Paano makaiwas sa ketong?

Bago ang lahat, dapat ay maalis sa isip ng lahat ang pagkakadikit ng sakit na ketong sa salitang sumpa. Dapat tandaan na ang sakit na ito ay nagagamot at hindi naman madaling makahawa kung kaya’t hindi na kinakailangang ilayo pa sa lipunan ang mga taong ketongin. Sa oras na sila ay nagsimula nang sumailalim sa gamutan, ang sakit ay hindi na nakakahawa.

Narito naman ang ilan sa mga hakbang para makaiwas sa pagkalat ng sakit na ketong:

  • Umiwas na matalsikan ng maliliit na patak mula sa bibig o ilong ng taong may ketong na hindi naggagamot ng sakit.
  • Ipagamot ang miyembro ng pamilya na apektado ng sakit na ketong
  • Maging handa kung bibisita sa mga lugar na napapabalitang may kaso ng ketong

Ano ang gamot sa Ketong?

Ang ketong ay nagagamot, taliwas sa paniniwala ng ilan na ito ay sumpa na pang-habang buhay nang karamdaman. Nagagamot ang sakit na ito sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pag-inom ng mga antibiotic. Ang tawag sa paggagamot sa mga pasyenteng may ketong ay Multi-Drug Therapy (MDT) kung saan maaaring bigyan ng kombinasyon ng mga sumusunod na antibiotic:

  • Rifampicin
  • Clofazimine
  • Dapsone
  • Ofloxacin
  • Minocycline.

Ang dami ng pag-inom, haba ng panahon ng pag-iinom, at kombinasyon ng mga antibiotic na iinumin ay depende sa uri at lala ng sakit na dinaranas ng pasyente. Alalahanin na ang MDT ay libreng binibigay sa mga health center sa buong bansa.

Paano malaman kung may ketong?

Dahil karamihan sa mga kaso ng sakit na ketong ay natutukoy sa mga liblib na lugar kung saan walang sapat na kagamitan sa pagsusuri sa sakit, ang pangunahing paraan para matukoy ang ketong ay sa pamamagitan ng pisikal na pagsusuri. Ang pagkakaroon ng mga kakaibang bukol-bukol, mga umbok at pamamanas sa balat na may kulay na maputla kung ikukumpara sa ibang balat, at ang pagkawala ng pakiramdam sa mga braso, kamay, binti at mga paa, ay maaaring tumukoy sa pagkakaroon ng ketong.

Ngunit upang makatiyak sa pagkakaroon ng impeksyon sa katawan, maaaring kumuha ng sample mula sa balat o magsagawa ng biopsy sa mga bahaging may kakaibang anyo at  isailalim sa Ziehl-Neelsen stain o sa Fite stain. Sa pamamagitan nito, madaling matutukoy ang pagkakaroon ng Micobacterium leprae sa katawan. Minsan pa, maaari ding suriin ang dugo, at ilang organ sa katawan kung may presensya ng bacteria.

Ano ang mga sintomas ng ketong?

Ang mga bahagi ng katawan na pangunahing naaapektohan ng ketong ay ang balat at mga nerves na nasa labas ng utak at spinal cord. Kaya naman ang mga sintomas na mararanasan sa pagkakasakit nito ay makikita sa mga bahaging ito. Narito ang listahan ng mga sintomas ng nakaaapekto sa balat:

  • Pagbabago sa anyo ng balat tulad ng bukol-bukol, pamamanas, pag-umbok, at pangungulubot.
  • Ang pagbabago sa anyo ng balat ay maaaring lumulubha at nanatili sa nang ilang linggo o ilang buwan.
  • Ang pagbabago sa anyo ng balat ay may maputlang kulay.

Ang mga sintomas naman na nakaaapekto sa mga nerve ay ang sumusunod:

  • Kawalan ng pakiramdam sa mga braso, kamay, hita’t binti, at mga paa.
  • Panghihina ng mga kalamnan.

Dahil sa mabagal na progreso ng impeksyon ng sakit na ito, ang mga sintomas na kaugnay ng sakit na ketong ay maaari lamang maranasan makalipas ang 3 hanggang 5 taon mula sa pagkakahawa sa sakit. Minsan pa, umaabot ng 20 na taon bago magsimulang makita o mapansin ang mga sintomas ng sakit. Ang ganito kahabang incubation period ng bacteriang nagdudulot ng ketong ang dahilan kung bakit nahihirapan ang mga doktor at dalubhasa na tukuyin kung saan at kailan nakuha ang sakit.

Totoo bang maaaring magdulot ng pagkaputol ng mga daliri ang ketong?

