Paano makaiwas sa Genital Warts o Kulugo?

Ang pinakaepektibong paraan upang makaiwas sa pagkakaroon ng kulugo sa ari ay ang pagpapaturok ng bakuna laban sa HPV. Ang bakunang Gardasil ay nakakatulong makaiwas sa ilang uri ng kulugo na dulot ng human papillomavirus. Makatutulong din ang bakunang ito sa HPV na nagdudulot ng Cervical Cancer. Nirerekomenda na mabigyan ng bakuna ang babae at lalake sa edad na 11 o 12 o bago magsimulang maging aktibo sa pakikipagtalik.

Bukod sa bakuna, epektibo din ang paraan ng “safe sex practices” o ang pakikipagtalik na gumagamit ng condom. Mas makabubuti rin kung mananatiling isa lang ang kapareha.

Ano ang gamot sa Genital Warts o Kulugo?

Kung ang kulugo ay walang idinudulot na kahit na anong pakiramdam, maaaring hindi na ito pakialaman, ngunit kung ito ay nagdudulot ng sintomas gaya ng pangangati, pagdurugo, o pananakit, nararapat lang na ito ay isailalim sa gamutan. Ang pagtanggal sa kulugo  ay maaaring sa paraang pinapahid na gamot gaya ng imiquimod, podophyllin and podofilox, at trichloroacetic acid. Ang mga gamot na ito ay dapat isagawa lamang ng eksperto sapagkat may side effects na maaaring makasama o makairita sa balat sa paligid ng kulugo.

Bukod sa gamot na pinapahid, maaari din tanggalin ang kulugo sa pamamagitan ng ilang procedure. Maaari itong palamigin at patigasin gamit ang liquid nitrogen sa pamamagitan ng cryotherapy. Pwede din itong sunugin sa pamamagitan ng kuyente o electrocautery, o kaya naman ay sunugin gamit ang laser. Puwede rin itong tanggalin sa pamamagitan ng simpleng operasyon.

Paano malaman kung may genital warts o Kulugo?

Ang pagkakaroon ng kulugo sa ari ay hindi madaling mapansin kung kaya’t nilalagyan ng acetic solution ang bahaging may umbok upang mamuti ang hinihinalaang kulugo. Matutukoy ng doktor ang kulugo gamit ang ilang lente na pang-silip. Sa mga kababaihan, nagsasagawa ng ilang eksaminasyon upang masilip ang loob na bahagi ng ari; ginagamitan ito ng speculum upang buksan at hawakan ang puwerta. Matapos ang pagsilip, kumukuha ng maliit na sample mula sa bahagi ng kulugo at susuriin sa laboratoryo kung positibo sa pagiging cancer. Mahalagang matukoy agad ang pagkakaroon ng kulugo sa ari lalo na sa mga kababaihan sapagkat may panganib na humantong ito sa sa cervical cancer.

Ano ang mga sintomas ng Genital Warts o Kulugo?

Ang mga tumutubong kulugo sa ari ang pangunahing sintomas ng sakit na ito. Sa mga kababaihan, ang kulugo ay maaaring tumubo sa puwerta (vagina), sa kuwelyo ng ari (cervix), at maging sa bungad ng ari. Sa lalaki naman, tumutubo ang kulugo sa ulo, sa katawan ng ari, o kaya naman ay sa bayag. Maaari din tumubo ang mga kulugo sa paligid o mismong butas ng puwit. Bukod pa dito, may posibilidad din na tumubo ang mga kulugo sa bibig at sa lalamunan. Ang kulugo ay maaaring maliliit na umbok at maaaring kulay abo o kulay laman. Puwede din itong bilugan o patag na maaaring tumubo na kumpol-kumpol. Kadalasan ay nakakaranas ng pangangati o kaya’y hindi kumportableng pakiramdam sa bahaging tinubuan ng kulugo. Higit sa lahat, may posibilidad din na duguin ang ari tuwing nakikipagtalik.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Maaaring magpatingin sa doktor kung ikaw o ang iyong kapareha ay tinubuan ng kulugo sa ari. Agad magpakonsulta at humingi ng payo para sa gamutan.

