Dahil ang sakit na ito ay konektado sa genes na nakukuha bago ka pa ipanganak, hindi talaga kayang maiwasan ang pagkakaroon ng Lactose Intolerance. Ang magagawa na lamang ay ang pag-iwas sa mga pagkaing mayroong lactose upang hindi maranasan ang mga sintomas na dulot ng lactose intolerance.
Ano ang gamot sa Lactose Intolerance?
Sa ngayon, wala pang gamot ang makakatulong na solusyonan ang kakulangan sa enzyme na lactase. Kung kaya’t ang tanging magagawa lamang upang maiwasan ang sintomas na dulot ng lactose intolerance ay ang pag-iwas mismo sa mga pagkain at inuming may gatas, kasama rin dito ang mga produkto na yari mula sa gatas gaya ng keso, matikilya, at yogurt. Para sa mga may lactose intolerance, may mga produktog yari sa gatas din naman na prinoseso at binawasan na ang nilalamang lactose. Minsan ang ginagawa ng ilan, imbes na kumonsumo ng gatas sa isang inuman ay hinahati sa marami ang pagkonsumo sa gatas sa buong araw. Dahil dito, nababawasan ang epekto ng pagkakaroon ng lactose intolerance.
Paano malaman kung may Lactose Intolerance?
Para sa karamihan na nagsasabing sila ay may lactose intolerance, hindi na sila nangailangan pa ng eksaminasyon o kahit na anong pormal na pagsusuri mula sa mga doktor. Kung ikaw ay lactose intolerant, kadalasang natutukoy mo ito sa sarili mo. Ngunit para sa mga taong hindi alam o hindi sigurado sa pagkakaroon nito, may ilang hakbang o pagsusuri ang isinasagawa ng doktor upang matukoy ang pagkakaroon ng lactose intolerance.
- Obserbasyon at interbyu. Bago ang lahat, ang doktor ay maaaring magsagawa ng obserbasyon at interbyu sa pasyenteng hinihinalaan na may lactose intolerance. Maaari niyang tanungin sa interbyu kung ano ang mga nakain bago naranasan ang mga sintomas. Maaari ring humingi ng sample ng dumi na nailabas. Ang dumi ng taong may lactose intolerance ay matubig at kadalasang mabula. At sa huli, ipatatanggal ang gatas sa diyeta ng pasyente at saka oobserbahan kung may pagbuting naganap.
- Hydrogen Breath Test. Ang pinakamabilis na pagsusuring isinasagawa ay ang Hydrogen Breath Test. Ngunit bago ito isagawa, kinakailangang walang laman ang tiyan sa nakalipas na magdamag. Sa oras naman ng eksaminasyon, paiinumin ang pasyente ng inuming may sangkap na lactose. Matapos ito’y pahihingahin ng ilang ulit sa isang instrumento na magsusukat ng hydrogen sa hangin na binuga. Kapag mataas ang lebel ng hydrogen sa hininga, maaaring mayroon ngang Lactose Intolerance.
- Lactose Tolerance Test. Sinusukat naman sa eksaminasyong ito ang lebel ng asukal sa dugo ng sinususpetsahan na may lactose intolerance. Bago ito isagawa, kinakailangang walang laman ang tiyan sa nakalipas na magdamag. Paiinumin naman ng inuming may lactose ang pasyente, at matapos ay susukatin kung tumaas ang lebel ng asukal sa dugo. Kung walang pagbabago mula sa unang pagsukat, maaaring mayroong Lactose Intolerance.
- Stool Acidity Test. Para naman sa mga sanggol at kabataan, isinasagawa ang stool acidity test. Dito’y sinusukat ang lebel ng lactic acid sa dumi ng pasyente. Kung mataas ang lactic acid, maaaring mayroong Lactose Intolerance.
Ano ang mga sintomas ng Lactose Intolerance?
Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng lactose intolerance ay nararansan 30 minuto hanggang 2 oras matapos makakain o makainom ng pagkain o inumin na may sangkap na gatas o lactose. Ang sintomas na mararanasan ay maaari ding grabe o simple lang, depende kung gaano kalala ang kakulangan ng katawan sa enzyme na lactase. Ang mga sintomas na maaaring maranasan ay ang sumusunod:
- Pagtatae o diarrhea
- Pananakit ng ibabang bahagi ng tiyan
- Pagkalam ng ibabang bahagi ng tiyan
- Kabag
- Kung minsan ay pagsusuka
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Kung sa una ay hindi sigurado sa pagkakaroon ng lactose intolerance, o kaya naman ay masyadong nababahala sa mga nararanasang sintomas, maaaring magpasuri sa doktor.
Mga kaalaman tungkol sa Lactose Intolerance
Lactose Intolerence ang kondisyon na tumutukoy sa kawalan ng kakayanan ng katawan na tunawin ang lactose, isang uri ng asukal na natural na makukuha sa gatas. Ang sakit na ito ay dahil sa kakulangan ng katawan sa enzyme na kung tawagin ay lactase. Hindi naman talaga nakakabahala ang kasong ito, bagaman maaari itong magdulot ng hindi kumportableng pakiramdam, lalo na sa tuwing magdudulot ito ng pagtatae.
Gaano kalaganap ang kaso ng Lactose Intolerance?
Ayon sa mga pag-aaral, 70 porsyento ng populasyon ng mundo ay nakakaranas ng lactose intolerance, at karamihan dito ay nagmula sa mga lahing Asian, Katutubong American (Native Indians), at Kastila. Sa Pilipinas, dahil sa pagiging Asiano at karamihan ay nahaluan ng dugong Kastila, kalahati daw ng populasyon ay hindi kayang tumunaw ng lactose.
Bakit nagkakaroon ng Lactose Intolerance?
Ang pagkakaroon ng Lactose Intolerance ay nangangahulugan din ng kakulangan sa enzyme na lactase, ngunit dapat tandaan na hindi sa lahat ng pagkakataong kulang ang lactase ay agad na makakaranas ng lactose inolerance. Malaki ang papel ng heredity sa pagkakaroon ng kondisyong ito. Ang kakulangan sa lactase ay kadalasang dulot ng mutation o pagbabago sa genes ng tao habang ipinagbubuntis pa lamang o di kaya nama’y namana ito mula sa mga magulang na lactose intolerant. Ito ang dahilan kung bakit maaaring magkaroon agad ng lactose intolerance mula sa kapanganakan (congenital) pa lang, o kaya naman, ay makuha ito kinalaunan sa pagtanda (developmental). Bagaman maaari din naman na ang kakulangan sa lactase ay dulot ng isang sakit na sumisira sa mga pader ng bituka na kinalalagyan ng lactase, halimbawa ay ang sakit na celiac sprue. Bukod pa rito, ang mga taong pinanganak na kulang sa buwan (premature birth) at sumasailalim sa radiation therapy sa bandang tiyan marahil dahil sa kanser, ay may mataas din na posibilidad na magkaroon ng lactose intolerance.
Maaari bang tawagin na allergy sa gatas ang sakit na Lactose Intolerance?
Mali na tawaging allergy sa gatas ang pagkakaroon ng Lactose Intolerance sapagkat ito ay dalawang magkaibang kaso. Unang una, ang allergy sa gatas ay isang kaso ng problema sa protina ng gatas, samantalang ang lactose intolerance ay problema sa asukal na lactose. Magkaiba rin ang sintomas na nararanasan sa magkaibang kaso na ito. Kung ang taong may lactose intolerance ay maaring makaranas ng pagtatae at pananakit ng tiyan, ang taong may allergy naman ay maaaring makaranas ng pamumula ng balat (rashes) o kaya’y problema sa paghinga.
Kung bawal ang gatas, saan pa puwedeng makakuha ng calcium?
Hindi dapat ikabahala ang posibilidad na magkulang sa calcium sa pagkakaroon ng lactose intolerance. Bukod sa gatas, may iba pang pagkain ang mayaman sa calcium. Halimbawa ay ang mga gulay na berde at madahon, broccoli, salmon at tokwa. Makakatulong din ang pag-inom ng mga supplements at vitamins na mabibili sa botika. Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa calcium, basahin ang Mga Pagkaing Mayaman sa Calcium.