Sabi po ng midwife namin meron daw akong hepa, kasi naninilaw ang aking mga mata, totoo kaya doc? last year pa po yon at hindi ako nagpabakuna kasi hindi ako naniwala. Nitong mga araw po, nakakaramdam po ako ng pagkahilo, medyo naninilaw pa rin po ang aking mata,nagiging antukin po ako at parang pagod po ako, eh. hindi naman po ako workaholic. anong sakit po ba itong sintomas na nararamdaman ko po?
Ang Hepatitis B ay isa lamang sa mga posibleng sanhi ng paninilaw ng mata. May mga iba’t ibang kondisyon sa iba’t ibang bahagi ng katawan – gaya ng apdo (gall bladder), bato (kidneys), atay (liver), at maging sa dugo mismo na pwedeng maging sanhi ng paninilaw ng mata at paninilaw ng katawan. Kaya, basi sa iyong kwento ay wala akong maibibigay ng tiyak na sagot. Subalit, kung ikaw ay hindi nakapagpabakuna sa Hepatitis B, maski noong bago ka unang nakaranas ng paninilaw ng mata, hindi natin pwedeng isarado ang pinto sa posibilidad na ito ay Hepatitis.
Ang payo ko sa iyo ay magpatingin sa doktor upang matiyak ang sanhi ng paninilaw ng iyong mga mata. Depende sa kanyang palagay, maaaring magpagawa siya ng mga blood tests na siyang titingin kung may Hepatitis B nga ba o wala, at aalamin rin kung ano ang maaaring sanhi ng paninilaw. Maging handa ng sagutin ang mga sumusunod na tanong:
- Bukod sa mata, nagkaron din ba ng paninilaw sa katawan?
- Ano-ano ang mga napabakuna mo nung bata ka, at kahit matanda ka na?
- Ikaw ba ay nagkaron ng sexual encounter sa iba’t ibang tao na maaaring may Hepatitis?
- Madalas ka bang uminom ng alak?
- May nararamdaman ka bang pagbabago sa iyong tiyan, paglaki o pagkirot?
- …at iba pang mga tanong.