Paano makaiwas sa Bird Flu?

Ang pinakamainam na paraan ng pag-iwas sa sakit na Bird Flu ay ang pagiging maingat at maagap. Narito ang ilan sa mga mabuting hakbang sa pag-iwas sa sakit:

  • Laging maghuhugas ng kamay lalo na bago o pagkatapos humawak ng buhay na manok, o anumang ibon.
  • Tiyaking naluto ng husto ang mga manok.
  • Huwag mag-aalaga basta-basta ng mga ibon na maaaring apektado ng sakit.
  • Huwag hahawak ng mga ibon na may sakit gamit ang kamay na walang gloves o anumang proteksyon.
  • Laging gumamit ng gloves, face mask, at goggles, kung haharap sa mga ibon na may sakit.
  • Agad na iulat sa awtoridad ang anumang pagkakasakit ng mga alagang ibon
  • Maging maagap at alerto lalo na kung magtutungo sa lugar na may napapabalitang kaso ng sakit.

May bakuna ba laban sa sakit na Bird Flu?

Bagaman mayroon ngang bakuna na epektibo laban sa sakit na bird flu, ang suplay nito ay hindi sapat para makuha nang basta-basta. Ang bakuna para sa karaniwang trangkaso ay hindi epektibo para sa sakit na dulot ng Bird Flu virus.

Ano ang gamot sa Bird Flu?

Ang paggagamot sa sakit na Bird Flu ay tulad din ng paggagamot sa karaniwang trangkaso. Ang mga gamot na antiviral tulad ng osetalmivir at zanamivir ay makatutulong na pabagalin ang progreso ng pagkakasakit kung maibibigay sa mga unang araw pa lamang ng pagkakaranas ng mga sintomas ng sakit. Bukod dito, maaring pangalagaan na lamang muna ang pasyente habang hinihintay na makabuo ng sariling panlaban sa virus ang katawan (antibodies) hanggang sa kusang mawala na ang sakit.

Paano malaman kung may Bird Flu?

Sa ibang bansa, ang pagtukoy sa sakit na Bird Flu ay nangangailangang masusing pagsusuri. Mula sa pagiging positibo sa Influenza A Virus, kakailanganin ang iba pang pagsusuri gaya ng polymerase chain reaction (PCR) para matukoy mismo ang impeksyon ng Influenza A (H5N1) Virus. Minsan ay isinasagawa din ang blood test upang matukoy ang antibodies na nabuo dulot ng impeksyon ng virus, ngunit ang resulta sa ganitong paraan ay maaari lamang makuha matapos ang pagkakasakit, o minsan pa’y sa pagkamatay na ng pasyente.

Ano ang mga sintomas ng Bird Flu?

Gaya rin ng karaniwang trangkaso, ang pagkakaranas ng mga sintomas gaya ng mataas na lagnat, ubo, sipon, at nanakit na lalamunan ay mararanasan din sa Bird Flu. Kadalasang nararanasan ito 2 hanggang 8 araw mula nang mahawa sa sakit. Narito ang listahan ng mga sintomas na hatid ng Bird Flu:

  • Lagnat na umaabot ng 38° C
  • Dry cough, o ubo na walang plema
  • Pananakit ng lalamunan o sore Throat
  • Pananakit ng mga kalamnan at kasukasuan
  • Pagsusuka
  • Pagtatae
  • Pagtulo ng sipon
  • Hirap sa pagtulog
  • Impeksyon sa mata gaya ng sore eyes

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kung ang mga sintomas na nararanasan ay hindi humuhupa kahit pa nabigyan na ng gamot, marapat lang na dalhin na sa pagamutan. Ang mga paglala ng kondisyon gaya ng pagkakaroon ng pulmonsya ay maaaring maiwasan kung maagang magagamot.

Kaalaman tungkol sa sakit na Bird Flu (Avian Influenza)

Ang bird flu, o sa terminolohiyang medikal ay avian influenza, ay isang sakit na nakaaapekto sa mga ibon gaya ng manok, gansa o bibe na maaari ring maipasa at magdulot ng malubhang karamdaman sa mga tao. Nagdudulot ito ng mga sintomas na kagaya rin ng karaniwang trangkaso—lagnat na may kasamang ubo at sipon, pananakit ng katawan, pananakit ng lalamunan, hirap sa paghinga, at minsan pa, ay may kasabay na sore eyes. Ito ay dulot ng impeksyon ng virus.

Gaano kalaganap ang sakit na Bird Flu?

Ang sakit na bird flu ay nakaaapekto sa ilang mga bansa sa Europa, Asya at hilagang bahagi ng Africa. Mula nang matuklasan ang sakit na ito noong 1997, nagdulot na ito ng maraming kaso ng pagkakasakit at minsan pa at kamatayan sa mga lugar na nabanggit. Sa Pilipinas, naging mahigpit ang pagbabantay upang hindi makapasok ang naturang sakit at makaapekto sa mga ibon sa bansa, kaya naman nananatiling malaya ang bansa sa sakit.

