Ang anumang bagay, likido, o hangin na pumasok sa sistema ng katawan at nagdulot ng masamang epekto sa kalusugan ay maaaring ituring na lason. Ang epektong ito ay dulot ng reaksyong kemikal ng lason na maaaring sumira sa mga cells o tissue ng ilang bahagi ng katawan at humantong sa kamatayan o matinding pinsala sa ilang bahagi ng katawan.
Sa paanong paraan nakukuha ang lason?
Ang pagkakalason sa mga tao ay maaaring makuha sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Pagkakalanghap ng hangin na may lason
- Pagkakainom o pagkakakain ng inumin o pagkain na kontaminado ng lason
- Pagkakaturok ng lason sa ugat-daluyan ng dugo
- Pagdikit ng lason sa balat
- Pagtama ng lason na nasa anyo ng radiation
Anu-ano ang mga karaniwang lason na nakaaapekto sa kalusugan ng tao?
Maraming uri ng lason ang maaaring makaapekto sa kalusugan ng tao. At kabilang dito ang sumusunod:
- Kontaminadong pagkain. Ang mga kontaminasyon sa pagkain ay maaaring dahil sa hindi ligtas na preparasyon, o kaya’y dahil sa kawalan ng ligtas na pag-iimbak sa pagkain. Dahil sa mga ito, maaaring pagpugaran ng ilang mikrobyo ang pagkain at magsanhi ng ilang mga sintomas sa katawan kung makakain. May ilang pagkain din na sadyang nakalalason, tulad ng tahong na may lason ng red tide, ngunit maaari pa ring makain dahil sa kakulangan ng kaalaman.
- Nakalalasong kemikal. Maraming kemikal na ginagamit sa pagmementena ng bahay na may sangkap na malalakas na uri ng lason tulad ng cyanide at arsenic na maaaring makalason kung sakaling aksidenteng makapasok sa sistema ng katawan. May posibilidad na ang mga ito ay maihalo sa pagkain o inumin kung hindi mailalagay sa wastong taguan.
- Mga gamot na iniinom o tinuturok. Ang maraming uri ng mga gamot na ginagamit ng tao upang malunasan ang mga karamdaman ay posible ring makalason kung mali ang paraan ng paggamit dito. Ang pagka-overdose sa mga gamot ay isang paraan ng pagkakalason.
- Kagat ng hayop at insekto. Maraming hayop at insekto ang may taglay na natural na lason sa kanilang katawan. Ginagamit nila ito bilang depensa o panghuli ng kanilang makakain. Minsan, ang mga tao ay nagmimistulang panganib para sa kanila kung kaya’t maaari nilang gamitin ang kanilang lason bilang depensa. Halimbawa ng mga hayop at insekto na may lason ay ang ahas, alakdan, alupihan, at mga gagamba.
- Nakalalasong halaman. Maraming halaman din ang may taglay na natural na lason na delikado rin sa kalusugan ng tao lalo na kung ito ay makakain o madidikit sa balat. Nandiyan ang ilang uri ng nakalalasong kabute, at poison ivy na delikado kung mahahawakan.
Ano ang mga sintomas na maaring maranasan dahil sa mga lason?
Ang mga sintomas na maaaring maranasan dahil sa pagkakalason ay naiiba-iba depende sa kung anong uri ng lason ang nakapasok sa katawan. Ngunit ang mga pinakakaraniwang uri ng sintomas na maaaring maranasan ay ang sumusunod:
- Matinding paglalaway (pagbula ng bibig), o panunuyo ng bibig at balat.
- Mabilis na pagtibok ng puso, o pagbagal ng tibok.
- Paglaki ng itim sa mata (pupil), o pagliit nito.
- Pagbilis ng paghinga, o hirap sa paghinga
- Pananakit sa loob ng katawan, o kaya’y walang pananakit na pakiramdam
- Pagkahilo at pagsusuka
- Pagtatae
- Pagdurugo
- Pagkalito
Gaano kabilis ang epekto ng lason sa katawan?
Ang epekto ng lason sa katawan ay depende sa dami at uri ng lason na pumasok sa katawan. Maaaring maranasan ang mga epekto ilang segundo o minuto pa lamang ang lumilipas, o kaya’y ilang oras matapos pumasok sa sistema ng katawan ang lason.
Ano ang dapat gawin kung nalason?
Ang mga kaso ng pagkakalason ay itinuturing na medical emergency o nangangailangan ng agarang paggagamot. Agad na dalhin sa pinakamalapit na pagamutan ang taong sinusupetsahan na nalason lalo na kung ito ay dumaranas ng mga kakaibang sintomas o nawalan na ng malay. Hanggat maaari, alamin kung ano ang sanhi ng lason at kung paano ito nakuha, at agad ding ipaalam ito sa doktor o manggagamot.
Habang hinihintay ang pagdating ng tulong, maaaring isagawa ang sumusunod na first aid o paunang lunas:
- Kung nakalunok ng lasong kemikal, painumin ng hilaw puti ng itlog. Huwag pasusukahin o paiinumon ng tubig o ano pang pagkain.
- Kung nakagat ng ahas o insekto, panatilihing hindi kumikilos ang pasyeente at pahigain lang. Huwag gagalawin ang sugat na pinagkagatan o papahiran ng anumang gamot at kemikal. Iwasan din ang tradisyonal na paghigop sa sugat ng kagat ng ahas.
Paano maiiwasan ang pagkakalason?
Upang maiwasan ang pagkakalason sa bahay, mangyari lang na sundin ang mga sumusunod na hakbang:
- Itago sa ligtas na lugar ang mga kemikal at malayo sa maaabot ng mga bata.
- Iwasang itabi ang mga kemikal sa mga pagkain at inumin.
- Panatilihin ang ligtas na preparasyon at pag-iimbak sa mga pagkain at inumin.
- Maging maagap kung tutungo sa mga lugar na posibleng may nakalalasong hayop at insekto.
- Tiyaking nakasunod sa tamang paraan ng pag-inom ng gamot.