Ang bato, o kidney, ay ang dalawang organ na nasa likurang bahagi ng tiyan ng tao na responsable sa pagsasala ng dugo, pagsisipsip ng mga mineral, pagpapanatiling balanse ng ilang hormones sa katawan, at iba pa. Bagaman kaya pa rin namang mabuhay kahit isang kidney na lamang ang gumagana o kahit pa 20% lamang ng mga bato ang nagtatrabaho ng maayos, mahalaga pa ring mapanatiling malusog ang parehong ng bato. Tandaan na kung ang mga bato ay mapapabayaan, maari itong humantong sa mga seryosong karamdaman na tiyak ding makaaapekto sa pangkalahatang kalusugan ng katawan.
Upang mapanatiling malusog ang mga bato, kinakailangan magkaroon ng kontrol sa sarili lalo na sa mga pagkain na maaaring makasama sa bato. Gayundin ang pag-iwas sa mga gawaing nakagisnan na hindi rin makabubuti sa bato. Narito ang sampung mga bagay o gawain na nakaaapekto sa kalusugan ng bato na madalas nating nakakalimutan o isinasawalang-bahala.
1. Kulang ang iniinom na tubig.
Dahil nga mahalaga ang papel ng bato sa pagsasala ng mga dumi sa katawan, mahalaga rin na mayroong sapat na dami ng tubig na dumadaloy sa mga bato para paagusin ang mga duming nasala at sumama sa ilalabas na ihi. Kung kulang ang iniinom na tubig araw-araw, may posibilidad na magtagal sa bato ang mga duming nakalap mula sa dugo at pagmulan ng mga seryosong karamdaman.
Basahin ang kahalagahan ng pag-inom ng tubig. Kahalagahan ng pag-inom ng tubig.
2. Kakulangan ng magnesium sa katawan.
Mahalaga ang mineral na magnesium para masipsip at magamit ng katawan ang mineral na calcium na tumutulong sa pagpapatibay ng mga buto at ngipin. Ngunit dahil kulang ang magnesium sa katawan, maaaring maipon ang calcium sa dugo na maaari namang masala at maipon sa mga bato. Nakasasama sa mga bato ang naipon na calcium sapagkat may posibilidad itong magsanhi ng pagbabara sa daluyan ng ihi.
Basahin ang kahalagahan ng magnesium sa ating kalusugan. Kahalagahan ng Magnesium.
3. Kakulangan ng Vitamin B2 sa katawan.
Nakatutulong sa mas maayos na paggana ng mga bato ang Vitamin B2 na madalas nakukuha sa mga kinakaing isda, atay at patatas, kung kaya makasasama rin kung magkukulang sa bitaminang ito. Ayon sa mga pag-aaral, mas tumataas ang panganib ng pagbabara sa mga daluyan ng bato (kidney stones) kung magkukulang sa bitaminang B2.
Basahin ang kahalagahan ng Vitamin B2 o Riboflavin sa mga kinakain. Kahalagahan ng Vitamin B2 (Riboflavin).
4. Paputol-putol na tulog.
Ayon din sa mga pag-aaral, ang paputol-putol na tulog ay maaaring makaapekto sa kalusugan ng mga bato. Ito ay dahil sa ang mga kalamnan o tissues ng mga bato ay napapalitan ng bago sa tuwing natutulog, kung kaya maaaring direktang makaapekto sa normal na paggana ng mga bato ang paputol-putol na tulog sa gabi.
Alamin ang iba pang masasamang epekto ng kakulangan ng tulog. Masasamang epekto ng kulang sa tulog.
5. Sobrang asin sa mga kinakain.
Bagaman mahalaga rin ang asin sa mga kinakain para mapanatiling maayos ang paggana ng katawan sa araw-araw, maaaring makasama kung sosobra sa tamang dami na kinakailangan ng katawan. Alalahanin na ang asin ay nakapagpapataas ng presyon ng dugo, at kapag madalas nakararanas ng altapresyon, maaring mapagod ang mga bato at humantong sa mga karamdaman dito.
6. Sobrang pag-inom ng matamis na soda.
Napag-aralan din ng mga dalubhasa na ang sobrang pag-inom ng mga soda na mayaman sa asukal ay nakapagpapataas ng panganib ng pagkakaroon ng sakit sa bato. Tumataas kasi ang dami ng protina sa ihi na isang senyales ng pagsisimula ng karamdaman sa bato. Imbes na soda, uminom na lamang ng tubig.
Alamin ang masasamang epekto ng sobrang asukal sa pagkain. Masasamang epekto ng sobrang asukal sa pagkain.
7. Sobrang pag-inom ng mga inuming may caffeine.
Tulad din ng asin, ang caffeine ay nakapagpapataas din ng presyon ng dugo na kung magiging madalas ay maaaring makaapekto sa normal na paggana ng mga bato.
Dagdagan ang kaalaman tungkol sa caffeine. Ano ang caffeine at para saan ito?
8. Pagpipigil ng ihi.
Hindi rin makabubuti ang madalas na pagpipigil sa pag-ihi. Ito ay sapagkat maaaring tumaas ang pressure sa pantog na tiyak na makasasama sa maayos na paggana ng mga bato. Ang madalas na pagpipigil ay maaaring humantong sa problema sa pag-ihi.
9. Sobrang pag-inom ng mga gamot na pain-killers.
Bagaman nakatutulong maibsan ang sakit na nararanasan sa pag-iinom ng mga gamot na pain-killers, dapat pa rin tandaan na ang mga gamot na ito ay mayroong side effects. At kadalasan, ang mga bato ang naaapektohan nito.
10. Paninigarilyo.
Walang mabuting naidudulot ang paninigarilyo. At isa sa mga nakasasamang epekto nito sa katawan ay ang mga karamdaman sa mga ugat na dinadaluyan ng dugo na ayon sa mga pag-aaral ay konektado din sa pagkasira ng mga bato.
Basahin ang mga paraan para matigil ng paninigarilyo. Paano matigil ang paninigarilyo.