Mga kaalaman tungkol sa Genital Warts o Kulugo

Ang genital warts o kulugo sa ari ay isang karaniwang uri ng sexually transmitted disease (STD) na dulot ng ilang uri ng human papillomavirus (HPV). Ang kulugo ay maaaring maliit lang o kaya naman ay kasing laki ng butil ng mais o higit pa. Dahil ito nga ay isang uri ng STD, ito ay maaaring makahawa sa pamamagitan ng makikipagtalik at nakaaapekto sa ari ng babae o lalaki. Ngunit bukod sa ari, ang kulugo ay maaari ring tumubo rectum o tumbong, o sa lalamunan sa pamamagitan ng anal o oral sex.

Ano ang sanhi ng genital warts?

Ang ilang uri ng HPV o human papillomavirus ang nakapagdudulot ng kulugo sa ari at nakukuha naman sa pakikipagtalik. Minsan, kayang malabanan ng immune system ang impeksyon ng HPV ngunit kung mabibigo ito, tumutubo ang kulugo.

Sino ang maaaring magkasakit ng genital warts?

Ang mga taon aktibo sa pakikipagtalik, lalo na yung may mga high risk behavior gaya ng pakikipagtalik sa kapwa lalaki o mga prostitutes ang may pinakamataas na posibilidad ng pagkakaroon ng genital warts. Ang mga kabataang nasa edad 15-25 na sinasabing pinakaaktibo sa pakikipagtalik ang may pinakamataas na posibilidad ng pagkakaroon ng kulugo sa ari.

Ano ang maaaring komplikasyon ng genital warts?

Kung ang kulugo sa ari ay mapapabayaan at hindi magagamot, may posibilidad na magkaroon ng komplikasyon na makasasama sa kalusugan. Maari itong humatong sa kanser0. Sa kababaihan, ang pagkakaroon ng cervical cancer ay sinasabing dulot ng komplikasyon ng genital warts. Sa mga nagbubuntis naman, maaaring mahirapan sa panganganak o kaya’y makaapekto sa isisilang sa sanggol.

 

Paano makaiwas sa Kulugo o warts?

Dahil ang sanhi ng pagkakaroon ng kulugo ay impekson ng virus, ang susi para maiwasan ito ay ang pagpapanatiling malinis sa katawan. Narito ang ilang hakbang na dapat tandaan upang makaiwas sa nakakainis na kulugo:

  • Ugaliin maghugas ng kamay lalo na kung galing sa labas o sa pakikisalamuha sa mga tao.
  • Iwasan ang paggamit ng mga bagay na nagamit na ng ibang tao gaya ng tuwalya.
  • Magsuot ng tsinelas lalo na kung nasa pampublikong lugar gaya ng palikuran o liguan.
  • Panatilihing malinis ang bahay at gumamit ng mga disinfectant sa pagpupunas
  • Hanggat maaari, iwasang masugatan o mahiwa ang balat

Kung nakakaranas naman ng madalas na pagkakaroon ng kulugo, siguraduhin munang matanggal ang lahat ng kulugong nasa balat. Tandaan na ang bawat kulugo ay may kakayahang dumami, kung kaya’t makakatulong na makaiwas sa pabalik-balik na kulugo kung makakasigurong mauubos ang lahat ng kulugo sa balat.

Ano ang gamot sa Kulugo o warts?

Ang kulugo ay kadalasang nawawala ng kusa matapos ang isa o dalawang taon ng pagkakaroon nito. Ngunit maaari din naman itong tanggalin sa pamamagitan ng ilang gamot na mabibili sa mga butika. Ang pangunahing sangkap ng mga gamot na mabibili ay Salicyilic-acid na nakakatulong na alisin ang nakakainis na kulugo. Ang paggamit ng salicylic acid ay maari lamang magdulot ng iritasyon o pamumula sa balat, ngunit sa pangkalahatan, ito ay ligtas gamitin. Mayroon din naman ilang procedure ang isinasagawa para tanggalin ang kuugo. Ginagamitan ng kuryente, laser o kaya ay spray na nagpapa-yelo sa kulugo.