Hindi ito totoo. Ang kakayahan ng sakit na atakihin ang mga nerve sa mga braso at mga paa ay nagdudulot ng pagkamanhid sa mga bahaging ito. Dahil sa kawalan ng pakiramdam maaaring mapinsala ang mga bahaging ito, kabilang na ang mga daliri, nang hindi namamalayan. Ang paulit-ulit na ganitong kaganapan ang madalas na sanhi ng pagkaputol ng mga bahagi ng katawan.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Dahil sa haba ng panahon ng incubation period ng sakit na ito, kadalasang maaari lamang makapagpatingin sa doktor sa oras na lumabas na at maranasan na ang mga sintomas ng ketong. Sa panahon pa lamang na ito kadalsang nakapagpapatingin ang mga taong may sakit na ketong. Sa oras na magkaroon ng mga hindi maipaliwanag na pagbabago sa anyo ng balat o kaya ay pagkawala ng pakiramdam sa ilang bahagi ng katawan, makabubuting magpatingin na sa doktor.

Kaalaman tungkol sa Ketong o Leprosy

ketongSa mahabang panahon, ang pagkakaroon ng sakit na ketong o leprosy ay katumbas ng pagkakaroon ng sumpa, pinandidirihan at kadalasang inihihiwalay sa lipunan. Ito ang naging kaso sa maraming lugar sa mundo at maging sa Pilipinas kung saan ang mga taong may sakit na ketong noon ay ipinapadala sa Isla ng Culion sa Palawan upang dito’y gamutin at mailayo sa lipunan. Nagtagal ang ganitong pagtrato sa mga ketongin dahil sa kakulangan ng sapat na kaalaman tungkol sa sakit na ito.

Ang sakit na ketong ay dulot ng mabagal at progresibong impeksyon ng bacteria sa katawan na maaaring magdulot ng matinding depormasyon sa balat at pagkasira nerves sa mga braso at mga paa. At taliwas sa makalumang paniniwala, ang ketong ay hindi naman talagang madaling makahawa. Maaari lamang mahawa sa sakit na ito kung magkakaroon ng malapitan at paulit-ulit na interaksyon sa taong may hindi nagagamot na sakit.

Dapat ding tandaan na ang ketong ay maaari nang magamot.

Gaano kalaganap ang sakit na Ketong?

Sa ngayon, humigit kumulang 180,000 na katao ang apektado ng sakit na ketong sa buong mundo ayon sa ulat ng World Health Organization. At ang karamihan ng mga kaso nito ay nasa mga bansa sa Africa at Asya. Sa Pilipinas, ang sakit na ito ay hindi na malaking banta at nakaaapekto na lamang sa halos 1,000 Pilipino kada taon.

Ano ang sanhi ng Ketong?

Ang ketong ay dulot ng impeksyon ng bacteria na Mycobacterium leprae. Nakukuha ang bacteria na ito mula sa mga maliliit na patak ng laway, maaaring mula sa bahing o pag-ubo, ng taong apektado ng sakit na hindi naggagamot. Hindi ito madaling makahawa. Halimbawa, kung makakasalubong mo ang isang taong ketongin at nakipagkamay ka dito, hindi awtomatikong mahahawaan ka ng sakit. Dapat tandaan na ang pagkakahawa sa sakit na ito ay maaari lamang kung magkakaroon ng matagal at paulit-ulit na pakikisalamuha sa taong may sakit.

Ang ketong ba ay maaaring mamana?

Ang ketong ay hindi namamana. Ngunit maaaring tumataas ang posibilidad ng pagkakahawa nito kung isa sa pamilya ang may sakit,  lalo na kung siya ay hindi naggagamot.

Ano ang mga salik na nakapagpapataas ng panganib ng pagkakaroon ng sakit na ketong?

Ang pagkakaroon ng ketong ay pinakamataas sa mga taong nakatira sa mga lugar na may matataas pa ring kaso ng sakit na ito gaya ng mga bansang India, China, Egypt, Nepal at Japan. Mataas din ang posibilidad ng pagkakahawa nito sa mga taong madalas nakikisalamuha sa mga may sakit. Higit din na mas madaling magkasakit ang mga kabataan.

Ano ang mga maaaring komplikasyon ng sakit na ito?

Kung mapapabayaan at hindi gagamutin, ang ketong ay maaaring magdulot ng sumusunod na komplikasyon:

  • Pagkabulag o glaucoma
  • Depormasyon ng mukha gaya ng pagkakaroon ng mga bukol, umbok, pamamaga, at matinding pangungulubot
  • Pagkabaog
  • Problema sa bato
  • Panghihina ng mga kalamnan
  • Permanenteng pinsala sa loob na bahagi ng ilong, utak, spinal cord, at mga nerves sa mga braso at hita.