Ano ang sanhi ng Bird Flu?

Ang sakit na bird flu ay dulot ng impeksyon ng influenza virus strain na A (H5N1). Ito ay orihinal na nakaaapekto sa lamang sa mga ibong gaya ng manok, pato, at iba pa, ngunit maaari ding maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng pagkakalanghap o pagkaing may kontaminasyon ng naturang virus.

Maaari bang makuha ang sakit na Bird Flu mula sa taong may sakit?

Ang pagkakahawa ng sakit na Bird Flu ay kadalasang mula sa ibon lamang at hindi o bibihira lamang nakukuha mula sa taong may sakit.

Ano ang mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakahawa ng sakit?

Higit na tumataas ang posibilidad ng pagkakahawa ng sakit na ito kung nabubuhay nang malapit sa mga ibon na apektado ng sakit. Ang mga nag-aalaga ng manok, o anumang ibon ang may pinakamataas na posibilidad ng pagkakasakit. Gayundin ang mga taong kumakain ng karne ng manok at itlog na hindi nahugasan at naluto nang husto sa mga lugar na napapabalitang may kaso ng bird flu.

Ano ang mga komplikasyon ng sakit na Bird Flu?

Kung ang sakit na ito ay mapapabayaan, maaaring dumanas ng panghihina, hirap sa paghinga, pulmonya, panginginig ng mga kalamnan, pagpalya ng ilang bahagi ng katawan, at maging kamatayan.

Paano makaiwas sa Trangkaso o Flu?

Ang pinakamabisang paraan upang makaiwas sa trangkaso ay ang pagpapabakuna. Ang bakuna laban sa trangkaso ay tinatawag na flu o influenza vaccine. Taon-taon, iba’t iba ang laman ng bakuna, depende sa karaniwang uri ng virus na nagsasanhi ng influenza sa pangkasalukuyan. Ang mga bakunang ito, bagamat hindi kayang pigilin ang lahat ng trangkaso, ay napatunayang nakakabawas sa sa dami ng kaso ng trangkaso at sa mga trangkasong na-oospital ng 75%. Dahil taon-taon nag-iiba ang bakuna, taon-taon din dapat magpabakuna laban sa trangkaso

Bukod sa pagpapabakuna, mahalaga rin na panatilihinh malinis ang sarili. Narito ang ilang hakbang na dapat sundin upang maiwasang mahawa ng trangkaso:

  • Ugaliin maghugas ng kamay bago kumain at pagkatapos gumamit ng banyo. Hugasang mabuti ang mga kamay gamit ang sabon.
  • Iwasan ang paghawak sa mata, ilong at bibig. Ang virus ay maaaring maikalat sa paraang ito
  • Masmakabubuting umiwas sa mga taong may trangkaso.
  • Matulog ng sapat, kumain ng masusustansya, at uminom ng sapat ng tubig araw-araw.
  • Magtakip ng ilong at bibig sa tuwing uubo at babahing, at itapon sa tamang tapunan ang pinang takip na tissue.
  • Kung ikaw ay may sakit, makabubuting manatili sa bahay at magpahinga upang hindi makahawa.

Ano ang gamot sa Trangkaso o Flu?

Sa ngayon ay wala pang gamot para sa trangkaso. Ang mga inaalok na “gamot sa trangkaso” ay pawang mga gamot para sa mga sintomas na nararanasan lamang; hindi nito kayang gamutin, o paikiliin man lamang ang trangkaso sa katawan. Ang trangkaso ay kusang nawawala sa paglipas ng panahon. Kinakailangan lamang nag suporta sa pasyente sa pamamagitan ng tama at sapat na pamamahinga. Ang pag-inom ng maraming tubig ang pinakamahalagang hakbang sa paggagamot ng trangkaso upang maiwasan ang dehydration o kakulangan sa tubig. Para sa mga sintomas gaya ng lagnat at pananakit ng katawan, , paracetamol ang maaaring ibigay. Depende sa iba pang sintomas, maaaring may karagdagang gamot na ireseta ang iyong doktor. May mga bagong gamot laban mismo sa virus na nagsasanhi ng trangkaso, ngunit sa ngayon hindi ito bahagi ng regular na paggagamot sa trangkaso. Muli, magpakonsulta sa doktor para magabayan sa paggagamot ng trangkaso.

