Paano makaiwas sa Meningococcemia?

Ang mainam na paraan ng pag-iwas sa sakit Meningococcemia ay ang paggamit ng mga pang-iwas na mga gamot at ilang mga bakuna. Bagaman hindi sakop ng bakunang Meningococcal conjugate vaccine ang lahat ng uri ng mga bacteria na meningococcus, makatutulong pa rin ito na makaiwas sa mabilis na pagkakahawa sa sakit. Kadalasang binibigay ito sa edad na 11 o 12, at pinapalakas pa ng booster na bakuna sa edad na 16. Mabuting kumonsulta sa doktor para makakuha ng bakunang ito.

Bukod sa pagpapabakuna, makatutulong din ang pag-iwas mismo sa mga lugar na maaring mapagkunan ng bacteria, at ang pagpapanatiling malinis sa sarili at ng kapaligirian. Narito ang ilang mga hakbang na makatutulong rin sa pag-iwas sa sakit:

  • Umiwas sa mga matataong lugar
  • Iwasan ang malapitang makikisalamuha sa taong may sakit na meningococcemia
  • Palakasin ang resistensya ng katawan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain, at regular na pag-eehersisyo
  • Ugaliin ang paglilinis at pag-disinfect sa bahay at mga kagamitan
  • Huwag gagamit ng mga bagay na ginamit ng taong apektado ng sakit
  • Ugaliin ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig.

Ano ang gamot sa Meningococcemia?

Kung ang sakit ay matutukoy nang maaaga, malaki ang posibilidad na magamot at malampasan ang sakit. Kadalasan ay nadadala ito sa paggagamot gamit ang mga iba’t ibang uri ng penicillin, at chloramphenicol naman kung may allergy sa penicillin. Ngunti kung ang impeksyon ay malala at kumalat na sa katawan, ito ay mangangailangan na ng agarang paggagamot (medikal emergency). Ang pasyente ay agad na dinadala sa intensive care unit o ICU ng ospital kung saan ang pasyente ay matututukan.

Ang paggagamot sa pasyenteng may menigococcemia sa binubuo ng sumusunod:

  • Agad na pagbibigay ng malalakas na antibiotic na pinapadaan sa ugat o intravenous (IV)
  • Suporta sa paghinga
  • Gamot na tutulong sa pamumuo ng dugo at pagdaragdag ng mga nawalang platelets
  • Pagdaragdag ng tubig sa katawan na pinapadaan din sa ugat o intravenous
  • Gamot para sa mababang presyon ng dugo
  • Pangangalaga sa mga sugat sa katawan

 

Paano malaman kung may Meningococcemia?

Ang pagtukoy sa sakit na meningococcemia ay kadalasang isinasagawa sa pamamagitan pag-aaral sa dugo at dura na mula sa baga (sputum) sa laboratorio. Tinutukoy dito kung may presensya ng bacteria na Neisseria meningitidis na siyang nagsasanhi ng meningococcemia. Maaari din itong matukoy mula sa pagsusuri sa spinal fluid, sa mga sugat sa balat, pati na rin sa ihi ng pasyente.

Ano ang mga sintomas ng Meningococcemia?

Sa simula ng pagkakasakit, ang taong may sakit na meningococcemia ay maaaring dumanas ng mga sintomas gaya ng sumusunod:

  • Mataas na lagnat
  • Pananakit ng ulo
  • Ubo
  • Sore throat
  • Pananakit ng mga kalamnan
  • Pagiging iritable
  • Pagsusuka
  • Tuldok-tuldok na rashes na karamihan ay nasa binti

Kinalaunan, ang mga sintomas ay maaaring lumala o madagdagan pa. Narito ang mga sintomas na maaari ding maranasan sa mas malalang kondisyon ng meningococcemia:

  • Matinding pagsusugat sa balat na maaaring humantong din sa pagkamatay (gangrene) ng bahaging ito.
  • Pabago-bago o paghina ng mga Vital Signs
  • Pagdedelrio
  • Paglawak ng mga rashes sa katawan na humahantong din sa pagkamatay ng bahaging ito.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Agad na magpatingin sa pagamutan kung makaranas ng mga sintomas na nabanggit lalo na kung kakagaling pa lamang sa lugar na may bali-balitang pagkalat ngsakit na meningococcemia. Makabubuti rin na kumonsulta sa doktor kung biglang dumanas ng matinding lagnat sa loob ng 10 araw ng pagbisita sa lugar na may mga kaso ng sakit.

