gaya ng gulay at prutas
  • pag-inom ng maraming tubig

Paano malaman kung may leptospirosis?

May mga iba’t ibang laboratory test para malaman kung mayroon kang leptospirosis, subalit ang kinokonsidera ng mga doktor parin ay ang mga sintomas, lalong lalo na kung ang pasyente ay nakapaglakad sa tubig-baha.

Ang MAT o microscopic agglutination test ay isang pagsusuri sa laboratoryo na nakakatukoy kung talaga bang may leptospirosis.

Ang pagkuha ng blood urea nitrogen at creatinine sa pagsusuri ng dugo (blood chemistry) ay maaari ring makatulong.

Ano ang mga sintomas ng leptospirosis?

Ang leptospirosis ay hindi agad ang epekto sa tao; ito’y nagpapamalas ng sintomas matapos lamang ang 4-14 na araw makalipas ang pagkabasa o pagkalublob sa tubig-baha.

Ang mga sintomas ng leptospirosis ay ang mga sumusunod:

Sa umpisa

  • Parang tinatrangkaso
  • Lagnat
  • Panginginig
  • Pananakit ng katawan (nangangalos)
  • Panakakit ng kasukasuan
  • Sakit sa ulo
  • Pananakit ng tiyan
  • pagsusuka
  • pagtatae

Kung may komplikasyon

  • Paninilaw ng katawan
  • Mahapdi na pag-ihi
  • Ihi na kulay-tsaa
  • Kawalan ng ganang kumain
  • Binabalisawsaw

Hindi pare-pareho ang sintomas ng leptospirosis; depende ito sa tao. Maraming katulad na sakit ang leptospirosis, gaya ng trangkaso, dengue fever, at iba pa, kaya mahalagang masuri ng doktor bago masabi na isang tao ay may leptospirosis.

Mga Kaalaman Tungkol sa Leptospirosis

Leptospirosis ay isang impeksyon na dulot ng bacteria na siya namang taglay ng mga hayop (kung ang dengue na virus ay taglay ng lamok, ang leptospirosis naman ay bacteria na taglay ng hayop). Sa Pilipinas, mga daga ang karaniwang may dala ng sakit na ito. Ang leptospirosis ay isang serysong sakit, ngunit ito’y maaaring maiwasan at maagapan kung kaagad magagamot.

Dahil napakaraming daga kahit saan, lalong lalo na sa mga syudad, tuwing bumabaha ay maaaring sumama rin sa tubig baha ang bacteriana galing sa daga. Ito rin ang dahilan kaya hindi kagulat-gulat na ang tag-ulan ay siya ring panahon na tag-leptospirosis.

Ang ihi ng mga daga na humahalo sa tubig-baha ang siyang may dala ng mga mikrobyo, na maaaring makapasok sa katawan ng tao sa pamamagitan ng mga sugat-sugat sa paa, binti, tuhod, o anumang bahagi ng katawan na nabasa o nalublob sa tubig-baha.

Nung taon 2009, pagkaraan ng bagyong si Ondoy ay napakaraming tao sa Maynila at iba pang lugar na nagkaron ng leptospirosis, dahil sa malakawang pagbabaha. Inaasahan ring umakyat ang mga kaso ng leptospirosis sa mga pagbabaha noong Agosto 2012.