Paano malaman kung may Trangkaso o Flu

Sa karamihan ng kaso, madaling natutukoy ng doktor ang pagkakaroon ng trangkaso sa simpleng pag-obserba lamang sa mga sintomas na nararamdaman, bagaman mayroon din namang mga pag-susuri ang maaaring isagawa upang makasiguro na flu virus ang sanhi ng pagkakasakit at hindi ang iba tulad ng dengue at typhoid. Kumukuha lamang ng sample mula sa ilong at lalamunan, at saka ito pag-aaralan sa laboratryo. Mahalaga ito upang mabigyan ng tamang lunas ang mga sintomas na nararanasan.

Ano ang mga sintomas ng Trangkaso o Flu?

Ang mga sintomas ng trangkaso ay biglaang dumadating makalipas lamang ang 1-2 araw matapos mahawa nito. Sa umpisa, ang pasyente ay maaaring ginawin at makaramdam ng lagnat at pananakit ng katawan. Heto ang mga sintomas ng trangkaso:

  • Lagnat
  • Panginginaw at panginginig
  • Ubo’t sipon
  • Pagbabara ng ilong
  • Pagbabago ng panlasa
  • Pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan
  • Sakit ng ulo

Bukod dito, marami pang ibang sintomas na pwedeng maging bahagi ng trangkaso gaya ng pagsusuka, pagtatae, at pagkakaroon ng rashes o butlig-butlig sa balat. Kung mapapansin ninyo, ang mga sintomas ng trangkaso ay napakakaraniwang sintomas at hindi tanging sa trangkaso lamang mararanasan; may mga sakit na mukhang trangkaso pero kung susuriing mabuti ay iba palang kalalagayan gaya ng Dengue Fever o Typhoid. Dahil dito, mahalagang magpatingin sa doktor para matiyak ng trangkaso nga ang iyong nararamdaman.

Kailan dapat magpatingin sa doktor kung may trangkaso?

Gaya ng nabanggit sa itaas na talata, maraming sakit na mukhang trangkaso, gaya ng dengue, typhoid, at iba pa. Ipatingin sa doktor ang “trangkaso” kung mataas na mataas ang lagnat, kung may mga sintomas ng pagdudugo, at kung hindi pa gumagaling ang trangkaso na mahigit isang linggo na. Bantayan din ang katawan: kung mukhang matamlay at tuyo ang bibig, maaaring mayroong kakulangan sa tubig o “Dehydration”: sa ganitong mga kaso maaaring makabuti kung i-confine ang pasyente sa ospital para kaagad mabigyan ng tubig at sustansya.

Mga kaalaman tungkol sa Trangkaso o Flu

Ang Trangkaso o sa Ingles ay Flu at sa terminolohiyang medikal ay Influenza ay isang pangkaraniwan at nakakahawang sakit kung saan nagkakaroon ng impeksyon mula sa Influenza Virus. Ang taong apektado nito ay nakakaranas ng matinding lagnat, at kung mapapabayaan ay maaaring makamatay. Maaari itong makuha sa pamamagitan ng pakikisalimuha sa ibang tao na may trangkaso, o kung makakalanghap ng hangin na may Influenza virus. Ito’y dumarating ng pana-panahon at karaniwang “nauuso” sa panahon ng tag-ulan. Dahil ang sakit na ito ay isang uri ng airborne disease o yung mga sakit na nakukuha sa hangin, madali itong kumakalat sa mga lungsod at iba pang lugar na maraming tao. Ito rin ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga epidemiko ng trangkaso sa paglipas ng mga taon. Kabilang sa mga halimbawa ng trangkaso na mabilis kumalat ay ang “Bird Flu” at ang H1N1 Infleunza A Pandemic mula 2009-2010. Ayon sa World Health Organization, maaaring maulit ang ganitong uri ng trangkaso sa mga susunod na taon.

Ano ang sanhi ng trangkaso?

Ang trangkaso ay isang uri ng sakit ng dulot ng impeksyon ng influenza virus. Mayroong tatlong uri ng virus na maaaring makapagdulot ng trangkaso, ang Type A, Type B at Type C. Sinasabing ang Type A at B na virus ang maaaring pagmulan ng malalang kaso ng trangkaso at nakapagdudulot ng mga epidemiko, at ang Type C virus naman ang nagdudulot ng masmahinang uri ng sakit. Sa kabila nito, tanging ang Type A at B lamang ang mayroong nakahandang bakuna, at wala para sa Type C.

Paano kumakalat ang sakit na trangkaso?

Ang sakit na trangkaso ay nakakahawa. Kumakalat ang Influenza Virus sa hangin sa tuwing bumabahing o umuubo ang taong may trangkaso at maaari namang makahawa kung malalanghap ng ibang tao ang virus. Ang pakikisalamuha sa taong may trangkaso at paggamit ng ilan niyang kagamitan ay maaari ding pagmulan ng sakit. Maari ring maikalat ang virus kung hahawak sa mga bagay-bagay gaya ng hawakan ng pintuan, remote control at telepono.