Paano makaiwas sa kuliti (stye)?

  • Huwag kusutin ang mata ng hindi naghuhugas ng kamay. Ang maduming kamay ang magdadala ng bacteria na sanhi ng kuliti.
  • Magsuot ng protekson sa mata tulad ng safety goggles kung kinakailangan.
  • Magpalit ng ginagamit na kolorete o make-up kada 6 buwan. Ang bacteria ay maaring manirahan sa mga make-up.
  • Kung madalas ang pagkakaroon ng kuliti, ugaliin ang paghuhugas ng mata gamit ang malinis na tubig at kaunting baby shampoo

 

Ano ang gamot sa kuliti (Stye)?

Simple lang din ang gamutan sa kuliti at kadalasa’y makikita sa bahay ang solusyon.

  • Pagsasagawa ng hot compress sa apektadong mata. Dahil sa init, maaari magbukas ang mga baradong pores sa talukap ng mata at makakatulong mabilisang paggaling
  • Paglalagay ng gamot na mabibiling “over the counter”. May mga ointment na maaring ipahid sa kuliti.
  • Pabayaan lang ang kuliti na pumutok ng kusa.
  • Iwasan ang paglalagay ng kolorete o make-up sa apektadong bahagi ng mata.

Kung ang kuliti ay hindi gumagaling sa simpleng gamutan sa bahay, agad nang ipatingin sa doktor. Maaring magbigay ng preskripsyon na antibiotics, ointment, o gamot na pinapatak sa mata. Mainam din ang antibiotic na iniinom para sa kuliti na malala at kumalat sa mata.

Ano ang mga sintomas ng kuliti (stye)?

Ang kuliti ay kadalasang nagsisimula sa maliit at mapulang umbok sa talukap ng mata na tila isang tagihawat. Ngunit sa paglipas ng panahon, ito ay lalaki at maaaring:

  • makaramdam ng pananakit at di kuportable sa bahagi ng umbok.
  • magdulot ng pagluluha ng mata
  • mamaga ang bahagi ng talukap na may kuliti
  • tumatagal lamang ng 3 hanggang 5 araw ang kuliti bago ito pumutok

Di tulad ng karaniwang kuliti, ang chalazion o ang mas malaking kuliti, ay tumutubo ng mas mabagal at kadalasang walang sakit na naidudulot sa pakiramdam, subalit ang bukol na dulot nito ay maaaring mamaga at kumalat sa paligid ng mata. Ang chalazion ay kadalasang tumatagal ng mas matagal sa kuliti, at gumagaling ng kusa kahit walang gamutan.

 

Paano malaman kung may kuliti (Stye)?

Madali lamang malaman kung mayroong kuliti sa mata. Matutukoy agad ang pagkakaroon ng kuliti kung mayroong bukol na nabubuo sa talukap.

Mga kaalaman tungkol sa Kuliti (Stye)

Kuliti sa MataKuliti ang pangkalahatang tawag sa impeksyon sa talukap ng mata na may kasamang pamumuo ng umbok, bukol o butlig. Maaring ito ay nasa loob na bahagi ng talukap o kaya naman sa gilid na bahagi kung saan tumutubo ang mga pilikmata. Ang kondisyong ito ay maaaring magdulot ng pananakit o di kumportableng pakiramdam sa talukap ng mata, ngunit bihira ang mga kasong malala na nangangailangan ng seryosong atensyon. Kadalasan, ang kuliti ay gumagaling ng kusa kahit hindi pa mabigyan ng masusing gamutan.

Ano ang sanhi ng kuliti sa mata?

Ang kuliti ay dulot ng impeksyon sa talukap na sanhi ng bacteria. Kung ang bacteria ay nakapasok sa hair follicle o ang ugat ng buhok na pilikmata, maaring magdulot ito ng impeksyon at mabarahan ang oil glands na sanhi ng pag-tubo ng bukol o butlig sa talukap.

Totoo bang magkaka-kuliti ng dahil sa pamboboso o paninilip?

Ito ay walang katotohanan. Ang paniniwalang magkakaroon ng kulit kapag nanilip o namboso ay maaaring gawa-gawa lamang upang sabihin na mali ang paninilip.

Magkaka-kuliti daw kung matalsikan ng dugo ng manok ang mata?

Maaring ito ay may bahid ng katotohanan kung ang dugo na nakapasok sa mata ay magdudulot ng impeksyon sa talukap. Ngunit walang makapagsasabi na direktang nakaaapekto ang dugo sa pagkakaroon ng kuliti.