Ano ang gamot sa breast cancer o kanser sa suso?

Ang breast cancer ay isang kondisyon na kayang maagapan at kayang magamot, lalo na kung ito’y makikita sa maaagang ‘stage’ pa lamang. Dahil isang seryosong kondisyon ang kanser, ang gamutan dito ay hindi basta basta at bawat pasyente ay may angkop na gamutan. May apat na kategorya ng gamutan para sa breast cancer at kalimitan, isa o kombinasyon ng mga ito ay magiging plan:

1. Surgery o operasyon

Sa surgery, inaalis ang bahagi ng breast na may cancer. Kung maliit pa ang bukol, pwedeng alisin lamang ang isang bahagi ng suso pero kung medyo malaki na, at para paniguradong walang natira, tinatanggal ang buong suso sa operasyon na tinatawag na ‘modified radical mastectomy’. Maaaring pati mga kulani sa may kilikili ang tanggalin na rin dahil kalimitan ay dito unang nagpupunta ang mga cancer cells. Ang surgery ay angkop sa mga maaagang stage ng kanser.

2. Chemotherapy

Ang chemotherapy ang pagpuksa sa mga cancer cells gamit ang mga gamot na kalimitan ay pinapadaan sa dugo. Dahil matapang ang mga gamot na ito, maraming side effect ang maaaring maranasan kabilang ang pagkalagas ng buhok. Ang chemotherapy ay maaaring ibigay bago ang operasyon (neo-adjuvant therapy) o pagkatapos nito (adjuvant therapy) para siguraduhing mapuksa ang mga cancer cells. Ito’y pwede ring ibigay sa mga kanser na malala na upang mabawasan ang mga sintomas.

3. Radiotherapy o radiation therapy

Ang radiotherapy naman ay ang paggamit ng enerhiya ng radiation para puksain ang mga cancer cells. Ito ay kadalasang ibinibigay pagkatapos ng operasyon, para siguraduhing walang natirang cancer cells, o kaya naman pagkatapos ng chemotherapy. Dahil pati ang mga normal na cell ay naapektuhan, kabilang sa mga side effect ng radiotherapy ang pagkasunog ng balat, pananakit sa behagi ng suso na ginamitan ng radiotherapy, pamamanas o pamamaga (lymphedema) at iba pa.

4. Hormone therapy

May ilang uri ng breast cancer na maaring talaban ng pag-inom ng mga gamot gaya ng Tamoxifen na kumokontra sa estrogen. Pero gumagana lang ito sa mga breast cancer na “ER+”. Ito’y gumagana sa pagharang ng mga epekto ng estrogen sa mga cancer cells, at sa gayo’y pinipigilan ang mga ito sa paglaki. Dahil kumokontra ito sa estrogen na isang sex hormone ng mga babae, ang mga side effect ng hormone therapy ay parang pagkakaron ng ‘menopause’: pagkatuyo ng pwerta, pagiging bugnutin, kawalan ng sex drive, pagpapawis sa gabi, at ‘hot flushes’.

Paano malaman kung may breast cancer o kanser sa suso?

Ang pagtukoy ng breast cancer o kanser sa suso ay binubuo ng physical examination (pagsusuri ng doktor sa suso) at paggamit ng mga eksaminasyon gaya ng mammography at biopsy.

Ang mammography ay isang uri ng X-ray na naka-focus sa suso. Base sa mammography, maaaring makita kung may kahinahinalang bahagi ng suso na maaaring kanser.

Kung may nakitang bahagi sa suso na maaaring may cancer sa mammography o kahit sa pag-inspeksyon lamang, ang susunod na hakbang ay ang pagsasagawa ng biopsy, o pagkuha ng sample ng mga cells o tissue mula sa bukol. Sisilipin ang mga cells o tissue na ito gamit ang microscope ng isang pathologist at basi sa uri ng cells na makikita, masasabi niya kung may kanser o wala ang sample na nakuha. Iba’t iba rin ang uri ng cancer at ang kanyang makikita ay makakatulong sa pagtukoy ng wastong gamutan para dito.