Mga kaalaman tungkol sa Meningococcemia

Ang sakit na meningococcemia ay isang malalang sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria sa itaas na bahagi ng daluyan ng paghinga (upper respiratory tract) at sa daluyan ng dugo (blood stream). Ito ay maaaring makamatay kung mapapabayaan. Sa simula, ang bacteria ay maaaring manirahan sa itaas na bahagi ng daluyan ng paghinga (loob ng ilong at lalamunan) nang walang pinapakitang anumang karamdaman o sintomas, ngunit kinalaunan kung ito ay makapasok sa daluyan ng dugo, maaaring magsisimula na ang pagkakaroon ng mga sakit.

Gaano kalaganap ang sakit na Meningococcemia?

Ang sakit na ito ay kalat sa buong mundo at maaaring naiiba-iba ang uri depende kung saang bansa ito nakakaapekto. May mga uri ng meningococcal infection sa mga bansang nasa gitang Africa, mayroon din sa mga bansang China at Russia. At ang iba pa ay nasa mga bansang nasa Hilagang Amerika.

Sa Pilipinas, nagkaroon din ng ilang mga kaso ng pagkakasakit nito noong taong 2004 at 2005 sa lugar na Baguio at mga karatig na bayan sa Cordillera Region, na humantong sa kamatayang ng halos 50 na katao. Ang huling kaso ay naganap sa North Cotabato na ikinamatay din ng isa noong 2008.

Ano ang sanhi ng Meningococcemia?

Ang meningococcemia ay dulot ng impeksyon ng bacteria na Neisseria meningitidis. Ito ay nakukuha mula sa mga maliliit na patak o droplets mula sa bibig at ilong ng taong may sakit. Maari din itong makuha mula sa ubo, bahing, pakikipaghalikan, at iba pang malapitang pakikisalamuha sa taong may sakit.

Ano ang mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakahawa ng sakit?

Ang pagkakaroon ng malapitang pakikisalamuha sa taong apektado ng sakit ang pangunahing salik na nakapagpapataas ng panganib ng pagkakahawa nito. Tumataas din ang posibilidad pagkakaroon ng sakit kung magtutungo sa mga lugar na napapabalitang may kaso nito.

Ano ang mga komplikasyon ng sakit na meningococcemia?

Maaaring magdulot ng ilang mas seryosong kondisyon ang pagkakasakit ng meningococcemia. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Arthritis
  • Pagkamatay at pagkabulok (gangrene) ng ilang bahagi ng katawan na hindi nararating ng dugo.
  • Pamamaga ng mga daluyan ng dugo dahil sa impeksyon
  • Impeksyon sa puso
  • Pagkasira ng adrenal glands

Paano makaiwas sa Mad Cow Disease?

Simple lang ang paraan para makaiwas sa pagkakasakit ng vCJV, at ito ay ang pag-iwas o pagiging maingat sa pagkain ng mga karne ng baka sa mga lugar na napapabalitang may kaso ng Mad Cow Disease. Kabilang dito ang mga bansang nasa Europa tulad ng United Kingdom, Denmark, France, Germany, Italy, Finlad, at Belgium, Spain, Sweden, at iba pang mga bansa sa labas ng lugar na ito gaya ng Israel, Japan, at Canada. Sa Pilipinas, hanggat maaari, tangkilikin na lamang ang lokal na karne ng baka.

Ano ang gamot sa Mad Cow Disease?

Magpasahanggang-ngayon, wala pang epektibong lunas na makapagpapagaling sa impeksyon ng sakit na mad cow disease sa mga tao. Ilang ulit nang pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang epkto ng iba’t ibang gamot sa sakit na ito, ngunit wala pa ring positibong resulta mula sa mga ito. Kaya naman, ang tanging magagawa lamang ay ang pangangalaga sa mga may sakit para maibsan ang mga sintomas na nararanasan, lalo na sa huling antas ng sakit kung kailan halos hindi na gumagana ang utak. Narito ang ilang mga hakbang na makatutulong sa taong nasa huling antas ng sakit na vCJD.

  • Madalas na pagpapalit ng damit at pag-iiba ng posisyon ng pagkakahiga ng pasyente para maiwasan ang bed sores.
  • Paggamit ng catheter para sa kawalan ng abilidad na maka-ihi
  • Dextrose para sa pasyenteng hindi na makakain.

