Kaalaman tungkol sa Lagundi bilang halamang gamot
Scientific name: Vitex negundo Linn.; Vitex leucoxylon Blanco; Vitex paniculata Lam.
Common name: Lagundi (Tagalog); Chinese chastetree, Five-leaved chaste tree (Ingles)
Ang lagundi ay isa sa mga pinakakilalang halamang gamot na mabisa para sa karamdamang ubo. Ito ay isang maliit lamang na puno na kilala sa pagkakaroon ng limang piraso ng dahon sa bawat tangkay. Mayroon din itong bulaklak na tumutubo nang kumpol-kumpol sa dulo ng tangkay. Karaniwan din itong makikitang tumutubo sa mga kapatagan ng Pilipinas at madaling namumulaklak sa buong taon.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Lagundi?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang lagundi ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
- Ang langis na makukuha sa halaman ay may taglay na sabinene, linalool, terpinen-4-ol, b-caryophyllene, a-guaine at globulol.
- Ang dahon ay makukuhanan ng nishindine, flavones, luteolin-7-glucoside, casticin, iridoid glycosides.
- Ang buto ay mayroon namang hydrocarbons, B-sitosterol, benzoic acid and phthalic acid, antiinflammatory diterpene, flavonoids and triterpenoids
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
- Dahon. Karaniwang ginagamit ang dahon ng lagundi sa panggagamot. Maaari itong ilaga at ipainom sa may sakit. Pwede rin itong dikdikin at ipang tapal sa ilang kondisyon sa katawan. Minsan ay itinatapas muna sa apoy ang dahon bago ipantapal sa kondisyon sa katawan.
- Balat ng kahoy. Maaari din gamitin ang balat ng kahoy upang makagamo. Kadalasan ay inilalaga lamang ito upang mainom.
- Buto. Madalas ding gamitin ang mga buto ng lagundi sa pamamagitan ng paglalaga nito at pag-inom sa pinaglagaan.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Lagundi?
1. Sugat. Ipinanghuhugas sa sugat na hindi gumagaling ang pinaglagaan ng dahon ng lagundi. Makatutulong ito upang mas mapadali ang paghilom. Maaari ding ipanghugas ang pinaglagaan ng buto ng lagundi upang maiwasan ang paglala ng impeksyon. Makatutulong din ang pagtatapal sa sugat ng dahon na pinadaanan sa apoy.
2. Kabag. Iniinom naman ang pinaglagaan ng dahon ng lagundi upang maibsan ang pananakit ng sikmura dahil sa pagkakaroon ng hangin dito.
3. Bagong panganak. Ipinangliligo naman sa mga ina na bagong panganak pa lamang ang pinaglagaan ng dahon ng lagundi.
4. Lason mula sa kagad ng hayop. Matutulungan pag-inom sa pinaglagaan ng buto ng lagundi na mabawasan ang epekto ng laso sa katawan mula sa kagat ng mga hayop o insekto.
5. Pananakit ng ulo. Tinatapalan naman ng dinikdik na dahon ng lagundi ang sentido at noo ng taong dumaranas ng pananakit ng ulo.
6. Lagnat. Mabisa din para sa lagnat ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng lagundi.
7. Ubo na may makapit na plema. Ang paggamit sa lagundi bilang gamot sa ubo ay aprubado ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) at iminumungkahi ng Department of Health bilang mabisa at ligtas na gamot. Maaaring gamitin ang ugat ng lagundi, ilaga at inumin ang pinaglagaan. May kaparehong epekto din ang pag-inom sa pinaglagaan naman ng dahon ng lagundi.
8. Rayuma. Maaaring gamiting panghugas sa bahaging dumadanas ng pananakit dahil sa rayuma ang pinaglagaan ng balat ng kahoy ng lagundi. Maaari ding tapalan ng mga dinikdik na dahon ang bahaging nananakit.
9. Pigsa. Ang mga pigsa ay hinuhugasan naman ng pinaglagaan ng ugat ng lagundi.
10 Pagtatae. Ang ugat ay maaaring pulbosin at ihalo sa inumin para maibsan ang pagdudumi.
11. Pananakit ng ngipin. Ang pagpapakulo sa dinikdik na dahon ng lagundi at regular na pag-inom nito ay makatutulong na maibsan ang pananakit ng ngipin.
12. Hika. Mabisang maiibsan din ang mga sintomas ng hika sa tulong ng pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng lagundi.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.