Bukod sa mammography at biopsy, maaring mag-request ang doktor ng karagdagang mga X-ray gaya ng chest X-ray, CT scan, mga blood test, at iba pang pagsusuri.

Ano ang mga sintomas ng breast cancer o kanser sa suso?

Ang mga sintomas ng breast cancer ay konektado sa epekto ng kanser sa suso. Kabilang dito ang:

  • Pagkakaron ng bukol sa anumang bahagi ng suss
  • Pamamaga o paninigas ng anumang bahagi ng suso
  • Bukol o pamamaga sa may banding kilikili
  • Pagbabago sa hugis o anyo ng suso
  • Hindi pantay ang magkabilang suso
  • Pagbabago sa hugis ng utong; paglubog ng utong
  • Pamumula sa anumang bahagi ng suso
  • ‘Tulo’ na parang nana na lumalabas sa utong

Bukod dito, bilang isang cancer, may mga sintomas ang breast cancer na nakakaapekto sa buong katawan. Kabilang dito ang:

  • Pagbabawas ng timbang
  • Sinat o lagnat
  • Pangangalos at pakiramdam na laging pagod

Kalimitan, alin man sa mga sintomas na ito ay HINDI nangangahulugan ng pagkakaron ng kanser. Subalit mabuti na ang sigurado kaya kung meron ka ng anuman sa mga ito, magandang ipatingin kaagad sa doktor.

Mga kaalaman tungkol sa breast cancer o kanser sa suso

ANO ANG BREAST CANCER?

Ang breast cancer ay isang cancer na nakakaapekto sa suso. Bilang isang kanser, ito ay tumutukoy sa mga malignant cells o mga cell na hindi mapigil ang pagdami, palaki ito ng palaki hanggang makasira ito sa bahagi ng katawan kung saan ito naroon at patuloy na kumalat sa ibang bahagi ng katawan.

GAANO KADAMI ANG MAY BREAST CANCER SA PILIPINAS?

Ang breast cancer ang pinaka-karaniwang kanser sa Pilipinas. Noong 2010, itinatala na may 12,262 na bagong kaso ng breast cancer sa bansa. Ayon sa ilang pag-aaral, ang Pilipinas ang may pinakamataas na porsyento ng kababaihan na may breast cancer, kung kaya’t ito’y isang kondisyon na dapat pagtuunan ng pansin.

PAANO NAGKAKAROON NG BREAST CANCER?

Ang breast cancer o kanser sa suso ay isang kondisyon na hindi kayang ipaliwanag ng isa lamang dahilan, subalit may mga bagay na napag-alaman na maaaring may kontribusyon sa pagkakaron ng breast cancer, ang mga tinatawag na ‘risk factors’. Kabilang na dito ang pagkakaron ng breast cancer sa pamilya, ang hindi pagkakaron ng pagbubuntis. Pero karamihan ng breast cancer ay hindi madaling ipaliwanag dahil hindi pa talaga ganap na natutukoy ng mga mag-aaral ang mekanismo ng pagkakaron ng breast cancer.

ANONG IBIG SABIHIN NG IBA’T-IBANG STAGE NG BREAST CANCER?

Ang mga stage na ito ay isang paraan para gabayan ang mga doktor kung anong gamot ang angkop sa isang kaso ng breast cancer.

ILANG TAON PANG MABUBUHAY ANG TAO NA MAY BREAST CANCER?

Depende ito sa Stage ng kanser, at depende din ito sa pasyente. Mahirap magbigay ng eksaktong ’taning’ sa isang pasyente. Ang totoo, pataas na ng mataas ang porsyento ng breast cancer ngayon ang nagagamot at naaagapan. Kung maagapan, maraming mga pasyente ang nabubuhay ng higit sa lima o sampung taon. Ayon sa ilang pag-aaral, ang porsyente ng mga Pilipino na nabubuhay makalampas ng 5 talon matapos ma-diagnose na may breast cancer ay nasa 50%.