Ligtas bang tanggalin ang kulugo sa balat?

Sa pangkalahatang, ang pagtatanggal sa kulugo ay ligtas na paraan. Dapat lamang tiyakin na matatanggal ang lahat ng bahagi ng kulugo pati na ang mga kulugo na tumubo sa paligid upang hindi na ito magpanumbalik pa. Dapat ding tandaan na ang isang kulugo ay may kakayanang dumami kung mapapabayaan. Nararapat lang na bigyang pansin agad ang pagtubo ng isang kulugo lamang upang mapigilan na agad ito sa pagdami.

 

Paano malaman kung may kulugo?

Sapagkat ang kulugo ay madaling makilala dahil sa anyo nito, kadalasan ay hindi na nangangailangan pa ng atensyon mula sa dokto o anupamang pagsusuri sa laboratory. Maaari rin naman itong tignan at suriin gamit ang skin culture o biopsy upang makasiguro lamang sa uri ng HPV na nagdulot ng kulugo.

Ano ang mga sintomas ng kulugo o warts?

Ang pagkakaroon ng kulugo ay kadalasang walang pinaparamdam na sintomas sapagkat tangang ang panlabas na patong ng balat lamang ang maaari nitong maapektohan. Ang tanging naidudulot lamang ng kulugo sa tao ay ang di-kumportableng pakiramdam. Ang mga kulugo na tumutubo sa balat ay hindi nakaka-kanser, di-gaya ng mga kulugo na tumutubo sa ari na isang uri ng STD at maaaring humantong sa kanser.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kung ang kulugo ay tumubo sa bahaging nakatawan nakakapagdulot ng sobrang hindi kumprtable sa pakiramdam, o nakakasagabal na sa pag-araw-araw na gawain. Maaaring magpa-konsulta na sa isang dermatologis o doktor na spesyalista sa balat. Ang kulugo ay maaaring tanggalin.

Mga kaalaman tungkol sa Kulugo

Ang kulugo, o warts sa Ingles at verruca naman sa terminolohiyang medikal, ay ang maliliit na bukol ma tumutubo sa balat na dulot ng impeksyon ng halos 100 uri ng Human Papillomavirus (HPV).  Ito ay nagdudulot ng di kaaya-ayang pakiramdam na tumatagal ng maraming taon, ngunit kadalasan ay kusa rin namang nawawala. Ang pagkakaroon ng kulugo ay nakakahawa. Tandaan na ang kulugo sa balat ay hindi dapat ikalito sa kulugo sa ari (genital warts) na isang uri ng sexually transmitted disease o STD at sanhi ng ibang klase ng HPV. Ang kulugo sa ari ay maaaring makapagdulot ng kanser.

Ano ang sanhi ng kulugo o warts?

Ang kulugo ay dulot ng impeksyon ng iba’t ibang uri ng HPV. Nakukuha ang virus na ito kung madikit ang balat sa bahagi ng katawan na may kulugo, halimbawa ay ang pakikipag-kamay sa taong may kulugo. Maaari din itong makuha sa mga bagay na kontaminado ng virus gaya nga keyboard, hawakan ng pintuan o kaya sa tuwalya na ginamit ng taong may kulugo. Ang virus ay maaari lamang magdulot ng impeksyon kung makakapasok ito sa hiwa o sugat sa balat. Hindi totoong maaaring magkaroon ng kulugo sa pagkakahawak sa balat ng palaka o kaya’y pag naihian nito.

Anu-ano ang iba’t ibang uri ng kulugo?

May iba’t ibang uri ng kulugo depende sa hitsura at sa lugar ng pinagtubuan. Verruca vulgaris o common hand wart ang tawag sa kulugo na tumutubo sa kamay.  Verruca plantaris o foot wart naman ang tawag sa kulugo na tumutubo sa paa, at ito ay maaaring masakit. Verruca plana o flat wart ay maliliit, patag at maramihan kung tumubo na madalas makita sa leeg, mukha o tuhod.