Paano malaman kung apektado ng Mad Cow Disease?

Dahil ang sakit na ito ay mabagal at progresibo, na maaring umabot ng 10 hanggang 30 taon bago magsimulang maramdaman ang mga sintomas, at may halos kaparehong mga sintomas sa sakit na Alzheimer’s Disease, madalas ay binabale-wala, o kaya ay huli na kung ito ay matutukoy. Bukod pa rito, wala ring ispesipikong pagsusuri o eksaminasyon na isinasagawa para mabilis na makatiyak na positibo sa sakit.

Sa ngayon, ang tanging paraan lamang para makatiyak sa pagkakaroon ng sakit na ito ay sa pamamagitan ng pag-aaral sa utak ng pasyente sa paraan ng biopsy kung nabubuhay pa ang pasyente, o kaya ay autopsy kung pumanaw na.

Ano ang mga sintomas ng Mad Cow Disease?

Ang pagkakaranas sa mga sintomas ng sakit na Mad Cow Disease sa tao o variant Creutzfeldt-Jakob disease ay nahahati sa tatlong mga antas o stage. Tumatagal ng 10-30 na taon bago magsimulang maranasan ang mga sumusunod na sintomas ng sakit:

Stage I – Initial Stage

  • Hirap sa pagtulog o insomnia
  • Depresyon
  • Pagkalito
  • Pagbabago sa paguugali
  • Hirap sa pagmememorya
  • Madaling pagkakalimot

Stage II – Stage of Progression

  • Mabilis na pagkawala ng mga alaala, o pagiging makakalimutin
  • Biglaan o hindi makontrol na paninigas ng katawan
  • Panlalabo ng paningin
  • Panghihina ng mga kalamnan
  • Hirap sa pagsasalita

Stage III – Final Stage

  • Kawalan ng kakayahang mag-isip
  • Hindi na makakilos
  • Comatose
  • Pagkaparalisa
  • Kamatayan

 

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Mabuting magpatingin na kaagad sa oras na makitaan ng mga sintomas at senyales ng sakit. Maaaring mabigyan ng gamot o isailalim sa ilang mga therapy para mapabagal ang epekto ng sakit sa utak.

Kaalaman tungkol sa Mad Cow Disease

Ang Mad Cow Disease ay isang sakit na nakaaapekto sa utak ng mga baka na maaari ring maipasa sa tao. Ito ay nagdudulot ng mabagal, progresibo, at unti-unting pagkasira ng utak, hanggang sa ito ay makamatay. Kilala ito bilang variant Creutzfeldt-Jakob disease kung nakaaapekto na sa utak ng tao at wala pang gamot para dito.

Gaano kalaganap ang sakit na Mad Cow Disease?

Ang sakit na Mad Cow Disease sa mga tao ay bibihira lamang, ngunit ang karamihan ng mga kaso nito ay sa mga bansa sa Europa, Hilagang Amerika, at Middle East. Sa Pilipinas, may ilang kaso lamang ng sakit ang naitala ng Department of Health.

Ano ang sanhi ng Mad Cow Disease sa tao?

Pinaniniwalaan ng mga dalubhasa na ang sakit na Mad Cow Disease ay dulot ng abnormalidad sa protinang nakikita sa mga cell na kung tawagin prion. Dahil sa abnormalidad na ito, inaatake ng prion ang tissue ng utak at spinal cord ng baka. Pinaniniwalaan din na ang sakit ay naipapasa lamang sa tao kung sakaling makakakain ng karneng baka na kontaminado ng prion mula sa utak nito.

Ano ang mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakahawa ng sakit?

Ang sakit ay maaaring makaapekto sa kahit na anong edad. At ang posibilidad ng pagkakahawa nito ay tumataas pa kung sakaling madalas kumain ng karneng baka lalo na sa mga lugar na may napapabalitang kaso ng sakit gaya ng bansang United Kingdom. Tandaan na ang prion ay hindi basta-basta napupuksa tulad ng mga mikrobyo sa pagkain na maaaring mamatay sa pamamagitan ing ilang mga pamamaraan ng preparasyon sa pagkain .

Ano ang mga komplikasyon ng sakit na Mad Cow Disease sa tao?

Ang sakit na ito ay mabagal at progresibo, at unti-unti sinisira ang utak ng taong apektado. Ang pinaka malalalang kondisyon na maaaring kahantungan ng mad cow disease sa tao ay pagkaparalisa, comatose at maging kamatayan.