Maari bang mabuntis kahit hindi naipasok ng buo ang ari ng lalaki?

Q: Maari po bang mabuntis kahit hindi naipasok ng buo yung ari ng lalaki sa sa ari ng babae ? Na yung ulo lamang ang pumasok pero hindi lahat?

A: Oo, maaring mabuntis kung ang lalaki ay nilabasan ng kanyang semilya sa loob ng ari ng babae, kahit hindi buong-buo ang pagkakapasok ng ari niya. Ang pagpapalabas ng tamod ng lalaki ay may kasamang pwersa at sa pagtalsik nito sa lagusan ng babae ay maaari parin itong makarating sa Fallopian tube upang makipag-ugnay sa egg cell at mag-umpisa ng proseso ng pagbubuntis.

Upang maklaro ang inyong isip tungkol sa bagay na ito, ang pinakamagandang gawin ay magpapregnancy test makatapos ang 14 na araw mula sa huling pagregla. Kung regular kang dinadatnan ng monthly period o regla at hindi ka dinatnan sa schedule ng iyong regla, pwede ka na agad magpa-pregnancy test sa araw din na yun. Kung hindi regular ang iyong monthly period, pwede kang magpa-pregnancy test sa ika-21 na araw makalipas ang pakikipagtalik. Tingnan ang pahinang ito sa Kalusugan.PH para sa wastong paggamit ng pregnancy test.

Dinudugo habang nagsesex o nakikipagtalik

Q: Bakit po minsan dinudugo ako pag nagsesex kami? Normal lang ba paginjectable ang gamit mo may regla nalumalabas kontikonti?

A: Ang pagdudugo habang nakikipag-sex ay isang kondisyon na maraming kababaihan ang nakakaranas, at hindi lang kung ito’y unang beses mong makipagsex — ibang usapan ito, at ang pagdudugo ay dahil sa pagkapunit ng ‘hymen’.

Maraming posibleng sanhi ang pagdudugo habang nakikipagsex. Isa-isahin natin ang mga karaniwang sanhi:

Una, isang posibilidad ay ang pagdurugo dahil nasusugatan ang mga haligi ng iyong puwerta sa pakikipagtalik. Ito’y maaaring mangyari kung hindi sapat ang lubrikasyon habang nagsesex; masyadong magaspang ang pasok ng ari ng lalaki. Ito’y mas madalas mangyari kung may pagbabago sa antas ng ‘estrogen’ sa iyong katawan na na-oobserbahan kung nasa menopause na ang babae. Ang madaling solusyon dito ay ang paggamit ng ‘lubricant’ o pampadulas habang nakikipagtalik; ang mga ito ay nabibili sa mga botika o mga supermarket. Ang pagkakaron ng mas mahabang panahon ng ‘foreplay’ ay nakakapagbigay ng dagdag na dulas sa puwerta ng babae, at maaari ring makatulong.

May mga pagbabago rin sa ‘cervix’ o kwelyo ng matris ng babae na maaaring magdulot ng pagdudugo habang nagsesex. Ang pag-inom ng pills, maski mga injectables na iyong nabanggit, ay posibleng magpataas ng posibilidad na ito ang sanhi. Ito’y pwedeng kusang mawala, o maaaring kailanganin na gamutin.

May mga impeksyon rin, kasama na dito ang ilan sa mga STD, na pwedeng maka-apekto sa ari ng babae, at magdulot sa pagdudugo habang nakikipagtalik. Ikaw ba ang nagkaron ng ibang ka-partner sa sex sa nakaraang mga linggo at buwan? Ang partner mo ba ang ekslusibong sa iyo lamang nakikipag-talik? Ang mga tanong na ito ay dapat i-konsidera upang matukoy kung posibleng bang ikaw ay may STD o iba pang impeksyon. Ang mga ito ay maaari ring magkaron ng ibang kaakibat na sintomas, gaya ng nana sa ari, pagkirot sa puwerta, lagnat, at iba pa.

Mayroon ring mga kondisyon gaya ng ‘endometriosis’ at ‘uterine polyps’ na pwede ring magsanhi ng pagdudugo habang nakikipagtalik. Bukod dito, may mga kondisyon din sa katawan na ginagawang mas ‘duguin’ ang isang tao, gaya ng hemophilia. Bukod sa sex, may iba pang karaniwang sitwasyon na dinudugo ka rin, gaya ng pagsisipilyo?

Karamihan sa mga sanhi ng pagdudugo habang nagsesex ay hindi naman seryoso, at marami dito ang kusang mawawala. Subalit kung ito’y patuloy na nakakasagabal sa ito, mas maganda kung magpatingin ka sa OB-GYN o iba pang doktor upang ikaw ay ma-examine ng maayos at mabigyan ng kaukulang solusyon sa iyong problema.