Paano makaiwas sa Colon Cancer (Kanser sa Bituka)?

Sa ngayon, walang tiyak na paraan kung paano makakaiwas sa pagkakaroon ng sakit na ito, ngunit may mga pagaaral na nagsasabing higit na mas mababa ang tsansa ng pagkakaroon ng colon kanser sa mga taong may masiglang pamumuhay.

  • Kumain ng masusustansyang pagkain. Ang pagkain ng mga prutas, gulay at binhi na mayaman sa bitamina, mineral, fiber at antioxidants ay makakatulong ng malaki sa hindi pagkakaroon ng kanser sa bituka. Iwasan din ang sobrang pagkain ng matataba sapagkat isa ito sa itinuturong sanhi ng pagkakaroon ng kanser sa bituka.
  • Umiwas sa alak at sigarilyo. Mas mainam na makaiwas nga alak at sigarilyo sapagkat makatutulong ito na lumiit ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na kanser.
  • Regular na pageehersisyo. Mayroon ding pagaaral na ang mga taong madalas nageehersisyo ay kadalasang hindi nagkakaron ng colon cancer.
  • Pagpapanatili ng tamang timbang. Naidirikit din ang pagkakasakit ng kanser sa bituka sa mga taong sobra sa timbang o obese. Kayat mainam na panatilihin lamang sa tamang timbang ang katawan.

Makatutulong din ang regular na pagpapatingin sa doktor upang maagapan at matukoy kung mayroong kanser sa bituka sa unang antas pa laman. Maaring sumailalim sa pisikal na eksaminasyon at screening kada 5 taon kung ang edad ay nasa 50 pataas.

Ano ang gamot sa Colon Cancer (Kanser sa Bituka)?

Sa mga unang antas ng sakit, malaki ang posibilidad na gumaling ang pasyente sa pamamagitang ng surgery o operasyon. Ang tumor na tumubo sa gilid ng bituka ay madali lamang tanggalin at kadalasa’y hndi na kailangan pangĀ  sabayan ng ibang gamutan.

Kung ang kanser naman ay nagsimula nang kumalat, binibigyan ng chemotherapy ang pasyente. Layunin ng chemotherapy na paliitin at pigilan ang pagdami ng cancer cells. Ginagamit din ang radiotherapy upang puksain ang mga kumakalat na tumor. Bagaman nakakatulong sa pagpigil ng kanser, ang chemotherapy at radiotherapy ay may ibang epekto sa katawan. Maari itong magdulot ng pagsusuka, pagkalagas ng buhok, at pagbawas ng timbang.

May posibilidad ba na manumbalik ang sakit matapos gumaling?

Mayroon. May malaking tsansa pa rin na manumbalik ang kanser kahit pa gumaling na sa naunang sakit lalo na kung ito ay umabot sa ikatlo o ikaapat na antas.

Paano malaman kung may Colon Cancer (Kanser sa Bituka)?

Pinakamainam kung agad na matutukoy ang kanser sa bituka sa mga unang stage pa lamang. Sa mga taong nasa edad 50 pataas na siyang may pinakamataas na posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na ito, inaasahan ang regular na check-up o screening upang maagapan ang sakit sa simula pa lang.

Isinasagawa ang tests o screening upang malaman kung mayroong pagdurugo sa pagdudumi. Kadalasan, kumukuha ng sample mula sa dumi at saka isasailalim sa pagsusuri gaya ng Fecal Occult Blood Test. Kung makitaan ng bakas ng pagdurugo, maaring gumamit ang doctor ng sigmoidoscopy, double contrast barium enema, o colonoscopy upang masilip ang loob ng bituka. Ang mga instrumentong ito na parang mga tubo ay pinapasok sa puwit. At kung may makitang kahinahinalang bukol o tumor, agad na magsasagawa ng biopsy upang makumpirma ang kung positibo sa sakit na colon cancer.

Inirerekomenda ng mga doktor ang regular na pagpapatingin o screening sa mga taong may edad 50 pataas. Ang sigmoidoscopy at double contrast barium enema ay maaaring isagawa kada 5 taon, at ang colonoscopy naman ay kada 10 taon.

 

Ano ang mga antas o “stages” ng Kanser sa Bituka?

Tulad ng ibang kanser, nahahati ang mga antas or stages ng kanser sa bituka ayon sa kung gaano kalaganap ang mga tumor at cancer cells.

  • Stage 0 – Ang maliit na bukol o tumor ay hindi pa madaling mapansin sapagkat ito ay nakapaloob pa sa lining ng isang bahagi ng bituka lamang. Malaki ang porsyento na maagapan ang kanser sa antas na ito kung agad na magsasagawa ng operasyon o surgery.
  • Stage I – Hindi lamang isang layer ng ng bituka ang apektado ng tumor. Maaring ito ay umabot na sa ikalawa at ikatlong layer. Malaki pa rin ang posibilidad na maagapan ang kanser sa antas na ito kung magsasagawa agad ng operasyon.
  • Stage II – Ang bukol ay mas malaki na at umuubok hanggang sa kalamnan ng bituka. Maaring ito ay kumakalat na sa iba pang bahagi ng bituka ngunit hindi pa sa mga kulani at kalapit na istraktura.
  • Stage III – Mayroon nang malalaking tumor sa bituka at ito ay nagsisimula nang kumalat sa mga 4 hangang 5 na kalapit na kulani sa labas ng bituka.
  • Stage IV – Ang kanser ay maituturing nang “metastatic” o kumalat na sa ibang parte ng katawan. Maaring naapektohan na ng tumor na may iba’t-ibang sukat ang baga, atay at iba pa.

 

Ano ang mga sintomas ng Colon Cancer (Kanser sa Bituka)?

Sa pagsisimula ng kanser sa bituka, hindi agad ito makikitaan ng anumang sintomas. Ngunit may ilang senyales na maaring mapansin tulad ng:

  • Pagbabago sa paraan ng pagdudumi. Maaring napapadalas ang konstipasyon o ang matigas na dumi pati rin ang diarrhea o ang matubig na pagtatae.
  • Pagdurugo kasabay ng pagdumi.
  • Presensya ng maiitim na patse ng dugo sa dumi.
  • Pananakit o di kompurtableng pakiramdam sa tiyan
  • Hindi maipaliwanag na pangangayayat, kawalan ng gana sa pagkain at madaling mapagod
  • Pananakit sa bahagi ng tumbong.

Kinakailangan na magpasuri agad sa doktor kung mapapansin at napapadalas ang mga senyales na nabanggit. Kung mapapabayaan, maaring ito’y maging sanhi ng anemia dahil sa patuloy na pagdurugo.

Mga kaalaman tungkol sa Colon Cancer (Kanser sa Bituka)

Colon CancerAng colon ay ang bahagi ng daluyan ng pagkain na nagdudugtong sa maliit na bituka (small intestines) at sa tumbong (rectum). Dito nagaganap ang huling yugto ng proseso ng pagtunaw at pagsipsip ng sustansya sa pagkain (food digestion and absorption). Tinatawag din itong malaking bituka o large intestine. Colon Cancer ang tawag kung ang kanser ay magmula sa bahaging ito ng katawan.

Ang kanser sa bituka ay nabubuo kung may abnormalidad sa pagpapalit ng cells sa lining nito. Ang pagbabagong ito ang siya namang nagdudulot ng pagtubo ng polyps o tumor sa gilid ng bituka na kung mapabayaan ay maaaring lumaki at kumalat sa iba pang bahagi ng katawan. Ang prosesong ito ay matagal at umaabot ng 8 hanggang 10 taon bago maging ganap na kanser.

Ano ang mga sanhi colon cancer?

Tulad ng iba pang kanser walang tiyak na dahilan o direktang sanhi ang pagkakaroon ng sakit na ito, bagaman may ilang bagay na nakadaragdag ng posibilidad na magkaroon ng kanser sa bituka gaya ng sumusunod:

  • Iba pang sakit sa bituka – ang pagkakaroon ng iba pang sakit sa bituka gaya ng ulcerative colitis, o kaya naman cancer sa ibang bahagi ng katawan ay ang may pinakamalaking kontribyusyon sa pagtubo ng mga bukol sa bituka.
  • Namamana – gaya rin ng ibang uri ng kanser, malaki ang posibilidad ng pagkakaroon ng colon cancer kung ang sakit ay nasa kasaysayan ng pamilya.
  • Pagkain ng matataba – may mga pagaaral na nagsasabing mas mataas ang tsansa ng pagkakaroon ng kanser sa bituka kung madalas ang pagkain ng matataba.
  • Eksposyur sa kemikal – ang matinding eksposyur sa ilang kemikal gaya ng chlorine at asbestos ay nakakadaragdag ng posibilidad ng pagkakaroon ng colon cancer.
  • Nakaraang operasyon – ang taong sumailalim sa operasyon sa bandang bahagi ng bituka ay maaari rin magkaroon ng kanser.
  • Istilo ng pamumuhay – nakaka-kontribyut din sa pagkakaroon ng sakit ang madalas na paninigarilyo at pag-inom ng alak.